12.09.2011

masaya ka ba?

masaya ka ba?

a1: lunukin mong mabuti bago mo sagutin. masaya ka ba?

a2: o—kay lang.

isang mahabang o—bago maituloy ang salitang “okay”. at kung iisipin, hindi mo naman talaga sinagot ang tanong. ano ba ang ibig sabihin ng “okay lang”? parang hinihintay mo lang naman na kausapin ka ng masinsinan para mailabas mo talaga ang tunay mong nararamdaman o kung hindi man, basta na lang mawala ang ‘di na maungkat pa.

para siyang bilanggo. kung iisipin, sa pagkakataong ito, pinili naman niya ito. siguro noong umpisa’y ginusto pa niya. sino ba naman ang makatatanggi sa regular na pagkain, libreng tulugan, at wala nang iisipin pa. pinili niyang mabilanggo. nagpabilanggo. ginawa ang lahat para maibilanggo sa pag-aakalang ito ang susi sa lahat ng problema.

sa gitna ng mahabang araw, naisip niyang makawala. naalala niya ang sariwang hangin ng buhay-labas, ang malawak na lupain na dati’y pagmamay-ari, ang bahay na tinutuluyan na kailangang bayaran ngunit walang kahati. tumakas siya. hindi biro ang tumakas sa bilangguan lalo na’t sinigurado niyang matibay ang seldang papasukan noong ninais pa niya.

nagtatakbo siya. ni lingon, pinilit niyang hindi lumingon dahil paniguradong babalik siya kapag lumingon.

tirik ang sikat ng araw. pati ang lupa ay numipis na’t tila nakikisama pa sa kanyang pagkawala. nahahati sa dalawa, o kung minsan ay tatlo o higit pa. napuno na ng alikabo ang kanyang paa, tila ugat ng punong tinubuan na lang basta ng mga kuko.

ipinikit niya ng madiin ang mata. nanginginig pa ang talukap ngunit sa isang mabilis na sandali, siya’y lumingon.

nakahiga siyang muli sa kamang napaliligiran ng bakal. nakatulalang mga kapwa na lutang sa kawalan. malakas na nag-uusap ang mga pulis sa labas lang ng hilerang kuwarto. ano raw ang merienda?

a1: okay ka lang ba?

a2: tigilan mo nga ko. oo naman.

ilalabas niya lang naman ang lahat sa ilong at makasasagot na siyang muli ng “oo”. pero—pero hanggang kailan?

11.15.2011

panawagan sa mga naupo sa’king tabi.

bago siya mamatay, sabi niya sa asawa, “huwag ka sanang magagalit, o magselos man lang. gusto ko lang sana isulat lahat ng mga bagay na nasa puso ko bago pa ko....” napatigil siya nang mapansing tumatango na ang babaeng nakaupo sa kanyang kama malapit sa kanyang paanan. namumugtong mga mata, kulubot na kamay na mahigpit na nakakapit sa kumot na tila ba nakakapit at kapag bumitaw ay mahuhulog sa ‘di mawaring taas ng bangin. ngumiti ang matanda at mabagal na umupo rin upang kumuha ng lapis at papel.

panawagan sa mga naupo sa’king tabi.

malamang ay nakasakay na ko limousine sa mga panahong ito, o kung hindi man ay naka-alis na ko nang tuluyan. pero bago ang lahat, gusto ko lang sanang maipaalam sainyo ang ilang mga bagay.

sinilip niya ang matanda na ngayon ay nakahiga nang muli at taklob ng malaking puting kumot. muli niyang isinara ang pinto at muling ibinuklat ang sulat.

huwag na tayong maglokohan. hindi naman ako natutulog lang. bukas, makalawa, o kahit ilang taon pa, hindi na tayo magkikita-kita pa. hindi rin naman ako naniniwala sa langit kaya’t ito na malamang ang huling pagpaparamdam ko dahil bukas, makalawa’y kinakain na ko ng mga uod at kung ano mang salot ng lipunan. kaya naman bago ang lahat, kailangan niyong malaman:

mahal kita. kung nagkausap tayo ng higit sa tatlo o limang beses, nagkasama tayo sa ilang mga lakad na hindi naman kailangan, siguro’y marapat lamang na malaman mong mahalaga ka sa’kin. naging mahalaga man, o mahalaga, hindi na ito kailangan pang pag-usapan pa. basta, mahalaga ka at masaya akong nakilala kita. huwag damdamin kung minsan ay ‘di ka nabati sa iyong kaarawan, o kailanman ay ‘di ka nabati. hindi ako matandain sa petsa at ngalan, hindi dahil hindi ito mahalaga... o siguro nga’y hindi naman ito mahalaga bilang maaari naman kita pakitaan ng pagtanaw ng utang na loob kahit hindi mo araw ng kapanganakan. ang mahalaga, naaalala kita sa ilang mga sandali ng buhay ko.

mahal ko ang trabaho ko. sa mga taong iniwan ko para hilig ko, sa mga taong hindi ko nabigyan ng oras dahil kinailangan kong unahin ang paghahanap ng lente o pagpunta sa hidalgo, sa mga taong nakagalitan ko dahil hindi niyo nirespeto ang trabaho ko, sa mga taong hindi ko kinaibigan dahil wala kayong interes sa ginagawa ko, sa mga taong natulungan at naturuan—maliit man o malaking bagay, salamat nang marami at pasensiya na po. ang pagmamahal ko sa aking trabaho, ang pagkalibog ko sa aking napiling hilig ay hindi ko maaaring maipagpalit sa kahit ano. pasensiya na po. sana’y intindihin niyo ang pagiging matigas ng aking ulo, sa pagpilit sa aking paniniwala na may mararating ako sa napiling pagkalibugan, sa pinakamamahal kong trabaho na nagturo ng marami sa’kin dahil kung hindi ko ito pinaglaban ay malamang... hindi ko alam. malamang ay patay pa rin naman ako ngayon.

natawa siya nang mabasa ang huling pangungusap ng talata kasabay ng pagpapadulas ng luha na sinalo ng papel. kumalat nang bahagya ang tingga sa papel.

uunahin ko sana ito, ngunit hindi ko alam kung paano uumpisahan. mahal ko kayo, aking pamilya. sa ating magkakapatid, alam naman natin kung sino ang may pinakamatigas ang ulo, kung sino ang hindi sumusunod sa mga bilin, nagsisinungaling, mainitin ang ulo, at mahilig sundin ang sariling paniniwala’t diskarte. alam ko namang mahal niyo ko, pero siguro’y kailangan niyo ring malaman na mahal na mahal ko rin kayo. sa labis na pagmamahal ko sainyo, hindi ako nakikialam sainyo, huwag lang kayo sasaktan na labis. hindi ako magiging katulad ng mga kapatid ni papa, ano man ang mangyari. hindi ko guguluhin ang buhay niyo, hindi ko sisiraan ang asawa niyo sainyo, o ang asawa niyo sa anak niya. hindi man ako nakapagbibigay ng regalo sa mga anak ninyo, hindi ibig nitong sabihin ay mawawala ako sa paligid. ako ay manananatiling kapatid. isa lang siguro, kapag napaaway ang inyong mga anak at walang ginawa ang tatay nila, hindi ko maipapangakong wala akong gagawin.

ma, hindi ko man masabi sa’yo kung gaano ako nagpapasalamat sa dami ng aking natutunan, gusto kong malaman mo, mahal na mahal kita. kung hindi man ako sumusunod sa mga utos mo minsan, kung mas sinusunod ko pa madalas ang aking mga paniniwala, kung gabi ako umuuwi, kung napapaaway ako, kung nagsisinungaling ako at alam ko namang alam mo ngunit hindi mo sinasabi na alam mo, kung pinahiya man kita sa kahit anong paraan, gusto kong malaman mo na ganito ako dahil tinuruan mo kong maging matatag—maging matibay sa lahat ng pagkakataon at maging handa sa lahat ng maaaring mangyari. kung hindi man ako madalas lumalapit sa’yo, ito’y hindi dahil hindi kita kailangan. gusto ko lang na mapatunayan sa’yo na natututo ako. hindi naman kita pinahiya, hindi ba? sa pagpapalaki mo sa’kin, sa’min, wala kaming hihingin pang iba. sapat, sobra-sobra pa. minsan nga, hinihiling ko na minsan, isipin mo rin ang sarili mo. alam kong kami ang nagpapasaya sa’yo tulad ng lagi mong pinaparamdam sa amin, ngunit higit din kaming maliligayahan kapag nakita ka namin muling magpinta, magsulat, makapagturo, magawa ang mga hilig mo ring gawin maliban sa alagaan kami. salamat ma.

pa... sayang at mabilis lang ang naging pagsasama natin. mabilis kaming lumaki sa iyong paningin, pero gusto kong malaman mo na tinitingala kita. lagi kong kinukuwento sa aking mga kaibigan ang mga kuwento mo noon—kung paano mo binuo ang una mong sasakyan na owner-type jeep na de-aircon at kung paano mo ito binuo para maging pang-karera, kung paano mo sinikap na mag-ipon para umasenso at maging maayos ang buhay namin, kung paano ka nagpapalit-palit ng kotse dahil ayaw mong nagco-commute kami, kung paano ka magmaneho at kung saan kayo kumakarera ng pinsan mo, kung paano mo niligawan si mama at kung paano mo inalagaan ang ating mumunting ari-arian. nanghihinayang lang ako’t bitin na bitin ang aking puso sa iyong mga kuwento. alam kong mahal mo kami, at ganoon din ako. mahal kita. mahal kita kaya nagagalit ako sa tuwing gagaguhin ka ng iyong mga kapatid, sa tuwing sisiraan nila sa mama sa’yo, kami sa’yo, at kapag binabastos ka nila sa harap ng maraming tao. alam kong nasasaktan ka. alam kong mahal mo rin sila, pero dahil hindi sila matimbang sa aking paningin, nakikita ko ang nangyayari. huwag ka sanang tamarin at mawalan ng pag-asang makalakad muli at maging maayos ang paggalaw. na-stroke ka man, hindi ibig nitong sabihin ay katapusan na ng mundo. nag-uumpisa pa lang ang lahat. huwag ka sanang panghinaan ng loob, hindi ka namin pabababayaan. ano ka ba, papa ka kaya namin.

