12.30.2010

sana naging magkaibigan tayo

sana naging magkaibigan tayo, iyong tipong masasabi mo sa’kin ang mga hinaing mo sa buhay at kung anu-ano ang mga nangyari sa araw mo. magiging ganoon din ako kung nauna ka lang sana.

at dahil higit na malaki ka sa’kin, inasahan kong ikaw ang bahala kapag may nang-away sa’kin. sabi mo, kaya ko naman kaya pinilit ko na lang na sagupain sila mag-isa. pagkauwi ko, dumiretso na lang ako ng kuwarto at itinago sa sarili ang lahat. wala akong pinagsabihan. sabi mo, kaya ko, hindi pala. palagi naman tayong magkakasama. kaibigan mo ang kaibigan ko, pero bakit hindi tayo naging magkaibigan?

noong ipinakilala ka sa’kin, sabi ko pa, wala nang mas aastig pa sa’yo. sa tulin mo magmaneho, sa lakas mong uminom, kapag naging magkaibigan tayo, ipagyayabang kita. nalungkot lang ako noong kaarawan ko. ang sabi ng kaibigan natin, hindi mo raw makakalimutan ang birthday ko. natuwa ako na sa’yo pa nanggaling, ani niya. dumating na ang mga keyk, icing na lang ang natira, pati mga spaghetti naiuwi na ng mga bisita, pero hindi ka dumating. nag-iiinom ka pala at nakalimutang birthday ko. akala ko pa naman, iyon na ang magiging simula ng ating pagkakaibigan.

tuwing uuwi ako galing eskuwelahan, minsan aabutan kitang nasa bahay at nanonood ng tv. gusto sana kitang lapitan pero wala naman akong sasabihin. wala naman tayong maaaring pagkuwentuhan. kaya siguro kapag nakikita mo ko ay laging school ang tinatanong mo sa’kin. “mag-aral ako palagi.” yan ang lagi mong sinasabi sa’kin kahit na puro pasado na ang grado ko.

minsang nasagot kita. sabi ng mga kaibigan natin, huwag na raw akong mangatwiran dahil mas matanda ka. pero sa totoo lang, sumagot ako dahil alam kong tama ako. hindi naman ako sasagot kung sa palagay ko ay wala ako sa katwiran. hindi ako humingi ng tawad dahil iyon ang paniniwala ko. pasensiya ka na. hindi naman siguro iyon ang dahilan kaya hindi tayo naging kaibigan, hindi ba?

minsang nakita kitang nalasing. pinilit mo pa ring magmaneho kahit na puwede namang iba na lang. ang bilis mo pa rin magpatakbo. alalang alala ko pa dahil nakasakay ako sa likod noon. at habang palabas ng edsa ay sumusuka ka habang nakatapak sa gas na halos pumalo ng isang daan. natakot, pero mas nalungkot ako. kapag kinukuwento ko iyon, hindi ko pa rin maipaliwanag kung pinagyayabang ko iyon o dapat ko bang ikahiya.

naalala ko nang mag-away kayo ng kaibigan natin. sabi niya, ayaw na raw niyang makita ka. nagkulong siya sa isang kuwarto. lumabas kami imbes na pigilan ang pag-aaway. narinig na lang namin, binaril mo pala ang pinto. buti na lang at hindi tinamaan ang kaibigan natin. naisip ko tuloy, kaibigan mo ba talaga siya?

dati, marami kang kabarkada. linggu-linggo ay may inuman ka kasama sila. kung hindi man ay naggo-golf kasama ang iba. niyaya mo ko noon pero wala naman akong hilig sa golf. ang sabi mo, tuturuan mo ko pero hindi pa rin ako pumayag. noong panahong iyon, nag-uumpisa na siguro akong mawalan ng pag-asang maging magkaibigan tayo.

naalala ko iyong panahong nag-decide akong itigil na ang kahibangang ito. “ayaw na kitang maging kaibigan,” sabi ko sa sarili ko. narinig ko ang mga kuwentu-kuwento sa’yo. niloko mo raw ang ilan sa mga kabigan natin. hindi mo sila pinaniwalaan. iniiwan mo sila para uminom at magpakalasing. at ang huli, nang sigawan mo ko dahil nga bumagsak akong muli ng grade four.

