11.12.2010

biyaheng oo

sa lahat ng pagkakataon,

pinili kung saan dodoon.

palingat-lingat sa maaaring makakita.

mga mata,

pati pader ay nagkaroon.

makina’y pinatay,

binakante lahat ng upuan,

ikaw lang ang hinihintay.

bulung-bulungan ng pagsara’t bukas ng pinto,

parang scene sa palabas, inaabangan ng sinehang puno.

aakyat, bababa.

siguristang paa.

hindi aandar ang bus,

nang hindi dalawa ang paa.

malalim ang gabi’t bilog ang buwan.

sa maliliit na ilaw sa itaas lang ng mga upuan,

kaunti man, pinaaaninag ang kabuuan.

nag-aalinlangan.

ba’t hindi mo subukan,

nang maramdaman ang pagiging espesyal,

ang pagsakay sa bus na walang laman.

iangat na ang isang paa,

at layo’t maglakbay.

maynila, laguna, pampanga, pangasinan.

hindi hahayaan,

pagkat handa—

bus na mahaba, gulong na malaki naman.

sandal lang at akong bahala.

bukas sara pa rin ang pinto,

para makalabas at makabalik sa pagkakaupo.

dilat man o nakapikit,

ipapasyal ng bus sa bagong mundo—

mundong gawa-gawa,

mundong nakasilip sa realidad,

mundong nakatapak sa lupa,

mundong sumasabay pa rin sa pagakyat ng edad.

ang biyeheng mapupuno ng stopover,

walang sayang walang pahinga,

pagkat maiikling biyahe lamang

ang hindi humihinto.

isa, dalawa, takbo,

saan naman patungo?

sinong makapagsasabi,

karatula’y nakatago.

surpresa na lang, iyon ang isipin,

kahit pa alam naman natin.

sa pag-upo, huwag mabilanggo,

upuan lang ‘yan, marami pang iba riyan.

bakante ang bus,

puwedeng puwedeng magpalipat-lipat.

isa lang ang hiling,

huwag sanang lumabas pa

habang tumatakbo ang bus.

‘di biro ang makatagpo,

pasaherong uupo.

umulan, umaraw,

‘di susuko.

kapag nilubak, kapit lang.

pagsubok lang, ano ba naman.

isa, dalawa, tatlo,

handa na magbilang.

mahalaga ang numero,

‘wag lang ikumpara sa karanasan at napagdaanan.

‘di magmamadali, ‘di maiinip,

paalaala sa sarili, at sa’yo na rin.

kailangan kalmado, kailangan sigurado.

akala mo ikaw lang,

may natutunan din ako.

hindi kakarera, hindi magwawalang hiya,

kailangan sigurado, kailangan kalmado.

sa karagatan at kabundukan,

tayo’y daraan.

tumatakbong mga puno,

saan patungo?

huwag magsawang magbilang,

ngunit huwag ding magtampo,

kung mawala sa bilang.

mahalaga, oo,

pero ‘di ‘sing halaga,

ng biyaheng oo.

sa ilalim ng upuan,

basahin ang maikling liham.

nakasulat, “kasama ka sa pangarap ko,

sana ma-enjoy mo

ang biyaheng hinahanda ko

para sa’tin 'to.”