at para sa mga minahal ko na nawala—iniwan ko man o iniwan ako.

lumaki ang mata niya nang mabasa ang lapis na nakaguhit sa papel. inulit niyang binasa ang nakasulat. huminga ng malalim at nagpatuloy.

at para sa mga minahal ko na nawala—iniwan ko man o iniwan ako. mahal ko pa rin kayo. hindi naman nawawala iyon. (huwag ka sana magselos, mahal. ikaw naman ang narito. iyon ang mahalaga, hindi ba?) marahil makalimutan ko ang iyong apilido, kaarawan, o maging ang araw kung kailangan mo ko sinagot, ngunit hindi ang ating pinagsamahan. naaalala ko naman kung paano ka ngumiti kapag sinasabihan kitang maganda at bagay ang iyong suot, kung ano ang aking naramdaman nang una tayong naghawak kamay, kung paano ko binigay ang una kong regalo, at marami pang iba. naaalala ko pa rin naman kung paano ka kiligin, kung ano ang nagpapakilig sa’yo, kung anu-ano ang hilig mong kainin, at kung ano ang ulam na ni kita ay ayaw mong makita. hindi naman mawawala iyon. pero hindi ibig nitong sabihin ay maaari na muling maging tayo. ganito na lang muna sa ngayon, maayos naman, hindi ba?

mahal ko. oh, huwag na magselos, huwag na magtampo, o kung ano pa man yan. panawagan lang naman ito. ang mahalaga ay ikaw ang narito ngayon, ikaw ang katabi ko sa panahong ito habang hirap akong huminga. ikaw ang higit na nakakausap ko sa lahat. ikaw ang narito at ikaw ang nakasabay sa aking trabaho. ikaw ang kilala ng aking pamilya at ikaw ang aking kinukuwento sa aking mga kaibigan kapag ika’y ‘di kasama. ikaw ang dadalhan ko ng bulaklak sa mga araw na maramdaman kong nais kitang dalhan. ikaw ang paghahainan sa tuwing maunang maging sa umaga. ikaw ang ihahatid at susunduin, ikaw ang kasabay sa pagtulog. ikaw ang nanay ng aking mga anak, ang lola ng aking mga apo. ikaw ang nariyan, ikaw ang hinihiling na manatili.

“aba! sabi ko naman sa’yo itago mo sa kaha de yero ang sulat na ‘yan!” biglang sigaw ng matanda kasabay ng mabilis na pagbukas ng pinto. “ay nakooo! ang daya naman, e! kailangan nga ma...” napatigil siyang muli. “oo na, oo na. ilalagay na, ‘di ko na tatapusin. magpahinga ka na.”

10.16.2011

way out

nakikita natin ang mga nangyayari in a different perspective, in a third person’s point of view. iyan siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi natin maiwan-iwan ang panunood ng sine. makikita natin ang sarili natin sa isa sa mga character sa isang trailer. ma-realize man natin o hindi na nakita natin ang sarili natin sa kanila, papanuorin natin ang palabas dahil gusto natin may makaintindi sa atin.

isang father-son relationship na struggling sa umpisa pero kakikitaan ng connection sa kalagitnaan ng palabas, good ending man o hindi, maaantig tayo dahil mailalagay natin ang sarili natin sa kinalalagyan nila dahil kung ika’y lalaki, paniguradong isa ka sa dalawa—father o son, o both.

hindi naman palaging pasok sa realidad ang mga nagugustuhan natin. kung minsan, kakikitaan natin ng interes ang isang palabas dahil gusto nating maging tulad ng isa sa karakter. hindi present, kundi umaasang in the future ay malagay ka sa kinatatayuan ng bida.

ikaw ang nakaupo sa tahimik na bar habang may maya’t mayang tumitingin sa’yo na babae sa kabilang bahagi ng lugar. may kasama siya ngunit sa lahat ng nasa loob ng lugar na iyon ay ikaw ang napili niyang akitin. magpapalit ng paang ide-dekuwatro at masisilip ang kalahati ng kanyang hita. sa mabilis na pangyayaring iyon, mawawala ka sa ulirat at paniguradong magkakakilala kayo.

ilan sa mga bagay na hindi naman talaga nangyayari sa totoong buhay, ngunit pilit natin isinasabuhay—isang way out sa napaka-boring na buhay natin.

9.25.2011

see

ang angkan.

kapag may naitatago kang ilang halaga ng salapi at nakamana ng ilang mga lupain, sa angkang ito, para kang imburnal na pinipilahan ng malabanan. parang malalaking mga tubo na buong lakas na sumisipsip, umaasang sa dami ng makukuhang basura ay, kahit man lang isa, mapakikinabangan.

ang salu-salo.

sisigaw para marinig ng lahat, “donya!” magtitinginan ang lahat kung sila ba ang tinatawag, hahanapin, sino ba ang isa pang donyang iyon? lalapit ang isang malusog na babae at tatabi sa kung sino man ang sumigaw. mag-uusap ng malakas na tila ba walang pinagkaiba sa mga nagbebenta ng mga isda sa palengke tuwing umaga. ipagsisigawan nila kung sino ang “suki” at kung sino ang “nakalamang sa pagtawad” noong nakaraan. magkakamustahan na para bang walang alam sa isa’t isa. “nabili na ang mga paninda kong isda!” sigaw ng donya. “paano? bilhin mo naman iyong akin.” nakangiting pakiusap naman ng isa na mawawaring may iniisip na iba. ganito ang usapan hanggang sa dumami at maging isang lambat na puno ng malalansang isda na nag-uunahang makaisa.

ang pag-iisa.

iba’t ibang uri man ng tae, kapag pinagsama-sama ay iisa lang ang amoy. ika nga ng isang may-ari ng kalaban ng malabanan, “kahit saan tiyan pa nanggaling iyan, sa mayaman man o mahirap, tao man o hindi, tae pa rin iyan.” sa tuwing may ikinakasal, pasko, araw ng patay, at kung ano mang maisip na okasyon na puwedeng isingit ang pagtitipon, magsasama-sama ang mga samut-saring tae. ang mga sing-tigas ng batutang mga tae ang paniguradong mauuna sa pagtitipon. sila ang magbubukas ng pinto para magsilbing hostes. mag-iikut-ikot ang mga matitigas na tae para mangamusta at maglista kung sino ang hindi dumalo at kung sino ang may bagong sasakyan. bibihirang dumating nang maaga ang mga malalambot na tae. pipilit na tatabi sa mga matitigas, at umaasang magiging sing-tigas. huling darating at mauunang umalis ang mga halos tubig at naninilaw na mga tae. sila ang mga tinatawag lang at hindi na muling makakausap pa. uupo sila sa isang tabi at makikinig sa mga nangyayari. makikisabat paminsan-minsan, umaasang magiging tulad ng madla, pero tulad ng ibang mga pagtitipon, mapipilitan din silang umuwi nang maaga. “kahit ano pa ‘yan, tae rin ‘yan!” uulitin ng may-ari sabay tutunog ang malakas na makina kung saan nakasaksak ang tubo na nakasubo sa poso negro.

ang uri.

nang mapansin ng basurerong may isang bundok na puno ng itim na supot, mabilis itong pumalaot. mabilis niyang pinagbubuklat ang mga plastik at isinalansan. sa tuwing may nasasalat na karton ay itinatapon niya naman sa kabilang bahagi ng kalsada. halos mabuksan na niya ang lahat ng supot. marami-rami na rin ang naipon niyang mga plastik. sa kanyang isip, “malaki-laki na rin ang kikitain ko rito sa mga plastik.” napatingin siya sa nagsama-samang karton at papel na halos bumuo na rin ng isa pang bundok. sumagi sa kanyang isip na kunin na rin ito upang maisama sa pagbenta, ngunit mabilis din itong nawala. “mawawala naman nang kusa ang mga iyan kapag walang dumampot sa kanila, pero itong mga plastik, hindi. kailangan silang pagsama-samahin at isalang sa nagbabagang apoy upang maging isa at maitapon, o magamit sa ibang higit na makataong paraan.”

ang pang-aral.

tila isang kulto kung paano gumalaw at mag-isip. tatapak sa kaliwa, at susunod ang iba. susunod ang anak, at sila’y manganganak. ang umalis sa pila, mali. ang umalis sa pila, kasalanan ng ina, o kung sino mang ‘di kalahi. ang sabi ng matanda, ito ang tama. titingala ang madla. susunod sa “tama,” pinag-isipan man o hindi. ang sumuway, pagdududahan. ang umulit, tanggal sa listahan. para bang nakipagkasal ka sa isang pulutong na kawal imbes na sa isang kabalyero. pagpapasa-pasahan ka ng mga kawal at sapilitang ipakakain sa’yo ang kanilang mga ari. hindi titingin sa’yo ang iyong kabalyerong tagapagtanggol. sa halip, hahayaan niya ito at magpapatuloy sa kanyang pagiging “tagapagtanggol” habang maiiwan kang tila punit na basahang ipinunas sa grasa, ni taong grasa hindi ka ibubulsa.