simula noon, hindi na kita masyadong pinansin. nabalitaan kong nahumaling ka raw sa mga babae. nagsara ang business mo at hindi natigil sa pag-inom. sabi ng kaibigan natin, “hindi ka naman daw nagsusugal.” pero lagi kong iniisip, pero marami pa rin siyang bisyo. hanggang sa ilang taon ang lumipas at nagkasakit ka.

inatake ka sa puso. dumating ang mga kapatid mong hindi ko alam kung kapatid mo ba talaga. galit na galit at bakit daw hindi ka inaalagaan. gumanti ako ng sigaw, tutal ay nasa pamamahay ko naman sila. akala ko ay tama ang ginawa ko pero nagalit ka sa’kin kahit hinang hina ka na. gusto ko sanang umalis noon pero wala akong magawa. sumama pa rin ako sa ospital.

ganoon ka ba gumanti? naalala ko tuloy nang mag-away muli kayo ng kaibigan ko. galit na galit ka noon. kinuha mo ang plato at umambang ibabato sa kanya. hindi ko alam ang nasa isip ko noon. tumakbo ako’t sinapak ka sa galit. ang sabi mo, hindi mo naman gagawin. pero paano kung ginawa mo? nagpasa ang dibdib mo at hindi na iyon nawala sa isip ko. naaalala mo pa ba iyon? kulang pa siguro ang pagsigaw mo sa’kin bilang kapalit sa nagawa kong iyon.

hindi naglaon ay inatake kang muli. nag-umpisang manghina ang isa mong paa hanggang sa kinailangan mo na ngang gumamit ng tungkod. ngayon, kailangan mo na rin ng tao para umalalay sa’yo. minsang inalalayan kitang tumayo. mali yata ang pag-alalay ko sa’yo at nang dumating siya ay sabi mo, “siya na lang.”

ngayong hindi ka na makapagmaneho kahit matic, alam kong nalulungkot ka. alam ko kasing iyon ang isa sa mga gusto mong ginagawa at ipinagmamalaki. kaya siguro kapag may pagkakataon ay lagi kang nag-iikut-ikot habang nagmamaneho ang driver mo. sa totoo lang, nami-miss ko na rin na ikaw ang nagmamaneho. wala nang hihigit pa sa’yo kung pagmamaneho lang ang basehan.

noong nalaman kong hindi ka na makatayo mag-isa, naalala ko ang lolo ni mama. hindi na makatayo, hindi na makapagsulat, hindi na makapagsalita nang maayos. utak na lang ang gumagana sa kanya. nalungkot ako, hindi dahil aabot ka na sa ganoong estado, kundi hanggang sa mga pagkakataong ito ay hindi pa rin tayo magkaibigan.

papa nga kita pero hindi tayo magkaibigan. tinatawag kitang papa pero wala naman tayong mapagkuwentuhan. sabi mo nga, tinatawag lang kitang papa kapag may kailangan ako o kung hihingi ng baon. sa tuwing tatawagin mo ko, aalukin mo lang ako ng pagkain o sasabihan na mag-aral nang mabuti. pa, graduating na ko sa march. iniisip ko kung ano na ang sasabihin mo kapag graduate na ko.

wala tayong mapag-usapan. wala tayong mapag-kuwentuhan. kapag tinatanong kita ng mga bagay-bagay, hindi mo rin naman sinasagot. kung minsan, “wala lang” nga ang sagot mo.

maraming nagsasabi sa’kin na ako ang may kasalanan. hindi raw ako nag-reach out kaya ganito tayo ngayon. ilan na rito ang mga kapatid mo. wala akong sinasagot. wala naman akong maisasagot. wala naman silang alam sa mga nangyayari rito sa bahay. hindi naman nila alam na hindi talaga tayo nagtatagpo rito sa bahay. wala naman akong ma-kuwento dahil ramdam ko namang kahit minsan ay hindi ka naging proud sa’kin. kung ikukumpara sa mga kapatid ko, walang wala naman ako. pero gusto kong malaman mo na nalulungkot ako na hindi tayo naging magkaibigan.

