4.22.2011

mahirap na makahanap ng tulad mo

mahirap na makahanap ng tulad mo. naaalala mo pa ba kung paano tayo nagkakilala, kung paano kita sinuyo para mapansin mo, at kung paano naging magaan ang lahat? sana naaalala mo pa, kasi ako, hindi ako nakakalimot. pati iyong mga pinakasimpleng bagay ay naaalala ko pa, kahit ilang beses mong sinabi sa’king malala na ang aking pagiging makalimutin. oo, tandang-tanda ko pa.

minsa’y makakalimutan ko ang isa o dalawang bahagi ng isang kuwento natin. hindi ako matatahimik. habang nakasilip sa bintanang bawat araw na lumilipas ay lumalabo, inaalala ko. anong kulay nga ba ang suot mo noon? ngumiti ka ba noon o tumawa? ano nga ba ang unang pinag-awayan natin na tinulugan natin? hanggang sa ihihinga ko na lang nang isang bagsak at susuko na. ihahain ang pagkain kasama ang isang prutas, mangga. mapapangiti na lang ako. hindi dahil sa mangga, kundi dahil sa bawat araw ay may isang bagay na nagpapaalala sa’kin sa’yo. kung minsan ay prutas, kung minsan ay bulaklak, amoy ng isang babae na mabilis nagdaan, litrato, o kung anong imahe na lalabas na lang bigla sa telebisyon.

hahagkan mo ko nang mahigpit kapag kabado ako. alam mo iyon. hahawakan mo nang mahigpit na para bang nililipat mo sa’kin ang iyong natitirang lakas. para tayong mga karakter sa cartoons na may sariling mundo. ngingitian mo ko, waring pinapaalala sa’kin kung sino ako, na kaya ko.

sana andito ka ngayon. panigurado, hahawakan mo nang mahigpit ang kamay ko habang papasok sa puting pinto ng ospital. hindi mo ko iiwan. kung kailangan mong kausapin ang doktor, alam kong hindi ka magtatagal.

nasaan ka na ba ngayon? kung dati’y hindi ko pinahahalata, ngayo’y hinahanap-hanap kita. nakapag-asawa ka ba o o naghihintay pa tulad ko? kung may asawa ka na, sana’y magkita pa tayo’t mauna na siya. maikli na rin naman ang panahon. isa, dalawang taon na magkasama sa isang bubong ay magiging masaya na rin ako. pero siyempre, mas maigi kung mas matagal.

mabuti pa rito sa ospital, malinaw ang mga salamin, malinis ang sahit at singit-singitan. kung ikaw siguro iyon, hindi mo hahayaang maging ganoon karumi ang bahay, o baka hindi ako tamarin sa paglinis at pagsalansan ng mga gamit. mahirap kasi kapag mag-isa. mag-isang magluluto, mag-isang kakain, mag-isang maghuhugas, mag-isang matutulog. kaya sa labas na lang ako madalas kumakain, tutal ay madalas naman ako sa labas. wala namang uuwian.

naalala ko tuloy tayo noon kapag nagkukuwentuhan tungkol sa mga pangarap natin. naalala mo pa kung gaano kagarbo ng bahay na gusto ko? naalala mo pa ba? kinalimutan ko na siya pagkatapos kong lumagpas ng treinta. magpapagawa na ko ng bahay noon, pero imbes na magpagawa ay bumili na lang ako ng luma. kamamatay lang daw ng may-ari ng bahay at pupunta na ng states ang pamilya niya kaya nabenta sa’kin ng mababang halaga. kinagat ko naman. mura at malaki ang bahay, sayang. lumipas ang isa, dalawang taon, hanggang sa abutan ako ng sampo. mabilis akong tumanda. mas gusot na ang balat ko sa mga kahot ng bahay na iyon.

hindi lang naman ako naghintay lang. sumubok din ako ng iba. bumili ako ng aso, at sumali sa mga speed dating. masyadong mabilis ang ikot nila. hindi ko namamalayan, tapos na pala ang buong ikot. wala akong napala. wala ring nagtutugma sa hilig ko. pinagblind date ako ng mga kaibigan ko, may kakilala rin daw silang tulad ko. naisip ko, ano kaya ang ibig nilang sabihin ng “tulad ko.” matanda? walang buhay? napaglipasan na ng panahon o nauubusan na ng oras? sama naman ako, nagbabakasakali lang. isa, dalawa rin ang pumasa. may mga likas na madaldal at hindi na ko makasingit, may mga mahiyain, samut-sari, pero hindi ko makakalimutan ang isa. ka-batch ko noong nag-aaral pa ko. tulad mo, kakaiba rin siya. sayang lang at hindi nagtugma. muli kaming nagkita. kaharap ko siya noon. nakangiti lang ako habang nagku-kuwento siya. napakahabang oras, napakarami na’ng nangyari. paano matatapos ang isang tanong na kamusta?

hinagkan ko siya nang mahigpit bago kami naghiwalay. pamilyar. iniisip ko ngayon, habang nakatitig sa labas, siya ba ikaw o ikaw ba siya. nauubos na ang mga maliliit na alaala. pati ang pangalan mo, unti-unti nang naglalaho. buti na lang at andito ang nars. ano ngang ngalan niya?