9.02.2011

vase VI

tulala siya na tila may kinakapa at may hinahanap ang isip sa madilim na silid, ngunit wala. maayos niyang inilapag ang vase sa itaas ng aparador, sa lugar na unang sisilipin pagkagising sa umaga kasabay ng pagtunog ng alarm at huling makikita sa paglubog ng araw kasabay ng pagtanggal ng relo at pag-set ng alarm para bukas, sa lugar na buong akala’y hindi mawawala.

mabilis na nagdaan ang mga araw, tila ilang minutong pagtaas ang paglubog ng hari. gigising, papasok sa trabaho, at uuwi para makabawi ng tulog. kumapal nang kumapal ang alikabok sa kuwarto ni buboy. naluma ang mga bagay na ‘di nadaraanan ng kamay. gumawa naman ng maliliit na hugis ang mga bagay na napabayaan at biglang magagamit. nawalan siya ng oras sarili, at sa iba. sa pagkalulong sa trabaho, ‘di niya namalayang dahan-dahan na pala siyang bumibitaw sa mundong dati’y buong buo.

nagkalat ang pira-pirasong bubog na dati nang masagi ng pinto ang aparador nang buksan niya. kumalabog ang aparador, bumukas nang bahagya ang salamin na pinto nito, at mabilis na nagkalat ang dati’y buong ceramics, ang pinakaingat-ingatang vase. natulala siya na tila may kinakapa ang isip sa madilim na silid. si buboy na laging handa, na laging may tumatakbo sa isip, na hindi nawawala sa sarili, ay natulala na lang.

nagtatakbo siya papuntang trabaho. pinagtinginan siya ng mga tao. parang baliw na nagtatakbo, imbes na lumuhod at pag-isahin ang dumaming vase. kasabay ng pagkadurog ng ceramic ay ang pagkalat ng mga prayoridad ni buboy. “male-late na ko sa trabaho.” paulit-ulit niyang sinabi sa sarili. binubulong na parang dasal, pinaniniwala ang sariling aabot siya sa trabaho at walang nangyaring masama. hindi naluma ang kanyang kuwarto, walang napabayaang mga bagay-bagay, maayos ang lahat, at walang nabasag.

hindi siya umuwi para makalimot. kating kati mang makita ang vase, makaligo at makapagpalit na bagong labang damit, makahiga sa malambot na kama, at mayakap ang unang kinagisnan, natulog siya sa bangketa. susundan niya ng tingin ang mabibilis na ilaw ng mga sasakyan. makatulog lang, pagmamasdan niya ang mga paa ng mga taong nagdaraan sa kanyang harapan. didilim na lang bigla at papasok sa trabaho para masabihang maligo naman o kung hindi ay, “late ka nanaman.”

nawala siya sa bilang ng kalendaryo. linggo, o buwan. o buwan at linggo rin ang nagdaan. napudpod ang suot na tsinelas, nanlabo ang mga mata, at nawala sa mapa ng maynila.

“buboy?” hindi siya ginigising sa bangketa ng sinuman. hindi siya dumilat. walang nakakikilala sa kanya sa haba ng bangketang tinutulugan. mataas ang araw at siguradong masisilaw siya sa oras na idilat niya ang naglalabong mga mata. “buboy? buboy!” mula sa gumagasgas na boses ng matanda. pamilyar na boses na hindi na halos matukoy. dahan-dahang dumilat si buboy kasabay ng dahan-dahang paglinaw ng mata mula na nagdikit-dikit na muta at kumapal na grasa.

“ano bang ginagawa mo rito’t ‘di ka umuwi?” tanong ng matandang unti-unti nang naaalala ni buboy. walang naisagot si buboy. imbes, ibinalik niya ang tanong. “ano’ng ginagawa niyo rito?” napangiti ang matandang ngayon ay naaalala na ni buboy, ang tindera ng yosi sa labas ng tindahan na malapit sa bahay na tinutuluyan niya. “nadaan lang ako’t papunta ko sa anak ko. hindi na ko nagbebenta ng sigarilyo, buy.” ilang taon na ba ang nakalipas at tila ang dami nang nangyari? at, “ano nga bang ginagawa ko rito,” tanong niya sa sarili. mabilis na nagpaalam ang matanda. sinundan niya rin ng tingin ang kubang matanda habang palayo sa makitid na bangketa. isang kaugaliang nakasanayan na ni buboy, sa lahat na lang na dumaraan ay sinusundan ng tingin imbes na dati’y kasabay sa pagtakbo ng nagkukumahog na pangarap at buhay.

mabilis siyang tumayo at hinabol ang matandang retirado. “nay!” lumingon ang matanda, tila siguradong tatawagin siya. “saan po ang papuntang bahay?” itinuro ng matanda ang sakayan papunta sa kanila. dalawang mahabang sakay at isang mahabang paglalakad at sigurado’t handang buboy. “bilisan mo’t gusto na yatang pasukin ng may-ari ang kuwarto mo’t itapon ang iyong mga gamit. hindi ka na raw kasi nakikita at hindi ka na rin nakakabayad ng renta.”

pasakay na siya ng dyip nang maalalang wala pala siyang pambayad. dalawang piso at tatlong pirasong bente singko sentimos lang ang hawak na hulog sa kanya ng mga estudyanteng nagdaraan.

muli siyang natulala sa pira-pirasong ceramics habang hinahabol ang hiningang hinahabol ng patak ng pawis. nagsisisigaw ang may-ari ng bahay habang kinakatok ang kanyang silid. dahan-dahan niyang inilapat ang tuhod sa maladisyertong sahid at inani ang mga bubog. halos humiga para idikit ang pingi sa sahig upang masilip ang naligaw na mga piraso ng vase. hindi ko alam kung paano mag-uumpisa, pero kaya ko naman.

7.13.2011

kaktus, makaraos, at pagbaliktad ng mundo

madalas sumagi sa isip ko ngayong tuyot na ang lahat, paano o sana nagbunga na lang ang ilang mga pagkakataon. matatapos ang araw na ‘di maamin sa sariling may nais. napupuno ng panghihinayang na nagpapabigat sa kamang hinihigan. sasara ang mga talukap upang makapasok ang mga pangyayari ng kabilang buhay na ‘di nasabuhay. bilanggo ang isip at ang supling nito. ilang sandaling umaabot ng buong siglo. ano mang hangin at init, kaya naman yatang tiisin.


ilang beses dumulas kapag nagsasabon. pinupulot na nga, parang ayaw namang magpahuli. doon pa nga yata nauubos ang sabon ko imbes na pabulain sa katawan. wala nga yata talaga kong galing sa mga ganitong bagay. ayaw ko lang paniwalain ang sarili, pero kahit anong higpit ng hawak ay mapakakawalan rin.


maggupit kaya ko ng buhok ngayon? maiba lang. ang maging iba na naaayon sa nais mo. isang karakter sa isang kuwento na may sariling katangiang kapag nakita ay siya iyon, kapag naamoy ay siya iyon, ito siya at ganito ang buong pagkatao, ito ang ginagawa niya at ito ang paniniwala niya. kapag nakita, kilala. makikilala. sadyang matagal ang mga dyip sa maynila. kapag natutulala, ‘di maiwasang bumaba ang isip at maglakad o tumakbo na lamang. kakawala ang isip. buti na lang at nakababalik. paano kaya kung ‘di makabalik? mawawala ang lahat at kailangang kumuha o gumawa ng bago. kapag naman bumalik, natutuloy ang pagpapagupit. hindi naman ako nagsisi sabi ng isip.


niluto nila ang sisig sa ilalim ng tanghaling tapat na araw. tumatalsik talsik pa ang mantika. sabi ng kusinero, mas mabilis pa raw maluto ang mga sisig nila kumpara sa sisig na luto sa kalan. mabilis akong tumakbo, hindi sa takot, kundi para ipamalita ang nakita. bumalik akong mag-isa. sabi ko, nagbago ang isip ko. imbes na ikimkim, isinigaw ko na lamang sa langit. narinig kaya ng mga ibon?


nanunuyot na ang lalamunan kalalakad. sumuko na sa kasisigaw at kahahanap ng kukuwentuhan. namamalat na labi at nanginginig na mga mata. makapal na palad at nangungulubot at sugatan na talampakan.


nangako ako kahapon na ‘di na uuwi. hindi ako uuwi. kahapon ba iyon o noong nakaraang linggo? o ilang buwan na ba? taon? makakalimot kapag walang kalendaryo. kapag walang magpapaalalang maliliit na bagay. huwag nang banggitin pang wala man sa disyerto, wala pa ring tao.


titilaok ang manok ngunit ‘di na sa umaga. pababa na ang araw. baliktad na ang mundo at matagal-tagal na ring walang ilan. may ambon, ngunit aanhin naman. pansamantalang babasain ang kalsada, papaasahin, pasisingawin lang pala ang init na mahimbing .


sa pagligo na lang kung isipin ang ulan. malakas at malamig na lambing ng tubig sa aking nanunuyong balat. lokohin mo pa ang isip. naninigas na balat ng kaktus na nakatapat sa araw na nakadungaw sa bintana habang nakaupo sa maliit na paso, ngunit kanyang paso. mamanhid at tuluyang makalimot. hindi na bihira ang mga pagkakataong ganitong uri. araw-araw ba naman. maiikling pikit at maya’t mayang pagbuhos ng ilang ito, sanayan lang, at makararaos din.

