12.14.2010

ang aking first love

pangako sa’yo,

ibibili ng isla—puno ng pananim

na may mauusbong na bunga,

tahimik na buhay

sa maliit na bahay,

pagkalabas ng pinto’y

tanawing alay

sa naantalang mga pangkulay.



maliit pa lang,

pangarap nang makalayo.

nagkaligaw-ligaw makahanap lang

ng tulad mo.

tila ako’y bigo,

sa buong paglalakbay,

wala nang hihigit pa sa kaunting ngiti

at yakap mo.



hinayaan mong maglakad-lakad,

tumakbo’t ikutin ang mundo.

hinayaan mong madapa,

magkasugat-sugat at maubos ang luha.

sabi mo, maghihilom din ‘yan,

at babalik ako.



paika-ikang bumalik,

ginamot sugatang tuhod.

nagsisisigaw, nagpupumiglas

sa tinamong duguang tuhod

at pusong bigo.



“time and space.”

sambit sa taingang

uhaw sa hahagkang salita.

dalawang bagay,

dalawang pagbubulaybulayin,

sa tamang pagkakataon,

sa tamang lugar.



ako ang dahilan sa lahat ng ginagawa.

sabi mo pa, huwag mapariwara,

dahil ika’y nahihirapan sa tuwing nawawala.



sarili naman ang isipin.

pinakamamahal ko,

ano ba ang gustong gawin?



patawarin sa oras na bilang,

sa mga panahong bugnutin,

at kulang sa pansin.



sadyang mapaglaro ang kulturang kinalagyan

at buhay na kinalakhan,

itatago nang kay tagal,

para bumalik nang sugatan.

ituturo ang pagkakamali

na natutunan na naman sa kagubatan.

lipad! lipad!

paikut-ikot, paulit-ulit.

dahil ang buhay na kinalakhan,

ganito lang naman yata.



kaya laman ka ng karamihan ng kuwento,

bukambibig, paano mag-alaga,

ikaw ang bida.

sasabay ka sa paglipad

hanggang sa panatag na ‘di na babagsak.

babalik sa pinanggalingan

at maghihintay ng balita.

tagumpay o sugatan,

ika’y sasalubong,

hindi para manabon

kundi makinig sa kuwentong baon.



magpapaalala,

magulo ang mundo.

kailangan sigurado,

huwag masyadong magpadalos-dalos.

buhay ay

paikut-ikot, paulit-ulit.

huwag laging puso ang sagot,

gumamit ng utak dahil ang buhay,

puno ng shit!



dahil sa’yo,

at kung paano pinalaki,

natuto ako.



patawarin sa oras na bilang.

tulad mo, marami lang ding gustong marating.

bagaman ganito,

huwag sanang makalimot.

ika nga ng lumang kanta,

“first love never dies.”

paano kung nanay mo pa.