9.26.2010

naaamoy kita

huwag ka na magtago, naaamoy kita. ‘di man kita hanapin, kusa kang lalabas sa’king diwa. makihalo ka man sa madlang maingay at magulo, para kong nakatitig sa isang libong mongol na lapis na may nahalong isang bolpen. ano mang sabihin mo, naaamoy kita. masasabi kong kilala kita.

tulad ng magnanakaw sa kapya magnanakaw, hindi man makuha ang iyong pag-amin ay hindi na rin mahalaga. amoy pa lang, alam na. parang nakaraang anu mang iwas ay babalikan ka. paulit-ulit na magpapakita sa iyong harap dahil hindi mo hinarap.

umiyak ka. tumawa ka. lahat ng uri ng alibay, gawin mo. wala namang pumipigil, ang sa’kin lang, ‘di mo kailangang magpanggap. naaamoy naman kita. at malamang, naaamoy ka rin nila.

ilang minuto na lang at muli kaming magpapakita. walang pagsusumikap na nagaganap. basta na lang kaming magtitinginan at babalikan ka. hindi ka namin titigilan hanggang sa sabihin mong tulad namin, “tulad namin, iisa kami.”

9.23.2010

bilang lalaki, patawad.

hindi ko mabilang kung ilan na nga ba ang mga nasaktan dahil sa aking pride. mas napipili ko kasi ang aking sarili—mga kagustuhan at pansariling kapanatagan, kaysa sa ibang tao. mas mahalaga kasi sa akin ang sarili ko (sa tingin ko naman,halos lahat ng tao ay ganito). hindi ko sinasabing magbabago ako, pero malay natin. hindi rin naman natin masasabi. basta’t ang nais ko lang iparating, gusto kong humingi ng kapatawaran sa mga taong nasaktan ng aking pride.

kung hindi dahil sa talas ng aking dila, kaunti lang siguro ang masasaktan ko. madalas ay nakapagsasalita ako ng masama, masakit (pero putulin man ang lahat ng mayroon ako, totoo iyon). ito ay dahil ito ang nararamdaman ko. mahirap para sa’kin ang magpigil ng nararamdaman, lalo na sa mga pagkakataong nanggagalaiti. hanggat maari naman ay nagtitimpi ako. pagpasensiyahan niyo na ang aking bibig.

hindi ko sinasadyang magsungit. hindi ako madaldal sa crowd na bago. hindi ako sociable, at hindi ako mahilig magsabi ng mga bagay na alam kong hindi totoo. bihira para sa’kin ang magbitaw ng mga linyang hindi naman bukal sa’kin. malabo ang aking mga mata, at hindi ako mahilig makialam sa mga issues na walang kinalaman sa’kin, o hindi pasok sa aking interes. hindi ako snob, at hindi man halata, pero i appreciate people (a lot). hindi rin ako mahilig makipag hi-hello sa mga tao. hindi talaga ko snob, hindi ko lang talaga ito ugali. pagpasensiyahan niyo na, pero maayos naman ako makitungo sa mga taong malapit sa akin. tunay akong kaibigan.

magalang ako. hindi man kapanipaniwala, i respect people. iyon nga lang ay namimili ako ng rerespetuhin. ang respeto ay pinaghihirapan, hindi ito basta-basta na lang na ibinibigay. hindi ako naniniwala sa kasabihang dapat nirerespeto ang matatanda dahil hindi lahat ng matanda ay nararapat bigyan ng respeto. if you have earned it, bakit ko ipagkakait? maraming matatandang ginagamit ang katandaan para mauna sa pila, makaupo sa mga bus at tren, at marami pang iba, sa madaling salita—makalamang. ayaw ko ng ganitong sistema dahil naniniwala akong may alam din ang mga kabataan. hindi dahil bata ay wala nang karapatan, at hindi dahil matanda ay may karapatan. pantay-pantay pa rin ang mundo, nagkataon lang na may mas naunang ipinanganak.

bihira akong gumamit ng “po” at “opo.” hindi ako nagmamano, at hindi ako lumuluhod sa mga tao. tulad ko, tao sila, tao tayo. hindi ako hihingi ng kapatawaran, o pagpasensiya sa parteng ito. sana lang ay maintindihan ninyo ang aking paniniwala.

marami akong paniniwala sa katawan—na ang religion ay hindi dapat pinagtatalunan, ang lahat ng relasyon ay laging dapat may hangganan, at walang makaiintindi ng buong-buo sa sarili kundi ang sarili. mahirap akong intindihin, pasensiya na.

kung mahirap akong intindihin, kaya mahirap akong mahalin.

hindi ako bipolar. hindi rin ako moody. ito ay ayon sa aking pagkakaintindi sa aking sarili. may mga pagkakataon lang talagang kailangan mong mag-isip-isip, magnilay-nilay ba. pag-iisipan mo ang mga bagay-bagay, mga nagawa mo at nais mong gawin, mga pangarap at mga naganap. sabi sa akin, mahalaga raw ito. ang hindi ko lang maintindihan sa buong proseso aykung bakit may bigla kang maaalala, at masisira ang buong araw mo.

i ride my own pace. ayaw na ayaw kong nanggagaya. kung ano ang gusto ko, iyon ang “tama” para sa’kin. hindi ko kailangan ng papuri ng iba, pero hindi ko rin ikakailang masarap sa puso ang mga papuri. hindi ko kailangan ng puna ng iba, pero kung maayos na ipararating, tinatanggap ko naman.