7.03.2011

hamburger steak special set

mainit ang mga araw ng linggo, pero ‘di sing-init ng ibang mga araw. kakaiba ang linggo. noong bata pa ko, naisip ko, siguro ay dahil araw ito ng diyos. marami ang nagsisimba at nakaaalala sa diyos. noong tumanda-tanda ako nang kaunti, naisip kong kalokohan ito. kakaiba ang init ng linggo dahil walang pasok. kakaunti ang mga taong lumalabas ng bahay upang pumasok kung kaya’t kakaunti ang polusyon.

isa ito sa mga linggong iyon. walang pasok kung kaya’t nasa bahay lang at nagpapalipas lang ng oras. tinawag ako ni papa, “kain tayo sa labas.” katatanong ko lang sa katulong noon at kasasabi lang sa’kin na kakatapos lang ni papa kumain. “kakatapos mo lang daw kumain.” sagot ko. tumawa lang siya at pinatawag si rj, ang drayber namin.

mag-iisang taon na si rj sa’min. simula nang ma-stroke si papa at ‘di na makalakad, kinailangan naming kumuha ng magmamaneho para kay papa, magdala sa kanya sa kung saan-saan at tumulong sa kanya gawin ang mga bagay-bagay na ‘di na magawa.

pumasok ng kuwarto si rj at nilabas si papa ng kuwarto. naiwan ako sa kuwartong boses lang ng radyo ang maririnig. ang ilaw na nagmumula sa alas kuwatrong araw at mapanghing amoy na pumapaikot sa maliit na opisina ni papa. nagkalat na upos sa sahig at la mesa. napansin ko ang kupas na litrato namin, ang passport size kong litrao katabi ng 1x1 ng aking kapatid, isang maliit na family picture na halos labing limang taon na, katabi ang kalalagay lang na graduation picture ko. “madadagdagan pa kaya ‘to?” natanong ko sa sarili.

“hamburger streak o roast beef?” pinapili ko siya. mabilis siyang sumagot. “hindi. hamburger streak.” katatapos ko lang kumain kaya naghanap ako ng salad. “isang hamburger streak, tiyaka isang asian salad.” mabilis na dumating ang salad. kumain ako ng kaunti upang matikman, “ang asim naman nito!” ilang sandali ay dumating din ang hamburger steak ni papa. kumunot ang kanyang noo sabay tinuro ang steak, “nasaan yung tinapay!” mabilis akong sumagot, “walang tinapay. burger lang tiyaka spaghetti.”

mahina na ang kaliwang kamay ni papa dahil sa stroke. unang tinamaan sa kanya ang kanang kamay. pagkatapos ng unang stroke niya, nagpalit kami ng sasakyan upang makapagmaneho pa siya. automatic na ang sasakyan namin nang ma-stroke siyang muli. buti na lang at nasa bahay siya noon. dahil sinabi ng kapatid niya na mabuti ang saging, marami raw potassium, kumain siya ng marami. tumaas ang asukal at muling na-stroke. kaya naman nadagdag sa listahan ng kanyang sakit ang high blood. diabetic kasi siya, ngunit bagaman ganoon, patuloy pa rin sa siya pag-inom ng alak at pagkain ng mga mamantika’t matatamis. kumbaga, kung ano ang bawat ay siyang masarap, at kung ano ang masarap ay siyang nauuna. nitong huli, tuluyan nang tinanggal sa kanya ang karapatang makapaglakad. nanghina ang kanyang mga paa at kaliwang kamay. hirap na rin siyang makapagsalita nang maayos, parang nasasamid kapag lumalagpas sa isang pangungusap ang sasabihin.

sinubukan niyang hiwain ang burger steak gamit ang kanang kamay. gumagalaw ang steak at naitutulak ang spaghetti. “akin na.” kinuha ko ang hawak na kutsilyo at tinusok ang steak. matapos kong hiwain, hinalo ko ang spaghetti dahil alam kong mahihirapan siyang haluin ito. halos di na rin niya kasi ginagamit ang kaliwang kamay sa kahit anong bagay. tila kasabay ng pagkawala ng libog niya sa buhay ay ang pagkawala ng gamit ng kaliwang kamay. tatawa siya ng malakas at muling matatahimik sa tuwing tutulungan ko siyang gawin ang isang bagay.

sinunod niya ang spaghetti ngunit ‘di maiwasang matapon. nagkalat ang maliliit na pasta sa la mesa at wheelchair. “punasan mo muna.” inabutan ko siya ng tissue. mabilis naman niyang kinuha, ngunit imbes na sa upuan ng wheelchair ipunas at sa bibig niya ito ginamit. higit na naging maasim ang kinakaing salad. ang napuwing na mga mata na pilit kong inilayo ng tingin. tumayo ako at pinunasan ang spaghetti sa upuan at la mesa. nilinis ang natirang mga spaghetti sa plato gamit ang kutsara’t tinidor. “ah..” parang batang nag-aabang na dumaan ang tren, parang batang nagbabalik sa pagkabata na naghihintay ng susunod na mangyayari. apat na magkakasunod na subo at naubos ang spaghetti.

tinuloy ko ang pagkain ng salad. tiyaka ko napansin ang labis na pagkaasim ng salad. sinubukan kong alalahanin kung nasobrahan ba ang paglagay ko ng vinaigrette (dressing). halos maluha ako nang isubo ko ang pomelo na naliligo ng dressing. masakit sa dibdib, naninikip, tila nanunuot sa bawat nguyang gawin ko.

pilit kong tinapos nang mabilis ang salad. halos kasabay ko lang matapos kumain si papa. ilang pirasong steak na lang at siguradong maya maya’y maiihi na siya.

iniisip ko kung dapat ba kong magreklamo at kay papa nangyari ito. hindi ko rin akalain na magkakasakit siya nang ganito, mula sa isang hari ng inuman at ng mga sasakyan, astig siya. astig ang tatay ko. hindi man siya makikitaan ng kahit anong senyales ng pagiging ama, astig ang tatay ko noon.

isinubo ko ang huling pomelo. napapikit ako. mabilis kong tinanong si papa, “naiihi ka? tawagin ko si rj.” nang tumango siya, nakatayo na ko. isinalok ang mga namuong luha at tinawag si rj. “kuya, pakisamahan si papa. iihi lang siya.”

hindi nga yata talaga nagtatagal ang mga bagay na masasarap. naunang nawala ang sasakyang kinahuhumalingan. kasabay nito ang pagkawala ng mga babae’t kaibigan. at ngayon, ang mga maliliit na bagay na kaya niyang gawin noon.

“kuha ka ng asukal.” sabi niya sa’kin habang nakaturo sa isang tumpok ng asukal at creamer. “bakit?” tanong ko. “para sa kape ko sa bahay.” hindi na kasi kami madalas bumili ng kape simula nang ma-stroke siya nitong huli. nabawasan ang pinamimiling baboy at dumami ang mga gulay at isda. at marami pang iba na biglang nagbago mula noon. “bawal ka kaya...” mahinang sagot ko.

pero kinuha ko pa rin siya ng apat na sachet ng brown sugar.

“tara na? uwi na?” tanong ko. pumilosopong sagot siya, “siyempre!” sabay tawa. at muli, natahimik kami. nilabas siya ni rj at sumunod ako. pauwi sa bahay, napansin kong bukas-sara siyang bintana. paulit-ulit na pinipindot ang kontrol ng bintana.

nagtinginan kami ni rj. halos tatlong linggo na rin kasi siyang hindi nakasakay sa sasakyan niya.

7.02.2011

isang boteng tubig

tumigil sa isang maliit na bayan para bumili ng tubig at tinapay na makakain sa daan. kailangan na rin niyang magpahinga ng ilang oras at masakit na rin ang mga paa. makulimlim ang langit nang tumingala siya. “tubig” sinabi niya sa sarili. tubig muna at tuyung-tuyo na ang lalamunan. dalawang araw din siyang walang nainom na tubig, tanging laway na paulit-ulit na nilulunon maloko lang ang sariling isip na may tinatanggap ang katawan.

“tao po?” sabay katok upang makatawag pansin. “pabili ho ng tubig.” sunod niyang sinabi sa nawawalang tindera. ilang tindahan din ang pinuntahan bago nakabili ng tubig. tiyaka na lang niya nalaman na kaunti na lang din ang tubig sa bayang iyon. ang lahat ng laman ng kanyang pitaka dagdag pa ang kuwintas na bigay sa kanya ng kanyang ina kapalit ang dalawang boteng tubig. wala mang kasiguraduhan, pero kailangan niyang iwan ang kuwintas upang makarating sa kabilang bayan. babalikan niya ito pagkatapos ng mahabang paglalakbay. “matatapos na rin naman, hindi naman siguro ito mabebenta agad.” pero hindi na niya ito aabutan sa kanyang pagbalik. sa kanyang pagbalik, hindi na niya dadaanan ang mga nadaanan. hindi na siya hihinto sa dating nahintuan upang hindi na makasalamuha ang dating nakasalamuha.

pagkakuha’t pagkakuha niya ng dalawang bote ng tubig ay bumagsak ang ulan. mabilis na nagtakbuhan ang mga tao sa gitna ng kalsada, nagsisisigaw at nagtatatalon habang hawak ang kanya-kanyang balde’t tabo. mula sa pinakamalaking lalagyan na kayang sumalok ng tubig hanggang sa baso ay hinarang nila sa kalsada waring bendita na nakagagaling at nakatatanggap ng kahit anong sakit. uhaw na uhaw ang mga tao sa ulan, sa tubig.

imbes na makisabay sa nagkakagulong madla. tangan ang dalawang bote ng tubig, pumasok siya sa isang motel at nagtanong ng pinakamurang kuwarto. wala naman siyang pambayad kahit gaano kamura pa ito. ngunit kailangan niya ng tutuluyan. “ilang oras lang na tulog at aalis din ako, magkano ang pinakamura?” ayaw siyang tanggapin ng may-ari ng motel. sa asta ng pagtingin ng may-ari sa kanya, walang maipambabayad ang lalaking ito na gulagulanit ang damit, nanlilimahid, at napupuno ng putik ang sapatos. hindi siya sinagot ng may-ari. “wala akong pamayad pero may tubig ako.” sabay patong niya ng isang bote ng tubig sa la mesa. tahimik pa rin ang may-ari.

