12.30.2010

sana naging magkaibigan tayo

sana naging magkaibigan tayo, iyong tipong masasabi mo sa’kin ang mga hinaing mo sa buhay at kung anu-ano ang mga nangyari sa araw mo. magiging ganoon din ako kung nauna ka lang sana.

at dahil higit na malaki ka sa’kin, inasahan kong ikaw ang bahala kapag may nang-away sa’kin. sabi mo, kaya ko naman kaya pinilit ko na lang na sagupain sila mag-isa. pagkauwi ko, dumiretso na lang ako ng kuwarto at itinago sa sarili ang lahat. wala akong pinagsabihan. sabi mo, kaya ko, hindi pala. palagi naman tayong magkakasama. kaibigan mo ang kaibigan ko, pero bakit hindi tayo naging magkaibigan?

noong ipinakilala ka sa’kin, sabi ko pa, wala nang mas aastig pa sa’yo. sa tulin mo magmaneho, sa lakas mong uminom, kapag naging magkaibigan tayo, ipagyayabang kita. nalungkot lang ako noong kaarawan ko. ang sabi ng kaibigan natin, hindi mo raw makakalimutan ang birthday ko. natuwa ako na sa’yo pa nanggaling, ani niya. dumating na ang mga keyk, icing na lang ang natira, pati mga spaghetti naiuwi na ng mga bisita, pero hindi ka dumating. nag-iiinom ka pala at nakalimutang birthday ko. akala ko pa naman, iyon na ang magiging simula ng ating pagkakaibigan.

tuwing uuwi ako galing eskuwelahan, minsan aabutan kitang nasa bahay at nanonood ng tv. gusto sana kitang lapitan pero wala naman akong sasabihin. wala naman tayong maaaring pagkuwentuhan. kaya siguro kapag nakikita mo ko ay laging school ang tinatanong mo sa’kin. “mag-aral ako palagi.” yan ang lagi mong sinasabi sa’kin kahit na puro pasado na ang grado ko.

minsang nasagot kita. sabi ng mga kaibigan natin, huwag na raw akong mangatwiran dahil mas matanda ka. pero sa totoo lang, sumagot ako dahil alam kong tama ako. hindi naman ako sasagot kung sa palagay ko ay wala ako sa katwiran. hindi ako humingi ng tawad dahil iyon ang paniniwala ko. pasensiya ka na. hindi naman siguro iyon ang dahilan kaya hindi tayo naging kaibigan, hindi ba?

minsang nakita kitang nalasing. pinilit mo pa ring magmaneho kahit na puwede namang iba na lang. ang bilis mo pa rin magpatakbo. alalang alala ko pa dahil nakasakay ako sa likod noon. at habang palabas ng edsa ay sumusuka ka habang nakatapak sa gas na halos pumalo ng isang daan. natakot, pero mas nalungkot ako. kapag kinukuwento ko iyon, hindi ko pa rin maipaliwanag kung pinagyayabang ko iyon o dapat ko bang ikahiya.

naalala ko nang mag-away kayo ng kaibigan natin. sabi niya, ayaw na raw niyang makita ka. nagkulong siya sa isang kuwarto. lumabas kami imbes na pigilan ang pag-aaway. narinig na lang namin, binaril mo pala ang pinto. buti na lang at hindi tinamaan ang kaibigan natin. naisip ko tuloy, kaibigan mo ba talaga siya?

dati, marami kang kabarkada. linggu-linggo ay may inuman ka kasama sila. kung hindi man ay naggo-golf kasama ang iba. niyaya mo ko noon pero wala naman akong hilig sa golf. ang sabi mo, tuturuan mo ko pero hindi pa rin ako pumayag. noong panahong iyon, nag-uumpisa na siguro akong mawalan ng pag-asang maging magkaibigan tayo.

naalala ko iyong panahong nag-decide akong itigil na ang kahibangang ito. “ayaw na kitang maging kaibigan,” sabi ko sa sarili ko. narinig ko ang mga kuwentu-kuwento sa’yo. niloko mo raw ang ilan sa mga kabigan natin. hindi mo sila pinaniwalaan. iniiwan mo sila para uminom at magpakalasing. at ang huli, nang sigawan mo ko dahil nga bumagsak akong muli ng grade four.

simula noon, hindi na kita masyadong pinansin. nabalitaan kong nahumaling ka raw sa mga babae. nagsara ang business mo at hindi natigil sa pag-inom. sabi ng kaibigan natin, “hindi ka naman daw nagsusugal.” pero lagi kong iniisip, pero marami pa rin siyang bisyo. hanggang sa ilang taon ang lumipas at nagkasakit ka.