4.17.2011

takot ako, pero gusto kong maging traysikel drayber.

kapag ang dagat ay tahimik, doon daw dapat ako mag-ingat. huwag basta-basta lumangoy at kapag tahimik ang dagat, ito’y malalim. kapag magulo naman, mababaw. parang lata, maingay kapag walang laman. marami pa, halos lahat nga ay natutunan ko sa kanya. simula sa pagkabata hanggang sa ngayon, wala akong isang bagay na ginagawa na wala siyang pangaral.

wala akong pangaral na kinalimutan. bawat isa, tinatak ko sa isip. naalala mo pa, sabi mo, “alamin mo ang gusto mo kasi malungkot gawin ang isang bagay na hindi mo hilig.” tapos tiyaka mo susundan na may tiwala ka sa’kin at paniguradong hindi ako mabibigo sa kahit anong gustuhin ko.

naniwala ako. hinanap ko ang sarili ko. ginawa ko ang lahat ng paraan para maging drayber ng traysikel. inilista ko pa nga ang mga kailangang gawin at kung paano. kailangan kong matuto magmaneho ng motor. sabi ng ibang mga traysikel drayber, matagal bago masanay. babad lagi sa araw, maliit ang kita. sabi mo, hindi sigurado ang kita ng mga drayber. maghanap ako ng siguradong trabaho. nalito ako nang bahagya dahil tila salungat ito sa gusto ko. ang inisip ko na lang, mabubuhay naman ako sa maliit na kita.

magpapaturo ako kay mang dolfo. “swe-sweldohan ka ba niya?” tanong ng mga kapitbahay. napapatungo na lang ako. wala. bakit ako swe-sweldohan ng isang taong hindi ako kailangan. ako na nga ang nakiusap na turuan, ako pa ang babayaran. tila mahirap yata intindihin kaya tinamad na ko magpaliwanag. tinuloy ko na lang. mabuti na lang at mabait sa mang dolfo.

hindi raw ako magiging drayber kung wala akong lisensiya. mahuhuli lang daw ako at habang buhay na hindi makahahawak ng motor. “mangisda ka na lang. ituloy mo na lang ang ikinabubuhay natin at may bangka na tayo.” pero gusto ko magmaneho ng traysikel kaya nilakad ko ang mga papeles. sa bayan pa ang nagrerehistro sa’min. umutang pa ko kay mang dolfo para makapunta ng bayan. buti na lang at may lakad siya at ibinaba na lang niya ko sa may bungad ng bayan at isang oras na lang ang nilakad ko. mahabang paliwanagan ang ginawa ko para maaprubahan ang lisensiya. binigyan ako ng papel. ang sabi, “bumalik ka na lang kapag marunong ka na.” pero marunong na ko, inulit ko nang ilang beses. hindi ko naman maintindihan ang nakasulat sa papel at si inay lang ang marunong magbasa sa bahay.

kay mang dolfo ko pinabasa. mga modelo pala ng traysikel ang nakasulat doon. katabi nito ang presyo ng traysikel. sabi ni mang dolfo, magdadagdag pa raw ako para ma-welding-an ang motor. malaki-laking pera. ganon daw pala talaga. kailangan daw munang bumili ng motor sa kanila bago makakuha ng lisensiya at makapamasada. minsan pa nga ay hinihingan pa ng permit para makapamasada. hindi daw garantiya ang lisensiya.

namumugto ang mata ko. pagpasok ng bahay, kinamusta ko ni itay. wala akong makuwento. hindi ko rin masabing naubos ang ipon ko sa pamasahe pabalik sa’min, na pagkatapos kong mag-aral magmaneho ay baka hindi rin ako maging drayber, na mali ang gusto ko, na mali ang gusto ko pero kaya ko, na kailangan ko ng kaunting suporta, na kailangan ko talaga ng suporta dahil mahirap, na masyadong mataas na pangarap ang gusto ko, na takot ako.

takot ako, pero gusto kong maging traysikel drayber.