isinilid niya ang natirang bote sa bag at naglabas ng balisong. lumapit sa may-ari at iniabot ang hawak na balisong. “ito lang ang meron ako. hindi balisong kahoy ‘to. sandali lang naman, magpapahinga lang ako at magpapalipas ng ulan.”

kasabay ng pagkuskos niya ng mga dumi at putik ay ang pag-alala kung paano niya ‘to nakuha, at kung saan. nilabhan ang nangingitim na damit at humiga nang nakahubad. mabilis siyang nakatulog, ‘sing bilis ng labing dalawang oras na ibinigay sa kanya ng may-ari. mabilis siyang bumangon nang marinig ang katok sa pinto. tuyo na ang kanyang damit ngunit hindi ang sapatos. mamasamasa pa ang sapatos na isinuot nang mabilis mabuksan lang agad ang pinto. kailangan nang umalis.

palabas na siya ng motel nang patakbong lumapit sa kanya ang may-ari. nang lumingon siya, agad niyang nakita ang batang hawak ng lalaki. nasa kabilang kamay naman nito ang bawas na bote ng tubig at balisong niya. “isama mo na ang anak ko papunta sa kabilang bayan. ibabalik ko ang mga ipinambayad mo sa’kin. dadagdagan ko pa. sige na, nakikiusap ako. pawala na ‘tong bayan na ‘to.” pakiusap ng matandang may-ari ng motel. “nakikiusap ako.”

pilit niyang iniwasan ang nagluluhang mata na ngayon ay higit na ama na kaysa sa may-ari ng motel. gustuhin man niya, hindi niya kaya. paalis na siyang muli nang mahigpit siyang hinawakan ng lalaki. nangungusap ang mga mata ng batang tila nasa dalawang taong gulang pa lang. paluhod na ang ama nito. “kamamatay lang ng nanay niya.”

“hindi ko kaya.” matigas niyang sinagot ang pakiusap ng matandang nakaluhod sa bunganga ng lumang motel.

at habang papaalis na sa bayang iyon, paulit-ulit niyang pinaliliwanag sa sarili. “..dahil babagal ang paglalakbay ko kung isasama ko siya. mabilis mauubos ang tubig na baon dahil dalawang bibig ang kailangang painumin. at marahin, hindi rin kami aabot sa susunod na bayan kung ganoon ang mangyayari. “hindi ko kaya” dahil ito dapat ang sagot. gustuhin ko man, mas maigi siya riyan. umuulan na kahit paano, pero ako, itong bote lang na ‘to ang nag-iisang lalagyan ko na maaaring gamitin pangsalok ng ulan. at kailan pa ang susunod na ulan?”

“mahalaga ‘tong paglalakbay na ito. hindi man mahalaga sa karamihan, mahalaga pa ito sa aking sarili. pangarap ko ito. at kung ‘di man ako makarating, kahit papaano ay gusto kong maging sigurado na masasabi kong sinubukan ko. sinubukan ko nang buong lakas, pinag-isipan ko ang bawat pagkakataong kailangan, at ito na ang pinakamakakaya ko.”

6.19.2011

papaglubagin

nagising na lang siya isang araw at nasabing, “ito na ang araw.” bumangon siya sa malambot na kama, iniwan ang paboritong unan, at magulong kumot na halos nakasayad na sa sahig. makulimlim ang langit nang silipin niya mula sa bintana ng kuwarto. galing sa ika-labing isang palapag ng condominium, pinagmasdan niya ang mga nagmamadaling mga tao, naghahanda sa paparating na ulan. nagbubukas ng payong ang iba habang pumapara naman ng taxi ang ilan. muli siyang tumingala sa mga maduduming ulap. sana mamayang gabi, wala ka na.

kinakalampag na ang bintana. magkahalong kalampag at tila nagsusumigaw pa. “papasukin niyo ko!” pero imbes na isara ang kurtina, pinili niyang itali ito sa magkabilang dulo, pinaliliwanag ang buong silid. palabas na siya ng kuwarto nang mapatigil. tiningnan niya ang magulong kama, unan at kumot na tila binagyo, at kung tama bang magpakapuyat para sa isang kahibangang sa palagay ay maaaring ito ang susi ng pangarap. hindi lang isang gabi ‘to. batid niya ‘to. baka nga hindi lang isang linggo.

huminga siya nang malalim at ibinagsak ang pinto.

humilata siya sa sofa at binuksan ang tv. waring nanonood pero tulala lang din. sa lakas ng ulan, kasabay pa ng mga kulog at kalabog ng mga bintana’t pinto, halos wala nang maintindihan sa mga palabas. humigit kumulang dalawang oras din ang nagdaan, pero hindi natigil nang pirme ang ulan. bubuhos at titila, pero muling bubuhos muli. sa unang pagkakataon, tumayo siya. ngunit imbes na sa kuwarto dumiretso at matulog na lang, sa kusina siya dinala ng kanyang mga paa. nagbakasakaling may makakain sa refrigerator, pero keso’t nanigas na pandesal na lang ang laman. kumurot siya ng kaunting keso at dinampot ang plastik ng pandesal. tatlo o apat na mala-batong pandesal ang dumiretso sa basurahan. sumilip siyang muli sa bintana. at bago pa man siya bumalik sa harap ng tv ay muli siyang napabuntong hininga.

dahil sa mga ilaw na nagmumula sa weather forecast ng tv, maaaninag ang namumuong luha na pilit sinasalok. walang dapat masayang na luha. kaya ko pa. ilang oras pa’t sisikatan na siya ng araw. maya’t mayang silip niya sa orasan at sa bintana. halos tumila na rin ang ulan. paambon-ambon na lang, ngunit makapal pa rin ang ulap. wala pa ring bitwin.

nagulat na lang siya’t apat na araw na pala siyang gising. apat na araw na pala ang buong akalang isang galing nag-uumaga pa lang. nakatulog ba siya’t lumipas ang bulalakaw nang ‘di niya napansin o sadyang ‘di na nakita dahil sa bagsik ng bagyo? sumilip siya sa silid at tinamaan nang antok. hindi pa maaari’t ayaw niyang malagpasang muli ng bulalakaw, pero inaantok na rin at pagod na sa kaaabang ng pagkakataon.

6.02.2011

parang awa, ‘wag mo kong mahalin

nais hingin, pag-aalalang lihim

kamustahin, ngitian, bigyang pansin.



nagpapasalamat na mata,

at ika’y nakita.

tikwas ng buhok,

silip ng kay puting batok,

ngiting walang pinagbago,

napapaisip, maaari kayang dahilan ay ako?



napapaisip, maaari bang dahilan ay ako?

ako na nangungusap,

nang-iwan kahit ‘lang kausap.

ganyan at tingin ay ‘yong dapat.

ugat nito, ‘di pa mahukay.

kay lalim, hayaan na lang

at manatiling bukang sugat.



nagdurugo, nanginginig sa hapdi.

pigaan ng kalamansi,

iyon naman ang dapat.

mamilipit, tawanan mo na lamang.

siyang nararapat sa makasariling bisyong ng timang.



parang awa, ‘wag mo kong mahalin.

ngunit parang awa, pansinin mo pa rin.

5.07.2011

fb [facebook]

mahirap ang walang pera, pero higit na mahirap ang magkaroon ng guts para magkapera.

window shopping/ thumbnails.

kaya siguro hindi ko nahiligan ang malls. pagkahaba-haba ng nilalakad, wala namang mapapala. napakarami mo ngang makikita—damit, bag, sapatos, pero kailangan ay silipin lang sa bintana dahil alam mong malulungkot ka lang dahil wala ka namang pambili. dadagdag pa sa kalungkutan kapag napansin mong hindi lang pala ikaw ang nakatingin sa kanya. alam mo sa sarili mo na tulad mo, maraming nangangarap sa blue jacket na inaasam-asam mo. higit na masaklap lang kapag nagkataon na habang tinitingnan mo siya, habang pinag-iisipan kung papasok o hindi, o kung tama lang na titigan lang, ay may dadampot at susukat. paano ka gaganahan sa isang bagay na mayrron nang nagmamay-ari? wala ka na ngang pera, pinamumukha pa sa’yo na hindi siya sa’yo.

exit/ logout

pampalubag na lang na nasa mall ka—malamig, hindi ka naaarawan. pero susundan ka ba ng lamig sa paglabas mo ng mall? hindi. mabilis kang kakapitan ng amoy ng araw at usok. wala na nga sa’yo ang blue na jacket, dugyot ka pa. muli, pinamumukha lang na wala kang pambili, walang paraan.

ihihiga mo na lang dahil sa palagay mo’y lilipas din. tulad ng mga pangarap mo noong bata ka pa na kapag naitulog mo na ay mag-iiba na. pero hindi, hahabulin ka ng blue jacket. sa panaginip, pinagkakaguluhan ng mga tao ang jacket. kailangan mong mauna! gustung-gusto mo, pero malaki sa’yo. sakto ang blue, bagay sa jeans mong kupas at white sneakers kapag bagong laba. aabot sa puntong kailangan mo nang umutang. oo, “kailangan.” uutangin mo mabili lang. kahit kanino pa, kahit saan pa, kahit may interes pa, kahit pa 5-6 pero pag nabili mo na, magigising ka. hala! iisipin mo, “ano na ang nangyari?” magiging masaya ka kaya? isang palaisipang mananatiling palaisipan hanggang hindi mo nasusubukan.

