4.17.2011

takot ako, pero gusto kong maging traysikel drayber.

kapag ang dagat ay tahimik, doon daw dapat ako mag-ingat. huwag basta-basta lumangoy at kapag tahimik ang dagat, ito’y malalim. kapag magulo naman, mababaw. parang lata, maingay kapag walang laman. marami pa, halos lahat nga ay natutunan ko sa kanya. simula sa pagkabata hanggang sa ngayon, wala akong isang bagay na ginagawa na wala siyang pangaral.

wala akong pangaral na kinalimutan. bawat isa, tinatak ko sa isip. naalala mo pa, sabi mo, “alamin mo ang gusto mo kasi malungkot gawin ang isang bagay na hindi mo hilig.” tapos tiyaka mo susundan na may tiwala ka sa’kin at paniguradong hindi ako mabibigo sa kahit anong gustuhin ko.

naniwala ako. hinanap ko ang sarili ko. ginawa ko ang lahat ng paraan para maging drayber ng traysikel. inilista ko pa nga ang mga kailangang gawin at kung paano. kailangan kong matuto magmaneho ng motor. sabi ng ibang mga traysikel drayber, matagal bago masanay. babad lagi sa araw, maliit ang kita. sabi mo, hindi sigurado ang kita ng mga drayber. maghanap ako ng siguradong trabaho. nalito ako nang bahagya dahil tila salungat ito sa gusto ko. ang inisip ko na lang, mabubuhay naman ako sa maliit na kita.

magpapaturo ako kay mang dolfo. “swe-sweldohan ka ba niya?” tanong ng mga kapitbahay. napapatungo na lang ako. wala. bakit ako swe-sweldohan ng isang taong hindi ako kailangan. ako na nga ang nakiusap na turuan, ako pa ang babayaran. tila mahirap yata intindihin kaya tinamad na ko magpaliwanag. tinuloy ko na lang. mabuti na lang at mabait sa mang dolfo.

hindi raw ako magiging drayber kung wala akong lisensiya. mahuhuli lang daw ako at habang buhay na hindi makahahawak ng motor. “mangisda ka na lang. ituloy mo na lang ang ikinabubuhay natin at may bangka na tayo.” pero gusto ko magmaneho ng traysikel kaya nilakad ko ang mga papeles. sa bayan pa ang nagrerehistro sa’min. umutang pa ko kay mang dolfo para makapunta ng bayan. buti na lang at may lakad siya at ibinaba na lang niya ko sa may bungad ng bayan at isang oras na lang ang nilakad ko. mahabang paliwanagan ang ginawa ko para maaprubahan ang lisensiya. binigyan ako ng papel. ang sabi, “bumalik ka na lang kapag marunong ka na.” pero marunong na ko, inulit ko nang ilang beses. hindi ko naman maintindihan ang nakasulat sa papel at si inay lang ang marunong magbasa sa bahay.

kay mang dolfo ko pinabasa. mga modelo pala ng traysikel ang nakasulat doon. katabi nito ang presyo ng traysikel. sabi ni mang dolfo, magdadagdag pa raw ako para ma-welding-an ang motor. malaki-laking pera. ganon daw pala talaga. kailangan daw munang bumili ng motor sa kanila bago makakuha ng lisensiya at makapamasada. minsan pa nga ay hinihingan pa ng permit para makapamasada. hindi daw garantiya ang lisensiya.

namumugto ang mata ko. pagpasok ng bahay, kinamusta ko ni itay. wala akong makuwento. hindi ko rin masabing naubos ang ipon ko sa pamasahe pabalik sa’min, na pagkatapos kong mag-aral magmaneho ay baka hindi rin ako maging drayber, na mali ang gusto ko, na mali ang gusto ko pero kaya ko, na kailangan ko ng kaunting suporta, na kailangan ko talaga ng suporta dahil mahirap, na masyadong mataas na pangarap ang gusto ko, na takot ako.

takot ako, pero gusto kong maging traysikel drayber.