11.12.2010

biyaheng oo

sa lahat ng pagkakataon,

pinili kung saan dodoon.

palingat-lingat sa maaaring makakita.

mga mata,

pati pader ay nagkaroon.

makina’y pinatay,

binakante lahat ng upuan,

ikaw lang ang hinihintay.

bulung-bulungan ng pagsara’t bukas ng pinto,

parang scene sa palabas, inaabangan ng sinehang puno.

aakyat, bababa.

siguristang paa.

hindi aandar ang bus,

nang hindi dalawa ang paa.

malalim ang gabi’t bilog ang buwan.

sa maliliit na ilaw sa itaas lang ng mga upuan,

kaunti man, pinaaaninag ang kabuuan.

nag-aalinlangan.

ba’t hindi mo subukan,

nang maramdaman ang pagiging espesyal,

ang pagsakay sa bus na walang laman.

iangat na ang isang paa,

at layo’t maglakbay.

maynila, laguna, pampanga, pangasinan.

hindi hahayaan,

pagkat handa—

bus na mahaba, gulong na malaki naman.

sandal lang at akong bahala.

bukas sara pa rin ang pinto,

para makalabas at makabalik sa pagkakaupo.

dilat man o nakapikit,

ipapasyal ng bus sa bagong mundo—

mundong gawa-gawa,

mundong nakasilip sa realidad,

mundong nakatapak sa lupa,

mundong sumasabay pa rin sa pagakyat ng edad.

ang biyeheng mapupuno ng stopover,

walang sayang walang pahinga,

pagkat maiikling biyahe lamang

ang hindi humihinto.

isa, dalawa, takbo,

saan naman patungo?

sinong makapagsasabi,

karatula’y nakatago.

surpresa na lang, iyon ang isipin,

kahit pa alam naman natin.

sa pag-upo, huwag mabilanggo,

upuan lang ‘yan, marami pang iba riyan.

bakante ang bus,

puwedeng puwedeng magpalipat-lipat.

isa lang ang hiling,

huwag sanang lumabas pa

habang tumatakbo ang bus.

‘di biro ang makatagpo,

pasaherong uupo.

umulan, umaraw,

‘di susuko.

kapag nilubak, kapit lang.

pagsubok lang, ano ba naman.

isa, dalawa, tatlo,

handa na magbilang.

mahalaga ang numero,

‘wag lang ikumpara sa karanasan at napagdaanan.

‘di magmamadali, ‘di maiinip,

paalaala sa sarili, at sa’yo na rin.

kailangan kalmado, kailangan sigurado.

akala mo ikaw lang,

may natutunan din ako.

hindi kakarera, hindi magwawalang hiya,

kailangan sigurado, kailangan kalmado.

sa karagatan at kabundukan,

tayo’y daraan.

tumatakbong mga puno,

saan patungo?

huwag magsawang magbilang,

ngunit huwag ding magtampo,

kung mawala sa bilang.

mahalaga, oo,

pero ‘di ‘sing halaga,

ng biyaheng oo.

sa ilalim ng upuan,

basahin ang maikling liham.

nakasulat, “kasama ka sa pangarap ko,

sana ma-enjoy mo

ang biyaheng hinahanda ko

para sa’tin 'to.”

customer sa manghuhula

ang pangarap ay maihahalintulad sa panaginip. basically, it deals with a person’s wants, needs, and external stimuli to fight against negative forces (internally and externally). dalawang klase ang pangarap, o panaginip—ang conscious at unconscious. masasabing conscious iyong mga alam natin sa ating sarili ang dahilan kung bakit natin gusto ang isang bagay. at, unconscious naman iyong mga hindi natin mabigyan ng tamang paliwanag kapag natanong sa’tin kung bakit natin gusto, o ano ba ang meron ang bagay na iyon.

“pumikit ka, ano ang nakikita mo?” tanong minsan ng isang manghuhula sa kauupo niyang customer. maraming sinagot ang customer na napakahigpit ang pagkakapikit. basta na lang pinasabog ng kanyang labi ang lahat ng nakita ng isip. sa edad na humigit kumulang beinte singko anyos na nagpapahula sa isang matandang nasa kuwarenta, o singkuwenta anyos, hindi na kailangan pang maging tunay na manghuhula para masabi ang nais ng customer. hindi na siya tumitingin pa palad ng customer. wala na siyang dapat pang basahin sa mga guhit ng palad nito. kailangan na lang niyang making at magpasensiya, at maya maya lang ay may isang daang piso na siya. “hirap kang makatulog tuwing gabi. marami kang angst sa buhay. kaunting tiis lang at magiging successful ka. hindi kayo nagkakaintindihan ng girlfriend mo. choice mo kung gusto mong mag-stay, pero mapapadalas ang pag-aaway ninyo. mahal na mahal ka niya. mahal mo rin ‘tong babaeng ‘to, pero may problema sa inyong pamilya.” hindi makapaniwala ang customer. paano niya nahulaan iyon? nasa isip niya. hindi lang niya pansin na basang-basa siya ng matandang manghuhula. sa tagal na niyang nanghuhula, hindi pa ba niya kabisado ang bawat galaw at hinaing ng mga lumalapit sa kanya?