tiangge/ personal

kaya kung minsan, mas maigi pa sa tiangge. hindi dahil mas mura dahil hindi naman talaga mura sa mga tiangge. mas maigi lang siguro sa tiangge dahil hindi mo na kailangan pang sumilip. wala kang kailangang pasukin. hihinto ka lang at andoon ka na. kapag ayaw mo, lumipat ka sa iba. mabilis tumawad dahil personal mong napakikiusapan ang tao, at kahit papaano, mahawakan mo man lang, malaman mo man lang kung anong uri ng tela at kung sakto ba siya sa balikat mo.

sa mall kasi, kahit pa kasi salamin lang ang mga pagitan natin sa mga pamilihin, salamin pa rin iyon. parang wall na naghahati sa magkaibang mundo, sa dalawang mundo. sinasabi ng salamin na iyon na nasa magkaibang lugar kayo, na ibang mundo ang nasa loob ng sinisilip mo, at kahit anong gawin mo ay hindi ka makapapasok [dahil wala kang pera].

what’s new and what hot?/top news and recent news

hindi bali, lilipas din iyan. uso-uso lang. parang noong nauso ang elephant pants, hindi ba? noong nauso, nauso na rin ang malinis na kalsada. paano ba naman ay sa laki at haba ng pantaon ay napupunasan ang mga dumi ng kalsada. pero dahil yata sa dami ng sabon na nakokonsumo sa paglalaba ng maduduming maong, nawala sila sa tindahan. mawawala rin siya sa rack ng “what’s hot” tulad ng elephant pants at skinny jeans.

at kung hindi ka naman pupunta ng mall, hindi mo na rin naman mapapansin. hindi mo na siya maaalala at ‘di mo malalamang na-pull out na siya sa stores. kinuha na ang last piece o itinambak na sa factory outlet.

sale: 50% off / status: single

nagbalik siya. 50% off on all items. at sa gulat mo, may tag na nakadikit sa kanya na kumuha ng atensiyon mo, waring kinakausap ka, “ako rin, 50% off! hawakan mo ko! bilhin mo ko! dali!” hindi mo alam kung bakit o sadyang totoo ang tinatawag nilang “destiny” pero nang kinailangan mong bumalik ng mall ay nagkataon namang first day sale. at, at nakadisplay siya. papasok ka ba? oo, papasok ka dahil ito ang nais ng tindahan—na pumasok ka, silipin mo ang napili [kahit walang intensiyon na bilhin at hindi mo talaga nais, at maisip na “sayang, 50% off, e.”] , at bilhin. “ako rin, 50% off! hawakan mo ko! bilhin mo ko! dali!” palakas nang palakas ang sigaw ng tag na nakakabid sa kanya. madidismaya ka nga lang dahil pagkatapos mabawasan ng kalahati ang presyo ay kulang pa rin ng 500 pesos ang dala mong pera.

5.04.2011

panaginip at pagbabago

sisisid ka sa malawak na kadiliman. buong tapang na haharapin ang walang katiyakang kapalaran. palalim nang palalim patungong kung saan. at tulad ng nakaraan, unti-unting nawawala sa’yo ang kontrol. dadalhin ka niya sa pinakaninanais ng iyong puso—masaya man o hindi. huwag matakot, baka may matutunan ka naman.

nakatutuwa lang isipin na hindi lang sa tao applicable ang mga teorya. tulad ng iba pang mga bagay na kapag nagdikit ang north at south, kahit pa daplis lang, ay nakagagawa ng panibago. panibagong elemento, o kung anu mang reaction.

usapang panaginip noon. ang sabi ng isa, isipin lang daw nang buong libog at mapapanaginipan ko raw iyon. usapang babae at kama pa noon. pagkarating ko ng bahay, hinanda ko agad ang higaan at umarteng tulog. mapapanaginipan ko siya—ang nakasisilaw sa puting balat, mamulamulang pisngi hanggang sa kanyang dibdib. ilang minuto na ba ang lumipas? palingat-lingat ang mata sa kadiliman. tapos, ano na?

ang hindi niya nasabi ay nagtitikol pala siya bago humiga at managinip. hindi ko na inulit dahil ibang iba ang panaginip ko noon sa inisip ko. matagal na panahon daw tayong hindi nagkita. taon din ang binilang. nagulat na lang ako nang nakatanggap ako ng tawag. nakatali ka raw at isang warehouse na may labing isang palapag. humihingi siya ng ransom. iniligtas kita nang walang gamit na kahit na ano. nang makita kita. ikaw na si rica peralejo. (hibla pa ang uso noon) nakaupo sa sahig ng malawak na warehouse. nakatali ang iyong kamay at paa, may panyo ang iyong bibig. suot mo ang fit na school blouse mo, pero ‘sing-ikli na ng skirt ni jenny ng ghost fighter ang palda mo. shocking pink ang panty mo.

pagkagising ko matapos ang panaginip na iyon. hindi na kita gusto. hindi ko alam kung ano’ng dahilan, o kung may napanaginipan pa ko maliban sa mala-hentai na panaginip, hindi ko talaga alam ang dahilan. tila tinuro sa’kin ng panaginip na iyon kung ano ang nais ko, kung ano ang mga ayaw ko, at siguro, kung ano ang pantasya ko.

gusto kong maging hero. crush ko si rica peralejo. hindi masyadong maganda si maui dahil mukhang matigas ang suso niya sa hibla. may warehouse kami, ngunit sana ay may hanggang sa mataas na palapag. maganda ang blouse kapag napunit. crush ko rin si jenny. at, hindi masyadong nakatutuwa ang shocking pink na panty.

ilang taon din ang lumipas. malapit na ko magkolehiya nang makita ko sa personal si rica. mabilis talaga ang panahon. malaki na ang balakang niya at hindi na rin yata nakakapagsuklay. habang nakaupo at nakatitig sa kanyang puwet, ilang sandali lang ay nasabi ko na sa sarili ko. hindi ko na siya gusto.

simula noon. hindi na ko tumingin ng ibang boldstar maliban kay aubrey miles. nanatili akong tagahanga ni kristine hermosa at vina morales, pero hindi ko sila inaabangan. iyong tipong mapapangiti ka lang nang bahagya kapag naabutan mo sila sa tv, o mabalitaan sa entertainment section ng mga diyaryo. ganoon lang ako. siguro ay iyon ang natutunan ko sa kanila rica at maui.

may wall ang bawat relasyon. kapag naakyat o nabasag na ang pader na iyon. vulnerable ka na. mabilis ka nang masasaktan. magiging mahina ka to the point na magiging dependent ka na.

kaya rin siguro natuwa ako nang mapanood kong muli ang 500 days of summer lalo na noon sinabi ng narrator na ‘since the disintegration of her parent's marriage she'd only love two things. the first was her long dark hair. the second was how easily she could cut it off and not feel a thing.’ ang ganda noon.

hindi kasi niya basta-basta na lang na gugupitin. paniguradong pinag-isipan din niyo iyon. alam niya kung ano ang mawawala at kung ano ang gusto niyang buhok pagkatapos. at bakit ka malulungkot sa isang bagay na ikaw mismo ang gumawa?

change. naniniwala ako sa pagbabago. pinaniniwalaan ko ito hindi dahil pabalik-balik lang ako, kundi dahil kahit ang pagpapatibay ng relasyon ay isang pagbabago rin.

kailangan lang handa ka. kailangan kahit papaano ay napagisipan mong darating ang iba’t ibang sitwasyon.

tulad ngayon, pagkagising ko kanina, napagtanto ko na lang ayaw ko na. ayaw ko na. sinabi ko iyon sa aking sarili. hindi ko alam kung bakit. hindi nga rin alam kung ano. hindi ko rin maalala kung ano ang napanaginipan ko basta masarap sa pakiramdam kapag sinasabi iyon. ayaw ko na. makatulog ngang muli.

4.22.2011

mahirap na makahanap ng tulad mo

mahirap na makahanap ng tulad mo. naaalala mo pa ba kung paano tayo nagkakilala, kung paano kita sinuyo para mapansin mo, at kung paano naging magaan ang lahat? sana naaalala mo pa, kasi ako, hindi ako nakakalimot. pati iyong mga pinakasimpleng bagay ay naaalala ko pa, kahit ilang beses mong sinabi sa’king malala na ang aking pagiging makalimutin. oo, tandang-tanda ko pa.

minsa’y makakalimutan ko ang isa o dalawang bahagi ng isang kuwento natin. hindi ako matatahimik. habang nakasilip sa bintanang bawat araw na lumilipas ay lumalabo, inaalala ko. anong kulay nga ba ang suot mo noon? ngumiti ka ba noon o tumawa? ano nga ba ang unang pinag-awayan natin na tinulugan natin? hanggang sa ihihinga ko na lang nang isang bagsak at susuko na. ihahain ang pagkain kasama ang isang prutas, mangga. mapapangiti na lang ako. hindi dahil sa mangga, kundi dahil sa bawat araw ay may isang bagay na nagpapaalala sa’kin sa’yo. kung minsan ay prutas, kung minsan ay bulaklak, amoy ng isang babae na mabilis nagdaan, litrato, o kung anong imahe na lalabas na lang bigla sa telebisyon.

hahagkan mo ko nang mahigpit kapag kabado ako. alam mo iyon. hahawakan mo nang mahigpit na para bang nililipat mo sa’kin ang iyong natitirang lakas. para tayong mga karakter sa cartoons na may sariling mundo. ngingitian mo ko, waring pinapaalala sa’kin kung sino ako, na kaya ko.

sana andito ka ngayon. panigurado, hahawakan mo nang mahigpit ang kamay ko habang papasok sa puting pinto ng ospital. hindi mo ko iiwan. kung kailangan mong kausapin ang doktor, alam kong hindi ka magtatagal.

nasaan ka na ba ngayon? kung dati’y hindi ko pinahahalata, ngayo’y hinahanap-hanap kita. nakapag-asawa ka ba o o naghihintay pa tulad ko? kung may asawa ka na, sana’y magkita pa tayo’t mauna na siya. maikli na rin naman ang panahon. isa, dalawang taon na magkasama sa isang bubong ay magiging masaya na rin ako. pero siyempre, mas maigi kung mas matagal.

