10.24.2010

buhay langgam: hindi lang 47 days

hindi ko ma-gets ang science. kaya siguro hindi ko masyadong binibigyan ng halaga. masyadong pinahihirapan ang buhay—ang daming terms, definitions, pati sa pinakamaliliit na bagay ay may term at kung anu-anong facts.

grade two pa lang ako, sinabi sa’kin na masipag ang mga langgam. noong panahong iyon, alam ko na ang bagay na ito. naglalaro na ko ng langgam, kaya isa na alng ang tinanong ko, “masipag sila kahit bulag sila?” sino raw ang nagsabing bulag ang mga langgam? hala, wala. nagkakauntugan kasi sila kaya naisip ko, baka bulag sila. mayroon daw silang mga mata, maliliit nga lang. kaya raw sila nagdidikit dahil iyon ang paraan nila para makapag-communicate. aba! hindi puwedeng sumigaw?

grade four ako nang sabihin kong “astig ang mga langgam.” nagbubuhat sila ng mga dahon, pagkain—mga tira-tirang mamon, skyflakes, at kung anu-ano pang mapulot. minsan, nakita ko pa kung paano nila kuyugin iyong patay na ipis. parang lego kung baklasin nila isa-isa iyong mga paa ng ipis. tiyaka ko nabasa sa isang science book na kaya nilang magbuhay fifty times their wieght. naisip ko lang, paano kung ako iyon. ako na ang dakilang bully!

balingkinitan kasi ang katawan ko noon. kaya naman nag-ambisyon akong maging langgam. pero siyempre, gusto kong maging kasinglakas ng langgam. baka naman maging langgam ako sa mundo ng mga tao, anak ng puta naman. may anim na paa nga ko, matatapakan naman ng isa.

bago ako grumaduate, nag-aalaga na ko ng langgam. at nalaman kong malakas man sila, forty-seven days lang ang tinatagal nila sa mundong ito. may kaluluwa kaya sila? lagi kasing sinasabi ng pari sa simbahan sa kabilang baranggay, “lahat ay may kaluluwa. hiram lang ang katawan natin.” o, ibang dimensiyon ang mundo nila, at iba ang diyos nila? baka naman anim din ang paa ng diyos nila, may dalawang antenna, at may matigas na katawan—the images ang likeness of.... tumigil akong humuli at mag-alaga ng langgam bago grumaduate. sabi sa facts about ants, 45-60 days ang buhay nila. ibig lang nitong sabihin ay hindi ko lang sila inaalis sa mundong kinagisnan nila, umiikli pa ang buhay nila. tiyaka ko lang naisip na maaaring workaholic talaga sila kaya namamatay sila kapag inilalayo ko sila sa mundo nila. wala siguro silang mga taba tulad ng mga tao. o kung mayroon man, hindi na ito makikita bilang nababalutan sila ng matigas na balat, o hand exoskeleton, o matigas na skeleton sa labas ng katawan.

first year ko itinigil ang pagkahumaling ko sa mga langgam. inilipat ako ng paaralan ng aking mmga magulang. nawi-wirduhan na siguro sila, kaya nagbago ako. buong lakas kong sinubukang maging matino, “normal” sa paningin ng madla. kailangang maging matino, magmukhang “normal”, at malinis—kahit kailan ay hindi naging malinis sa mata ng kulturang ito ang taong humahawak ng mga insekto. dito ako nag-umpisang magkaroon ng kaibigan. natuto akong hindi na talaga magbasa ng libro, at kumopya na lang sa mga quizes and exams. ang mga seatworks and homeworks, ginagawa ng girlfriend kong hindi ko na maalala kung paano naging kami. sa limang araw na pasok, tatlong araw kaming nasa labas. pagkatapos ng klase ay didiretso kami ng mall para mag-arcade, o maglaro sa kung saan-saang computer shops. habang tumatagal, lumiliit ang baon ko. unti-unting nagiging kulang na para sa’kin ang perang binibigay sa’kin. tiyaka ko ito na-realize nang sumubok ako ng bato. deym! deym! ang sarap, ang mahal nga lang.

kahit mahal, tinuloy ko. at habang tumatagal, dumarami ang aking mga kaibigan—lalaki, at babae. umabot sa puntong dahil sa bato ay hindi na lumalayo sa’kin ang mga tao. lalong naging madikit sa’kin ang mga babae, at nagustuhan ko ito. hindi naglaon, lalo silang dumami—lalaki, babae, tomboy, at bakla. umabot sa puntong dahil sa bato ay lumiit ang mundo ko, pero ramdam ko ang lakas.