oras na umabot ng tatlong taong gulang ang isang bata, mag-uumpisa na siyang managinip at mangarap. ito ay dahil sa kanyang mga nakikita’t naririnig. mananaginip siya na binilhan siya ng bagong laruan, o nasa karnibal siya na sa tv pa lang niya nakita. at habang tumatagal, dumarami ang mga panaginip at pangarap ng tao. kung ang isang beinte singko anyos na lalaki ay mananaginip ng sabihin nating limang panaginip sa isang gabi (x) times 365 na araw (x) times 25, forty five thousand mahigit na panaginip iyon. sabihin nating kalati noon ay nagkataong magkakapareho, so 45625 (/) divided by 2 is 22812.5. merong 22812.5 na panaginip ang customer ng matanda. ganoong karami ang mga “nais” ng customer niya.

sa katunayan nito, hindi naman talaga kapalaran ang pinupunta ng mga tao sa mga manghuhula tulad ng matandang ito. tulad ng mga psychologist, tinutulungan lang nila ang mga tao na makakita, na makita at maramdaman ang unconscious side nila. sa pamamagitan ng pag-ulit ng sinabi nila, naririnig nila ang sarili nila.

customer: “limang taon na kong nagtra-trabaho….”

manghuhula: “kaunting tiis lang at magiging successful ka.”

may naisagot ba ang manghuhula sa problema ng customer? nagpapakalma lang siya. sasabihin niya ang mga maaarining mangyari, at tiyaka niya uulitin ang nais marinig na alam naman talaga sa sarili ng customer na iyon ang gusto, at gagawin.

customer: “limang taon na kong nagtra-trabaho….”

manghuhula: “kaunting tiis lang at magiging successful ka. lilipat ng trabaho ang kakompitensiya mo sa opisina [depende sa suot ng customer, kung naka-slacks ay opisina at kung hindi masabi ay salitang “trabaho” na lang ang gagamitin”] at tuluyan ka nang mapro-promote. kaunting tiis pa.” sa huling pangungusap niya uulitin sa’yo ang sinasabi ng puso mo, iyong mga salitang kinatatakot mong sabihin physically.

hindi naman nawawala ang love life sa mga hula. kung hindi mismong relationship ang ipinapahula, ay pre- at post- ang nais malamang ng mga tao. “may isang taong sobrang malapit sa’kin, pero hindi ko maipaliwanag, hindi kami magkasundo sa halos lahat ng bagay!” sasabihin ng customer nang punung-puno ng emosyon.

walang taong magku-kuwento ng isang bagay na hindi mahalaga sa kanya. ang kuwento ay personal. hindi natin iku-kuwento na nakasalubong natin kanina ang tindera ng halo-halo noong papasok tayo sa trabaho, o narinig natin na nambababae raw iyong kapitbahay ng tito natin kaya lagi raw siyang wala tuwing biyernes ng gabi (exception sa mga tsismosa’t tsismoso). hindi kasi tayo kasama sa kuwento. kailangang maapektuhan tayo para makaramdam tayo ng emosyon. dahil sa emosyong ito, tiyaka natin naikukuwento nang buong puso.

ibig nitong sabihin, malapit sa puso nitong customer ang taong itinutukoy na hindi niya makasundo. dahil sa paggamit naman ng linyang “..sa halos lahat ng bagay,” ikinokonsidera na ng costumer na halos lahat ng nagawa niya sa buhay ay kasama niya ang taong ito. dagdag pa rito ang paulit-ulit niyang pagsabi na hindi niya maipaliwanag.

ang isang bagay na hindi maipaliwanag ay may dalawang maaaring kahulugan: unconscious, o bobo sa words. kahit pa madalas na dahilan ang kabobohan sa vocabulary, madalas din namang nagiging rason ang unconsciousness. hindi naipaliwanag ng customer dahil nararamdaman lang niya. maaaring hindi niya matanggap na mahal nga niya ang taong ito na ibang iba sa pagkatao niya. maaaring unconsciously, iniisip niya na imposibleng magmahal siya ng tulad nito. maaaring dine-deny lang ng unconscious mind niya ang connection nilang dalawa.

nakikita ito lahat ng manghuhula (o naririnig, bilang mga guhit lang talaga ang nakikita sa mga palad). at sa katunayan, uulitin kong muli, wala naman talagang iniiwang sagot ang manghuhula. ibabalik niya ang mga nasabi ng customer, interpret, at kukunin ang bayad. at uuwi kang kampante, buong biyaheng iniisip na, “oo nga, nasa sa’kin naman talaga kung gugustuhin kong mag-stay o hindi, e.” tiyaka ka magdedesisyon. at kapag nakapagdesisyon ka na, tiyaka ka manghihinayang sa ibinayad mo sa manghuhula.