mabuti pa rito sa ospital, malinaw ang mga salamin, malinis ang sahit at singit-singitan. kung ikaw siguro iyon, hindi mo hahayaang maging ganoon karumi ang bahay, o baka hindi ako tamarin sa paglinis at pagsalansan ng mga gamit. mahirap kasi kapag mag-isa. mag-isang magluluto, mag-isang kakain, mag-isang maghuhugas, mag-isang matutulog. kaya sa labas na lang ako madalas kumakain, tutal ay madalas naman ako sa labas. wala namang uuwian.

naalala ko tuloy tayo noon kapag nagkukuwentuhan tungkol sa mga pangarap natin. naalala mo pa kung gaano kagarbo ng bahay na gusto ko? naalala mo pa ba? kinalimutan ko na siya pagkatapos kong lumagpas ng treinta. magpapagawa na ko ng bahay noon, pero imbes na magpagawa ay bumili na lang ako ng luma. kamamatay lang daw ng may-ari ng bahay at pupunta na ng states ang pamilya niya kaya nabenta sa’kin ng mababang halaga. kinagat ko naman. mura at malaki ang bahay, sayang. lumipas ang isa, dalawang taon, hanggang sa abutan ako ng sampo. mabilis akong tumanda. mas gusot na ang balat ko sa mga kahot ng bahay na iyon.

hindi lang naman ako naghintay lang. sumubok din ako ng iba. bumili ako ng aso, at sumali sa mga speed dating. masyadong mabilis ang ikot nila. hindi ko namamalayan, tapos na pala ang buong ikot. wala akong napala. wala ring nagtutugma sa hilig ko. pinagblind date ako ng mga kaibigan ko, may kakilala rin daw silang tulad ko. naisip ko, ano kaya ang ibig nilang sabihin ng “tulad ko.” matanda? walang buhay? napaglipasan na ng panahon o nauubusan na ng oras? sama naman ako, nagbabakasakali lang. isa, dalawa rin ang pumasa. may mga likas na madaldal at hindi na ko makasingit, may mga mahiyain, samut-sari, pero hindi ko makakalimutan ang isa. ka-batch ko noong nag-aaral pa ko. tulad mo, kakaiba rin siya. sayang lang at hindi nagtugma. muli kaming nagkita. kaharap ko siya noon. nakangiti lang ako habang nagku-kuwento siya. napakahabang oras, napakarami na’ng nangyari. paano matatapos ang isang tanong na kamusta?

hinagkan ko siya nang mahigpit bago kami naghiwalay. pamilyar. iniisip ko ngayon, habang nakatitig sa labas, siya ba ikaw o ikaw ba siya. nauubos na ang mga maliliit na alaala. pati ang pangalan mo, unti-unti nang naglalaho. buti na lang at andito ang nars. ano ngang ngalan niya?

4.17.2011

takot ako, pero gusto kong maging traysikel drayber.

kapag ang dagat ay tahimik, doon daw dapat ako mag-ingat. huwag basta-basta lumangoy at kapag tahimik ang dagat, ito’y malalim. kapag magulo naman, mababaw. parang lata, maingay kapag walang laman. marami pa, halos lahat nga ay natutunan ko sa kanya. simula sa pagkabata hanggang sa ngayon, wala akong isang bagay na ginagawa na wala siyang pangaral.

wala akong pangaral na kinalimutan. bawat isa, tinatak ko sa isip. naalala mo pa, sabi mo, “alamin mo ang gusto mo kasi malungkot gawin ang isang bagay na hindi mo hilig.” tapos tiyaka mo susundan na may tiwala ka sa’kin at paniguradong hindi ako mabibigo sa kahit anong gustuhin ko.

naniwala ako. hinanap ko ang sarili ko. ginawa ko ang lahat ng paraan para maging drayber ng traysikel. inilista ko pa nga ang mga kailangang gawin at kung paano. kailangan kong matuto magmaneho ng motor. sabi ng ibang mga traysikel drayber, matagal bago masanay. babad lagi sa araw, maliit ang kita. sabi mo, hindi sigurado ang kita ng mga drayber. maghanap ako ng siguradong trabaho. nalito ako nang bahagya dahil tila salungat ito sa gusto ko. ang inisip ko na lang, mabubuhay naman ako sa maliit na kita.

magpapaturo ako kay mang dolfo. “swe-sweldohan ka ba niya?” tanong ng mga kapitbahay. napapatungo na lang ako. wala. bakit ako swe-sweldohan ng isang taong hindi ako kailangan. ako na nga ang nakiusap na turuan, ako pa ang babayaran. tila mahirap yata intindihin kaya tinamad na ko magpaliwanag. tinuloy ko na lang. mabuti na lang at mabait sa mang dolfo.

hindi raw ako magiging drayber kung wala akong lisensiya. mahuhuli lang daw ako at habang buhay na hindi makahahawak ng motor. “mangisda ka na lang. ituloy mo na lang ang ikinabubuhay natin at may bangka na tayo.” pero gusto ko magmaneho ng traysikel kaya nilakad ko ang mga papeles. sa bayan pa ang nagrerehistro sa’min. umutang pa ko kay mang dolfo para makapunta ng bayan. buti na lang at may lakad siya at ibinaba na lang niya ko sa may bungad ng bayan at isang oras na lang ang nilakad ko. mahabang paliwanagan ang ginawa ko para maaprubahan ang lisensiya. binigyan ako ng papel. ang sabi, “bumalik ka na lang kapag marunong ka na.” pero marunong na ko, inulit ko nang ilang beses. hindi ko naman maintindihan ang nakasulat sa papel at si inay lang ang marunong magbasa sa bahay.

kay mang dolfo ko pinabasa. mga modelo pala ng traysikel ang nakasulat doon. katabi nito ang presyo ng traysikel. sabi ni mang dolfo, magdadagdag pa raw ako para ma-welding-an ang motor. malaki-laking pera. ganon daw pala talaga. kailangan daw munang bumili ng motor sa kanila bago makakuha ng lisensiya at makapamasada. minsan pa nga ay hinihingan pa ng permit para makapamasada. hindi daw garantiya ang lisensiya.

namumugto ang mata ko. pagpasok ng bahay, kinamusta ko ni itay. wala akong makuwento. hindi ko rin masabing naubos ang ipon ko sa pamasahe pabalik sa’min, na pagkatapos kong mag-aral magmaneho ay baka hindi rin ako maging drayber, na mali ang gusto ko, na mali ang gusto ko pero kaya ko, na kailangan ko ng kaunting suporta, na kailangan ko talaga ng suporta dahil mahirap, na masyadong mataas na pangarap ang gusto ko, na takot ako.

takot ako, pero gusto kong maging traysikel drayber.

3.19.2011

i do. at 'yan ang kuwento.

i do.

i do... miss you. kala mo sagot sa pari kapag tinanong ang cliche sa mga sweetie-patut-patwitams-o-pakilig movies, ano? pero hindi. sa palabas, mahalaga ang kirot. yung alam mong gustong sabihin ng lead actor na “oo” dahil alam natin, bilang mga audience na nasa third person, na gusto niya. gustung-gusto niya. pero wala na ring higit na makaiintindi sa kanya kundi tayo dahil bukod sa bulag siya—bilang siya ang nasa sitwasyon, hindi niya nakikita ang buong picture. ang sitwasyon na kailangan niyang pagpilian ay mahirap para sa kanya. at dahil tayo ay mere audience lamang, maaaring maging mababaw ang dilemma niya para sa’tin unless napagdaanan na natin ito, unless maka-relate tayo sa pinagdaraanan ng ating bida.

i do... love you. kala mo iyon na, pero susundan pa. aabot ang isang kuwento sa sinasabi nilang peak. pero ang sikreto na laging sinasabi ng mga bagong scriptwriter at direktor, “pagmukhain mong peak na siya, tapos ilagay mo pa uli sa mas mataas na peak.” ganito ang buhay. ganito ang mga kuwento. hindi naman kasi natatapos nang basta-basta. hindi porke may i love you na ay tapos na. hind porke sinabing “ayaw ko na” ay wala na talaga. lagi nating tatandaan na sa pagitan ng mga linya ng script, sa likod ng mga dialogues na kinakabisa, ay kaluluwa na buhay at nagpaparamdam.

i do... love you still. inilagay na nga sa mas mataas na peak. parang redundant, ano? iyon iyong sinasabing “akala mo iyon na, hindi pa pala.” pero sa pagbitiw ng linyang ito, makabubuo ka ng dalawang context—positive at negative. well, lagi naman. parang left at right, tama at mali, yin at yang. laging may both sides. kaya naman kung may positive ay laging may kasamang negative. kaya naman kung nalalagay ka sa pagsubok, huwag makalilimot na imposibleng walang kakabit na mabuting maidudulot. pero hindi ibig nitong sabihin ay hindi na maaaring mag-reminisce.

may “awww....” ka mang marinig sa dulo ng scene o wala, sabi nila, ang flashback daw ang pinaka-ineffective na paraan para ipakita ang nakaraan ng isang character. dahil bilang third person, hindi ka lubos na makare-relate sa character na pinapanood mo dahil wala ka sa lugar niya. hindi tulad ng sa totoong buhay na kapag nag-umpisa kang mag-reminisce ay diretso alak ang kasunod sa scene dahil naaalala mo lahat pati ang mga maliliit na details. hindi rin tulad ng mga ibang paraan ng pag-relate sa audience ng backstory ng character tulad ng mga kuwento na sinasama sa mga dialogues at biglang pitik na mga realizations and revelations na sa facial expressions at pag-arte mo mararamdaman, sa silence, sa tension.

wala na. “wala na, eh.” ganoon naman. hindi ko matukoy kung bakit, pero sadyang malapit sa puso ko ang mga palabas na malulungkot ang ending, iyong tipong matatapos ang palabas na mag-isa na lang siya—either namatay lahat, o iniwan, o nang-iwan, o kung anu man. (i have to say, ang lupit noon. iniwan, nang-iwan, o kung anu man. parang mas bagay pa nga iyong “kung anu pa man”) some things are just not meant to be. hindi naman porke swak, ay pasok. ang isang triple a na baterya ay maaaring gumana sa isang electronics na nanganganilangan ng double a. maaari, pero hindi lagi. (a round of applause! i must say, ang lupit nanaman noon. “maaari, pero hindi lagi”) hindi laging gagana dahil hindi tugma. may mga elementong nag-uugnay sa kanila, pero kadalasan ay may hinihingi pang ibang elemento na “kailangan.”

