9.05.2010

pagtatanim

sa lahat ng trabahong puwedeng gawin, sa pagtatanim ako magaling. hindi ko kinahihiya ang abilidad kong ito, pero hindi rin ipinagmamalaki. sa madaling salita, wala siya sa'kin. walang dahilan para ipagmalaki kung sa bawat pagtatanim ay bumibigat ang pakiramdam. hindi dapat ipinagmamalaki ang ganitong uri ng pagtatanim, pero patuloy ko pa rin itong ginagawa. makakalimot ako sa mga bagay-bagay, mga maliliit na detalye ng mga pangyayari (madalas iyon), pero naaalala ko sila sa tuwing maipapaalala sila. kapag dumarating ang mga ganitong pagkakataon, huhukayin kong muli ang makapal na lupa at tiyaka kakapain sa malalim na butas ang itinanim na binhi. kung minsan, hinahayaan ko na lang na lumago sila. hindi ko gagalawin, hindi ko puputulin, at kung minsan ay didiligan pa. hindi ko sila inaalagaan, kaya naman minsan ay kusa na lang silang namamatay. hindi ko man sila inaalagaan, hindi ibig nitong sabihin ay pinababayaan ko sila. hindi ko masabi ang dahilan, pero gusto ko sila. hindi ko masabi kung paano, pero gusto ko sila. nagtataka na nga ko kung minsan, “bakit ko nga ba ‘to ginagawa?” sarili ko lang naman ang sinasaktan ko, ang pinapagod ko. araw-araw, sisilipin ang aking pananim. at sa bawat araw na nagdaraan, walang araw na hindi sila nadaragdagan. iba’t iba ang mga binhing itinatanim at isinasaboy, may mga maliliit na may hangganan ang paglaki, may mga ilang taon kung mamunga, at may mga gumagapang na lang na magugulat ka na lang at binalot na niya ang bahay mo. may mga tipong isa, dalawang beses pa lang namumunga ay kailangan nang putulin, may mga mangilan-ngilan namang patuloy lang sa pamumunga. pagbali-baliktarin man, kahit ano pa sila, hindi nila ko napapayaman. bakit kamo? walang bibili sa mga pananim na ito. walang bibili sa mga anak ng mga binhi at bunga nito. hindi rin maganda ang mga bulaklak na nilalabas nito. mabaho ang amoy at literal na walang isang bagay na nakaka-engganyo sa kanya. kaya naman walang ibang kumakain nito kundi ako. at dahil hindi naman pinagbibili ang lupaing ito (wala rin namang bibili—hindi rin puwedeng ipagbili), walang ibang paraan. ang aking mga ibinabaon sa aking lupain ay siya ring aanihin. ako ang kakain, at ako ang magdurusa.