twenty-two years, hindi man lang nating nagawan ng paraan, o hindi man lang natin kinuha iyong pagkakataon para magkakilala. sabi ko nga noon sa kaibigan natin, si mama, siguro ay nami-miss mo ang buhay binata dahil lahat ng ginagawa mo ay gawain ng binata. pero kahit na ganoon, kahit hindi tayo nagkakilala at ang mga nasasabi ko lang ngayon ay mga pawang mga nakita at na-experience ko lang, proud ako. kahit papaano, ikaw ang naging dahilan para gawin ko ang mga gusto ko at patunayan sa lahat na kaya ko. ipagmamalaki mo ko, promise. iba man ako sa’ting lahat, ipagmamalaki mo pa rin ako. sorry.

12.28.2010

buhay live-in

nais kitang saktan
sa bawat sulok
nitong tahanan.
hihilahin,
sasabunutan
kung kinakailangan.
takbo!
sige lang,
sa'kin,
babalik at babalik ka naman.

ika'y nagpumiglas,
paa'y nadulas,
basong natabig,
bukas, ako na lang maglilinis.

kalmutin mo pa ko't
hihigpitan ang pagkasabunot.
manlilisik ang mga mata.
gusto pa yatan
itali't ilapat sa kama,
paluin, murahin.
pipigilang sumigaw,
humikbi't humingi ng tulong.
"huwag masyadong malakas,
baka ka marinig ng nasa labas."
bulong sa tabi ng tainga
habang takip ang bibig.

sa dilim,
kakapain ang kutsilyo.
matalas na ba't
kailangan siguradong babaon.
"huwag kang gagalaw,
huwag nating madaliin
huwag nating sayangin
ang mabilis na pagpanaw."

tangang kutsilyo,
binaon nang buong buo.
walang duda,
iniwan sa loob.
at sinundan ng isa,
at isa pa.
"huwag kang masanay,
huwag kang masanay."
sasabay nang bahagya,
katawan,
sa paghila ng kutsilyo,
para bang sariling lamang
kinukuha, ibinabalik at kinukuha sa'yo.

sa gitna ng lamig,
agawang init at hapdi,
dinuldol,
naghahabulang hininga,
may lakas pa bang natira?
pumikit at humiga,
humimlay sa lamig ng lapag.

nagpapasalamat pa kayang
dumilat at buhay pa?
makita kong ikaw ang mundo.
aalalayang bumangon,
may kape pang handa,
diyan lang malapit sa bintana.

umagang kay lamig,
bagsik ng gabi.
pinag-aagawan ng imahe
ng lapag at nagkalat na damit.
magkakatinginan,
ngiti hanggang 'di mapigilan.
magkasabay na halakhalak,
sabay halik na mabilis
sa pisngi yumapak.
"hala! ligo na!
sabi naman sa'yo, maaga pa ko,
tingnan mo't late nanaman tuloy tayo!"

12.14.2010

ang aking first love

pangako sa’yo,

ibibili ng isla—puno ng pananim

na may mauusbong na bunga,

tahimik na buhay

sa maliit na bahay,

pagkalabas ng pinto’y

tanawing alay

sa naantalang mga pangkulay.



maliit pa lang,

pangarap nang makalayo.

nagkaligaw-ligaw makahanap lang

ng tulad mo.

tila ako’y bigo,

sa buong paglalakbay,

wala nang hihigit pa sa kaunting ngiti

at yakap mo.



hinayaan mong maglakad-lakad,

tumakbo’t ikutin ang mundo.

hinayaan mong madapa,

magkasugat-sugat at maubos ang luha.

sabi mo, maghihilom din ‘yan,

at babalik ako.



paika-ikang bumalik,

ginamot sugatang tuhod.

nagsisisigaw, nagpupumiglas

sa tinamong duguang tuhod

at pusong bigo.