2.27.2011

kahit pa masakit

life is a journey. lagi niyang sinasabi. hindi naman daw kasi maikli ang buhay kung bibigyan mo ng halaga. kaya naman sa tuwing kailangan na maglakbay muli, kasabay nito ang pangangailangan para magbawas ng dalahin.

hindi madaling maglakbay. masaya sa maraming banda, pero hindi madali. mahirap planuhin ang bukas nang paulit-ulit, mag-impake at mamili kung ano ang mahalaga at kailangang iwan na bagahe. kung tutuusin, ilan lang naman kasi ang kakasya sa backpack. mabubuhay na siya sa ilang damit pamalit, sabon at toothbrush, maayos na sapatos, at compass nang ‘di maligaw. kaya masakit na kailangang tanggapin na maraming kailangan maiwan. pero higit na masakit ang makarinig na iniwan sila dahil hindi sila mahalaga.

para maintindihan ka ng lahat, kailangan mo ikuwento at ipaliwanag simula umpisa hanggang sa pinakadahilan kung bakit aalis at mag-iiwan ng ilang mga bagay. at kahit gawin pa ito ay paniguradong marami pa ring hindi makaiintindi dahil ang “tama” para sa isang tao ay maaaring iba sa depinisyon ng “tama” para sa iba. madalas ay hindi pa kailangan mag-iwan, pero ayon sa kanya, nakikita mo na naman na paparating, bakit hindi ka pa maghanda? tulad nga ng kasabihan ng mga matatanda, preparation is half the battle. kung alam na na doon din naman papunta, magkakasakitan lang kung patatagalin pa.

kapag alam mo na kung bakit, malalaman mo na kung paano. hindi naman basta-basta ka na lang mang-iiwan. iyon siguro ang iniisip ng maraming tao (na hindi naman maiwasan bilang ganito ang karamihan sa’tin, mahilig sumawsaw), pero lingid sa kanilang kaalaman, hindi ito biro.

kapag ang linta ay dumikit na sa iyong balak, marahil masakit itong tanggalin dahil iniisip ng linta ay parte na ito ng kanyang katawan. ang dugong dumadaloy sa kanyang katawan ay pinag-aakalang dugo niya. ganito ang pakiramdam kapag kailangan nang magdesisyong iwan ang isang bagay. iiwan mo ang mga pangarap na nabuo, mga pinagdaanan na pinagmamalaki mo at kasama mo siya, mga narating niyong dalawa, at marami pang iba. para kang matatapyasan ng isang parte ng katawan.

if you want something done, you have to do it yourself. kahit pa masakit. kaysa naman maghintay ka o gumawa ka ng paraan para maiwan ang isang bagay, ikaw nalang ang gumawa. masakit, pero kung ang journey mo ay iba sa nararapat na journey niyo, kung hindi naman nagtutugma, lalo lang kayong masasaktan. selfish kung selfish, pero you cannot discount the fact na iniisip mo rin siya at ang kapakanan niya. somehow, you know that it’s best for the both of you.

hindi natatapos nang ganon na lang. maraming puwedeng mangyari pagkatapos ng araw na iyon. pigilan mong lumuha. dahil kapag napabalik ka, lalong magiging mahirap pa. huwag lilingon hanggang maaari. eyes on the prize. kung kinakailangan. kahit pa masakit. huwag ka na rin sanang magsalita. huwag na, mahalaga ‘to. huwag na. maging bingi sa mga mapanghusgang parinig at titig, maging manhid sa mga humahalina pabalik, maging bulag sa makinang hanggang sa lumipas.

kahit pa masakit.

2.01.2011

isa itong mundo ng palakasan

halos apat na taon na rin pala ang nakalipas. tandang-tanda ko pa, late pa ko noon dumating kaya naman pilit kong hindi makagulo sa mga nakikinig. mabilis na dumating sa’kin ang attendance. pagkatapos isulat ang pangalan at section, mabilis ko itong ibinalik nang hindi makaabala. tahimik ang mga tao. may ilang mga nagtatawanan, may mga bibong sumasagot sa mga tanong ng mga lecturer, at may mga sadyang manghang-mangha sa mga nangyayari. sinubukan kong makinig ngunit ang mga lecturer ang aking napansin—isang couple na sinusubukang ipamahagi ang kaalaman sa’ming mga bata. sabi ko sa sarili ko noon, “kayang kaya ko ‘yan. kailangan ko lang matuto pa.” ang sarap siguro magturo sa isang klaseng puno ng interesadong mga tao, iyong tipong nakikinig at handang matuto.

apat na taon. apat na taon kong pinangarap ang posisyon na iyon para makapagturo dahil tulad ng lagi kong sinasabi sa sarili ko, “marami akong puwedeng maituro. kung hindi man, kaya kong humatak ng magaling na lecturer para sa kanila.” at ano pa ba ang maaari kong ituro na may makikinig sa akin at may maniniwala kundi sa larangang ito.

“kapag ako naging head, tangina lang!” lagi kong sinasabi sa mga kaibigan ko. at doon pa lang, iniisip ko na kung anong mga programs at activities ang gagawin ko para mas maengganyo ang mga sasali. iisa-isahin ko sa kanila hanggang sa manawa sila sa kauulit ko, hanggang sa maitatanong ko, “paano nga ba nagiging head?”

nakatutuwa lang isipin na hindi lahat ng pangarap ay natutupad. tulad ng batang nangarap na makabalik ng enchanted kingdom pero sa star city dinala, o baka nga hindi na naulit pa. tulad ng batang nangarap na mabigyang ng remote control na kotse pero t-shirt na malaki sa kanya ang natanggap. nakatutuwa lang isipin na kung ano pa ang pinakahihingi ay iyon pa ang hindi natatanggap. pagkatapos mong mangarap nang sobrang taas, pagkatapos mong gawin ang lahat para maipakitang “oo, qualified ako!” ay mababaliwala.

apat na taon. pagkatapos mong tipirin ang baon mo para makapag-ipon pambili ng bagong cellphone, masa-snatch-an ka. gusto mong habulin pero kumaripas na ng takbo. hindi ka makasigaw dahil walang taong tutulong. nanginginig ka sa galit pero hindi mo mailabas. wala kang laban. isang posisyong hindi pinagbobotohan. isang posisyong basta na lang ibinibigay sa kung sino ang kakilala at mas malapit. isang maliit na posisyong sa sobrang liit ay inakala yatang walang nais sumalo't ibinigay sa ganyang uri. isang maliit na posisyong bigla na lang nagkakaroon ng papalit nang walang nakaaalam.

wala kang laban dahil sa mundong ito, hindi mahalaga sa iba ang pangarap mo. mababaw kung iisipin. magmamaktol ka para sa isang maliit na posisyon ng isang maliit na organisasyon na wala namang nararating? nakalulungkot lang isipin na kung sino pa ang nagmalasakit sa maliit na posisyiong iyon sa maliit na organisasyong iyon, siya pa ang hindi nabigyan ng pagkakataon. nakalulungkot lang isipin na sa mundo ito, kailangan pang magpakatao para maging maayos ang ikot ng mundo, na hindi mo maaaring tanungin ang “paano” at “kailan” dahil wala naman talaga. wala.

isa itong mundo ng palakasan.


1.31.2011

lakbay

kung tutuusin, hindi malayong mangyari
kapag ipinikit at muling idinilat
mga mata, ngayon,
maaaring wala na ang tinitingnan
maya-maya lang.

ibong matapos mamahinga sandali
muling maglalakbay
susunod sa pag-akay
ng malambing na hangin ng himpapawid.

pares ng sapatos
kapag laspag na,
maaalala pa ba ang mga kalyeng nadaanan?

saksakan ng lamig,
maaaring mangulila.
magpasampal nang matauhan
magkamalay-tao man lang.

kung lumipad, ilang sandali lang
ayaw nang magpaaninag
magtatago sa ulap,
sisilip sa kabila.
tinatanaw pa ba?

mas murang magpa-quickie
kaysa bumili
kung lalakbay, alin ang pipiliin,
ang kaaayos lang na sapat
na hubog na ng paa,
o pares na bago,
matigas at masakit pang banatin,
pero siguradong matagas mo pang makakasama.

lalakbay sa ibang mundo.
susuyurin ang bagong kagigisnan.
manghihinayang,
mangungulila,
masasanay,
at mawawala.

pakpak ay itago,
magpanggap na tao.
palingat-lingat na mata,
isuot ang sapatos
bago magpalakad-lakad.
mag-isa, itatanong ang sarili,
"galing na ba rito't alam ang mga daan?"

sapatos na mumurahin,
bihisan lang ay guwapo na rin.
ilipad mo ko sa kung saan,
kahit na saan,
kahit pa sa mamahaling restawran.
tignan natin,
baka kabisado ko riyan.