nabaon ako sa utang, naghiwalay sila papa’t mama, kay papa ako naiwan, laging wala si papa, wala kaming pera, wala na kong bato, naubos ang mga tao.

third years na ko, at ginagapang ko na ang sarili ko papasok—metaporikal at literal. physical din sana, dahil nawalan na rin ako ng gana. kung hindi lang dahil sa pagnanais kong umabot ng college at maka-experience ng party ng college ay hihinto na ko. at siyempre, grumaduate ng college. wala na ngang pamilya, wala pang kinabukasan. iniisip ko rin naman ang bukas kahit papaano.

umabot ako ng graduating class. nakilala ko bilang pinakamatanda sa klase. laging pang-asar sa’kin, masyado ko raw in-experience ang buhay grade school at high school ko. paano pa kaya ang college? hindi ako napipikon, pero lalayo ako. kunwari ayaw makinig sa mga pangungutya, pero ang katotohanan ay pupunta sa gilid-gilid ng paaralan para sumilip ng mga langgam. balik bisyo, ika nga. once you pop, you can’t stop talaga. naghahalikan sila sa tuwing magkakasalubong sila. pero, masyado yatang mabilis kung humalik sila. naisip ko, baka matagal na para sa kanila iyon bilang maliliit na nilalang naman sila. kung kaya nilang magbuhat ng fifty times their body weight, ibig nitong sabihin, kaya nilang kumantot at magpaputok ng fifty times. teka, sa ka-busy-han ng buhay nila, naiisip pa kaya nilang magtikol? may malambot na parte kaya ng katawan nila? at kung matigas na ang katawan nila, paano pa sila titigasan? dumami nang dumami ang katanungan ko. sa tuwing napapatitig ako sa kagawian ng mga langgam na ito, dumarami ang iniisip ko. ganito kaya sa college?

exams. kailangan kong makapasa, kung hindi ay baka manirahan ako kasama ang mga kaibigang langgam. technically, kaibigan ko naman sila. inaalagaan ko sila, hindi nga lang nila ko kilala. hindi lang mutual ang relationship, pero kaibigan ko sila. anyway, kailangan kong matapos at maipasa ang mahabang exam na ito para mapatunayan ang teorya. busy sa college, pero paano naisisiksik ang pambubulakbol? hindi natin nakikita sa mga langgam iyon dahil... kung ikaw ba magtitikol, magpapakita ka ba? marunong din silang mahiya. sa makatuwid, para rin silang tao. ang kaibahan lang, lahat ng langgam ay masipag. ang mga tao, iilan lang. ay, teka, lahat nga ba ng langgam ay masipag? o, masisipag lang ang nakikita natin dahil sila lang ang lumalabas at kumakayod?

pumasa ko at ‘di ko na tinanong kung bakit o paano. pumasok ako at itinuloy ang buhay –hayskul ko. tuloy ang paggapang, pero sa pagkakataong ito, totoong nagbabasa-basa ko. marami akong natutunan tungkol sa mga langgam. marami pa palang uri ng langgam. may mga workers at may soldiers. soldiers siguro iyong mga nangangagat. workers siguro iyong mga balingkinitan ang katawan, tulad ko, na nagbubuhat ng mga mamon at kornik. college na ko. college na ko, pero sila pa rin ang iniisip ko. masaya kaya sila? kahit iilan lang ang nakakapansin sa buhay nila, masaya kaya sila? o, masaya ba silang hindi napapansin? alam kaya nila na napakalaki ng mundo?

college ko na lang naisip na kapag kinukuha ko sila (noong ako’y graduating ng grade school) ay malaki na sila. kaya siguro sa bilang ko ay forty-seven lang ang pinakamatagal na buhay nila, pero kung iisipin, maaaring umaabot talaga sila ng sixty, o higit pa. ibig nitong sabihin, baka nae-enjoy nila ang pagkakaroon ng pahinga sa workaholic life nila. siyempre, pagkatapos mong magtrabaho ng napakatagal na panahon, kahit pa sabihin na ganoon sila ginawa, nakakapagod din. ang mga ibon, pinanganak sila na lumilipad, pero kailangan nilang magpahinga. iyong mga iba nga ay sa himpapawid pa nagpapahinga. tayong mga tao, naglalakad tayo, nakatayo, pero umuupo at humihiga tayo. siguro, nagpapasalamat sa akin iyong mga langgam na pinulot at inampon ko, at namatay sa bahay nilang gawa sa plastic ng ferrero rocher.