“time and space.”

sambit sa taingang

uhaw sa hahagkang salita.

dalawang bagay,

dalawang pagbubulaybulayin,

sa tamang pagkakataon,

sa tamang lugar.



ako ang dahilan sa lahat ng ginagawa.

sabi mo pa, huwag mapariwara,

dahil ika’y nahihirapan sa tuwing nawawala.



sarili naman ang isipin.

pinakamamahal ko,

ano ba ang gustong gawin?



patawarin sa oras na bilang,

sa mga panahong bugnutin,

at kulang sa pansin.



sadyang mapaglaro ang kulturang kinalagyan

at buhay na kinalakhan,

itatago nang kay tagal,

para bumalik nang sugatan.

ituturo ang pagkakamali

na natutunan na naman sa kagubatan.

lipad! lipad!

paikut-ikot, paulit-ulit.

dahil ang buhay na kinalakhan,

ganito lang naman yata.



kaya laman ka ng karamihan ng kuwento,

bukambibig, paano mag-alaga,

ikaw ang bida.

sasabay ka sa paglipad

hanggang sa panatag na ‘di na babagsak.

babalik sa pinanggalingan

at maghihintay ng balita.

tagumpay o sugatan,

ika’y sasalubong,

hindi para manabon

kundi makinig sa kuwentong baon.



magpapaalala,

magulo ang mundo.

kailangan sigurado,

huwag masyadong magpadalos-dalos.

buhay ay

paikut-ikot, paulit-ulit.

huwag laging puso ang sagot,

gumamit ng utak dahil ang buhay,

puno ng shit!



dahil sa’yo,

at kung paano pinalaki,

natuto ako.



patawarin sa oras na bilang.

tulad mo, marami lang ding gustong marating.

bagaman ganito,

huwag sanang makalimot.

ika nga ng lumang kanta,

“first love never dies.”

paano kung nanay mo pa.

12.09.2010

retiradong runner

sa isang runner,

sariling oras ang hinahabol.

uubusin ang lakas

maabot at malagpasan lang

sariling fastest time.

gigising siya

uunahan pati araw,

makatakbo lang,

araw-araw iyon,

itutuloy ang araw na puno ng sigla.

kay saya ng buhay

kung nagagawa ng isang tao

mga gusto-pangarap,

iyong walang hirap na paghahabol ng katawan sa bilis ng isip.

minsang may nakausap

matandang matalino.

henyo, tandhang selo.

sabi niya,

dating runner daw siya.

mabilis kong pinansin

pangangatawan niya baluktot,

nagbabakasakaling namalikmata.

saklay ang isang binti,

tila inatake ng batalyon ng lamok ang isa

----na siyang kinamot niya,

patpatin ang katawan,

mala-gusot na tela ang balat.

mabilis siyang napausod.

at doon pa lang, alam ko nang

nagkamali ako ng galaw.

para sa isang may kapansanan,

walang higit na masakit,

kung hindi man inis o magkahalong damdamin,

ang literal na titigan

mula ulo hanggang paa.

normal nga, nagagalit na,

paano pa kung ang isang paa’y kahoy

ngunit bago pa man makahingi ng tawad.

bago pa man makapagbuka ng bibig,

nakapagpaliwanag na siya.

‘sing bilis ng kamatayan,

bago pa makapag-isip.

“nagka-diabetis kasi ako.”

gustuhin ko mang ituloy

pag-uusap na naantala,

nawalan na ko ng gana.

sabihin man niyang

“isip na ang gamit sa pagtakbo”

hindi na paniniwalaan

pagkat ako na hindi runner,

ako na hindi atleta,

pero hindi maigalaw ang katawan,

walang magawa,

hindi makatakbo maliban sa isip

hirap na hirap.

ngumiti ako

nagpaalam nang mabilis.

tumawid at hindi na lumingon pa,

pagkat nakakita ng salamin

na ayaw, kailanman, tanggapin.

naupo sa isang banda,

binaha ang eskinita.

malabo pa ang paningin,

sa aking harapan, may humintong paa.

“huwag kang magmadali,

oras lang.”

kakaunting sandali,

matagal na katahimikan

pumaimbulog sa buong kalye ng dapitan.

naririnig ko pa,

gusot na boses ‘sing gaspang ng graba,

“basta’t may naniniwala,

walang rason para mawala.”

note: there comes a point in a dreamers life when everyday seems to be so tiresome, because the body could not catch up with the mind anymore.