inatake ka sa puso. dumating ang mga kapatid mong hindi ko alam kung kapatid mo ba talaga. galit na galit at bakit daw hindi ka inaalagaan. gumanti ako ng sigaw, tutal ay nasa pamamahay ko naman sila. akala ko ay tama ang ginawa ko pero nagalit ka sa’kin kahit hinang hina ka na. gusto ko sanang umalis noon pero wala akong magawa. sumama pa rin ako sa ospital.

ganoon ka ba gumanti? naalala ko tuloy nang mag-away muli kayo ng kaibigan ko. galit na galit ka noon. kinuha mo ang plato at umambang ibabato sa kanya. hindi ko alam ang nasa isip ko noon. tumakbo ako’t sinapak ka sa galit. ang sabi mo, hindi mo naman gagawin. pero paano kung ginawa mo? nagpasa ang dibdib mo at hindi na iyon nawala sa isip ko. naaalala mo pa ba iyon? kulang pa siguro ang pagsigaw mo sa’kin bilang kapalit sa nagawa kong iyon.

hindi naglaon ay inatake kang muli. nag-umpisang manghina ang isa mong paa hanggang sa kinailangan mo na ngang gumamit ng tungkod. ngayon, kailangan mo na rin ng tao para umalalay sa’yo. minsang inalalayan kitang tumayo. mali yata ang pag-alalay ko sa’yo at nang dumating siya ay sabi mo, “siya na lang.”

ngayong hindi ka na makapagmaneho kahit matic, alam kong nalulungkot ka. alam ko kasing iyon ang isa sa mga gusto mong ginagawa at ipinagmamalaki. kaya siguro kapag may pagkakataon ay lagi kang nag-iikut-ikot habang nagmamaneho ang driver mo. sa totoo lang, nami-miss ko na rin na ikaw ang nagmamaneho. wala nang hihigit pa sa’yo kung pagmamaneho lang ang basehan.

noong nalaman kong hindi ka na makatayo mag-isa, naalala ko ang lolo ni mama. hindi na makatayo, hindi na makapagsulat, hindi na makapagsalita nang maayos. utak na lang ang gumagana sa kanya. nalungkot ako, hindi dahil aabot ka na sa ganoong estado, kundi hanggang sa mga pagkakataong ito ay hindi pa rin tayo magkaibigan.

papa nga kita pero hindi tayo magkaibigan. tinatawag kitang papa pero wala naman tayong mapagkuwentuhan. sabi mo nga, tinatawag lang kitang papa kapag may kailangan ako o kung hihingi ng baon. sa tuwing tatawagin mo ko, aalukin mo lang ako ng pagkain o sasabihan na mag-aral nang mabuti. pa, graduating na ko sa march. iniisip ko kung ano na ang sasabihin mo kapag graduate na ko.

wala tayong mapag-usapan. wala tayong mapag-kuwentuhan. kapag tinatanong kita ng mga bagay-bagay, hindi mo rin naman sinasagot. kung minsan, “wala lang” nga ang sagot mo.

maraming nagsasabi sa’kin na ako ang may kasalanan. hindi raw ako nag-reach out kaya ganito tayo ngayon. ilan na rito ang mga kapatid mo. wala akong sinasagot. wala naman akong maisasagot. wala naman silang alam sa mga nangyayari rito sa bahay. hindi naman nila alam na hindi talaga tayo nagtatagpo rito sa bahay. wala naman akong ma-kuwento dahil ramdam ko namang kahit minsan ay hindi ka naging proud sa’kin. kung ikukumpara sa mga kapatid ko, walang wala naman ako. pero gusto kong malaman mo na nalulungkot ako na hindi tayo naging magkaibigan.

twenty-two years, hindi man lang nating nagawan ng paraan, o hindi man lang natin kinuha iyong pagkakataon para magkakilala. sabi ko nga noon sa kaibigan natin, si mama, siguro ay nami-miss mo ang buhay binata dahil lahat ng ginagawa mo ay gawain ng binata. pero kahit na ganoon, kahit hindi tayo nagkakilala at ang mga nasasabi ko lang ngayon ay mga pawang mga nakita at na-experience ko lang, proud ako. kahit papaano, ikaw ang naging dahilan para gawin ko ang mga gusto ko at patunayan sa lahat na kaya ko. ipagmamalaki mo ko, promise. iba man ako sa’ting lahat, ipagmamalaki mo pa rin ako. sorry.