6.19.2011

papaglubagin

nagising na lang siya isang araw at nasabing, “ito na ang araw.” bumangon siya sa malambot na kama, iniwan ang paboritong unan, at magulong kumot na halos nakasayad na sa sahig. makulimlim ang langit nang silipin niya mula sa bintana ng kuwarto. galing sa ika-labing isang palapag ng condominium, pinagmasdan niya ang mga nagmamadaling mga tao, naghahanda sa paparating na ulan. nagbubukas ng payong ang iba habang pumapara naman ng taxi ang ilan. muli siyang tumingala sa mga maduduming ulap. sana mamayang gabi, wala ka na.

kinakalampag na ang bintana. magkahalong kalampag at tila nagsusumigaw pa. “papasukin niyo ko!” pero imbes na isara ang kurtina, pinili niyang itali ito sa magkabilang dulo, pinaliliwanag ang buong silid. palabas na siya ng kuwarto nang mapatigil. tiningnan niya ang magulong kama, unan at kumot na tila binagyo, at kung tama bang magpakapuyat para sa isang kahibangang sa palagay ay maaaring ito ang susi ng pangarap. hindi lang isang gabi ‘to. batid niya ‘to. baka nga hindi lang isang linggo.

huminga siya nang malalim at ibinagsak ang pinto.

humilata siya sa sofa at binuksan ang tv. waring nanonood pero tulala lang din. sa lakas ng ulan, kasabay pa ng mga kulog at kalabog ng mga bintana’t pinto, halos wala nang maintindihan sa mga palabas. humigit kumulang dalawang oras din ang nagdaan, pero hindi natigil nang pirme ang ulan. bubuhos at titila, pero muling bubuhos muli. sa unang pagkakataon, tumayo siya. ngunit imbes na sa kuwarto dumiretso at matulog na lang, sa kusina siya dinala ng kanyang mga paa. nagbakasakaling may makakain sa refrigerator, pero keso’t nanigas na pandesal na lang ang laman. kumurot siya ng kaunting keso at dinampot ang plastik ng pandesal. tatlo o apat na mala-batong pandesal ang dumiretso sa basurahan. sumilip siyang muli sa bintana. at bago pa man siya bumalik sa harap ng tv ay muli siyang napabuntong hininga.

dahil sa mga ilaw na nagmumula sa weather forecast ng tv, maaaninag ang namumuong luha na pilit sinasalok. walang dapat masayang na luha. kaya ko pa. ilang oras pa’t sisikatan na siya ng araw. maya’t mayang silip niya sa orasan at sa bintana. halos tumila na rin ang ulan. paambon-ambon na lang, ngunit makapal pa rin ang ulap. wala pa ring bitwin.

nagulat na lang siya’t apat na araw na pala siyang gising. apat na araw na pala ang buong akalang isang galing nag-uumaga pa lang. nakatulog ba siya’t lumipas ang bulalakaw nang ‘di niya napansin o sadyang ‘di na nakita dahil sa bagsik ng bagyo? sumilip siya sa silid at tinamaan nang antok. hindi pa maaari’t ayaw niyang malagpasang muli ng bulalakaw, pero inaantok na rin at pagod na sa kaaabang ng pagkakataon.