sa mga nayabangan sa’kin, ganito talaga ko. sino ba ang magyayabang sa atin kung hindi natin ipagyayabang ang sarili natin. kapag may maipagyayabang, ipagyabang. kapag wala, shut up muna, at siguradong sa iba ay maaaring magyabang. hindi ko ipinagmamalaki ang mga bagay na hindi ako proud. ganoon naman, sana maintindihan ninyo. pasensiya.

maraming tumatakbo sa aking isip. sa tuwing naglalakad, naka-upo, nagmamasidmasid, nakikinig, ay lutang ang isip ko. paano kung ganito ang mangyari? sana ganito na lang. kung ganito sana, ganito sana ang nangyari. attentive naman ako, listener ako (kung minsan, good pa), pero sana maintindihan ninyo.

at sa mga hindi ko nababati tuwing kaarawan nila, pasensiya naman. gustuhin ko man, nawalan na ko ng gana. kung minsan ay matatandaan ko sa iba, at makakalimutan ko naman sa iba. naisip ko, kawawa naman iyong mga taong hindi ko nababati. aminado naman akong hindi mahalaga sa’kin ang birthday. hindi kasi basehan ng importance ang pagbati ng birthday, iyon ay para sa’kin. tulad ng sabi ko kanina, perspective ko iyon, paniniwala ba. kung kaarawan mo ngayon, ano ang kaibhan nito sa kaarawan mo kung naging kahapon o bukas? ang mahalaga naman ay kung paano mo sila pahalagahan at kung ano kayo sa buhay ng isa’t isa, nararamdaman na lang iyon.

makalimutin din ako sa pangalan. hindi ko alam ang dahilan, pero mahina ako sa mga pangalan. mahina ako sa pagtanda kung sino si ganito ganyan, kung sino ang mas matanda, kung sino ang naging ganito ganyan. don’t get me wrong, gusto ko kayong maalala. dito, gusto kong humingi ng tawad.

sa mga pinanggigigilan ko—napipisil ko ng madiin o nayayakap ko ng mahigpit, hindi ko sinasadya. sa pagnanasang lumaya ng naguumapaw ng gigil, paano ko mapipigilan? mahal ko lang kayo.

i love fighting for what, or people, i love. rest assure, lahat ng mahalaga sa buhay ko ay ipinaglalaban ko. kaya para sa mga nasaktan ko (by words man o physically), “sinaktan niyo sila, e.”

*******

sa mga may-ari ng mga pader na naihian ko, bata pa lang ako ay ganito na ang kaugalian. ayaw ko lang sumabog ang aking pantog, o maihi sa pantalon. hindi lang naman ako ang dahilan kaya mapanghi ang pader ninyo, sorry.

at para sa mga babaeng na-hassle dahil kinailangan pa nilang magpunas ng toilet seat para makaihi, pasensiya na. kung masusubukan ninyo, mahirap talagang kontrolin, o asintahin ng tamang tama, ang unang bagsak.

9.05.2010

pagtatanim

sa lahat ng trabahong puwedeng gawin, sa pagtatanim ako magaling. hindi ko kinahihiya ang abilidad kong ito, pero hindi rin ipinagmamalaki. sa madaling salita, wala siya sa'kin. walang dahilan para ipagmalaki kung sa bawat pagtatanim ay bumibigat ang pakiramdam. hindi dapat ipinagmamalaki ang ganitong uri ng pagtatanim, pero patuloy ko pa rin itong ginagawa. makakalimot ako sa mga bagay-bagay, mga maliliit na detalye ng mga pangyayari (madalas iyon), pero naaalala ko sila sa tuwing maipapaalala sila. kapag dumarating ang mga ganitong pagkakataon, huhukayin kong muli ang makapal na lupa at tiyaka kakapain sa malalim na butas ang itinanim na binhi. kung minsan, hinahayaan ko na lang na lumago sila. hindi ko gagalawin, hindi ko puputulin, at kung minsan ay didiligan pa. hindi ko sila inaalagaan, kaya naman minsan ay kusa na lang silang namamatay. hindi ko man sila inaalagaan, hindi ibig nitong sabihin ay pinababayaan ko sila. hindi ko masabi ang dahilan, pero gusto ko sila. hindi ko masabi kung paano, pero gusto ko sila. nagtataka na nga ko kung minsan, “bakit ko nga ba ‘to ginagawa?” sarili ko lang naman ang sinasaktan ko, ang pinapagod ko. araw-araw, sisilipin ang aking pananim. at sa bawat araw na nagdaraan, walang araw na hindi sila nadaragdagan. iba’t iba ang mga binhing itinatanim at isinasaboy, may mga maliliit na may hangganan ang paglaki, may mga ilang taon kung mamunga, at may mga gumagapang na lang na magugulat ka na lang at binalot na niya ang bahay mo. may mga tipong isa, dalawang beses pa lang namumunga ay kailangan nang putulin, may mga mangilan-ngilan namang patuloy lang sa pamumunga. pagbali-baliktarin man, kahit ano pa sila, hindi nila ko napapayaman. bakit kamo? walang bibili sa mga pananim na ito. walang bibili sa mga anak ng mga binhi at bunga nito. hindi rin maganda ang mga bulaklak na nilalabas nito. mabaho ang amoy at literal na walang isang bagay na nakaka-engganyo sa kanya. kaya naman walang ibang kumakain nito kundi ako. at dahil hindi naman pinagbibili ang lupaing ito (wala rin namang bibili—hindi rin puwedeng ipagbili), walang ibang paraan. ang aking mga ibinabaon sa aking lupain ay siya ring aanihin. ako ang kakain, at ako ang magdurusa.