12.09.2010

retiradong runner

sa isang runner,

sariling oras ang hinahabol.

uubusin ang lakas

maabot at malagpasan lang

sariling fastest time.

gigising siya

uunahan pati araw,

makatakbo lang,

araw-araw iyon,

itutuloy ang araw na puno ng sigla.

kay saya ng buhay

kung nagagawa ng isang tao

mga gusto-pangarap,

iyong walang hirap na paghahabol ng katawan sa bilis ng isip.

minsang may nakausap

matandang matalino.

henyo, tandhang selo.

sabi niya,

dating runner daw siya.

mabilis kong pinansin

pangangatawan niya baluktot,

nagbabakasakaling namalikmata.

saklay ang isang binti,

tila inatake ng batalyon ng lamok ang isa

----na siyang kinamot niya,

patpatin ang katawan,

mala-gusot na tela ang balat.

mabilis siyang napausod.

at doon pa lang, alam ko nang

nagkamali ako ng galaw.

para sa isang may kapansanan,

walang higit na masakit,

kung hindi man inis o magkahalong damdamin,

ang literal na titigan

mula ulo hanggang paa.

normal nga, nagagalit na,

paano pa kung ang isang paa’y kahoy

ngunit bago pa man makahingi ng tawad.

bago pa man makapagbuka ng bibig,

nakapagpaliwanag na siya.

‘sing bilis ng kamatayan,

bago pa makapag-isip.

“nagka-diabetis kasi ako.”

gustuhin ko mang ituloy

pag-uusap na naantala,

nawalan na ko ng gana.

sabihin man niyang

“isip na ang gamit sa pagtakbo”

hindi na paniniwalaan

pagkat ako na hindi runner,

ako na hindi atleta,

pero hindi maigalaw ang katawan,

walang magawa,

hindi makatakbo maliban sa isip

hirap na hirap.

ngumiti ako

nagpaalam nang mabilis.

tumawid at hindi na lumingon pa,

pagkat nakakita ng salamin

na ayaw, kailanman, tanggapin.

naupo sa isang banda,

binaha ang eskinita.

malabo pa ang paningin,

sa aking harapan, may humintong paa.

“huwag kang magmadali,

oras lang.”

kakaunting sandali,

matagal na katahimikan

pumaimbulog sa buong kalye ng dapitan.

naririnig ko pa,

gusot na boses ‘sing gaspang ng graba,

“basta’t may naniniwala,

walang rason para mawala.”

note: there comes a point in a dreamers life when everyday seems to be so tiresome, because the body could not catch up with the mind anymore.