8.28.2010

saan ba ‘to patungo?

ni upo ay ayaw umupo dahil oras na umupo at ipahinga ang mga binti ay siguradong hindi na muling makatatayo pa. mabagal kung maglakad, kulang na lang ay hilahin ang mga paa umabante, makagalaw lang sa kinatatayuan. pinabigat ng pagod ang buong katawan para mapilitang mailabas ang kakaunti pang natitirang lakas; ayaw iiyak dahil makababawas din ito ng lakas.

namumuting mga buhok, nagsisihabaang mga bigote’t patilya. sabi ng iba, “napakakupad raw.” wala akong maisagot, wala akong sagot. hindi ko ba kailangan ng sagot? hindi alam ang dahilan kung bakit may ganitong uri ng lakaran.


sunud-sunod kung lumagpas sila. ang mga hanging sumasampal sa’king mukha, tila dagdag ng pabigat sa katawan at naghihingalong mga tuhod. isa-isang hakbang tungong kung saan. diretso lang daw at huwag hihinto, makararating din. tatanawin ang mabilis na mga nagsisitakbuhan, hahabulin ang mata, at kasabay ng paghahabol ng hininga. maninikip ang baga, mangangalam ang sikmura. kaunti na lang, kaya pa ba?


babalutin ng tubig alat, mga matang puyat at maga. nais mang ilabas, pipigilan pa rin. sasabihan ang sariling ‘huwag at makababawas din ito ng lakas.’ nanginginig ang labi, magpupunas ng bibig gamit ang gula-gulanit na damit. titingnan ang batu-batong laksada, ang pinormang dibuho nito, hanggang sa dugo na hindi na maaninag ng malabong mata.


hindi na mabilang, mga bundok na tinawid at mga kuwebang sinuotan, iba’t ibang uri ng puno—may alam ang ngalan at may bago sa paningin, gubat na pinuno ng sari-saring hayop, at sugat na tinamo sa mga sanga’t pangil. minsang hinabol ako ng oso, sabi’y papatayin daw ako. nanlilisik na mga mata na halos ikahimatay ko, pero imbes na tumakbo’y huminto’t tumayo. binalik ko ang titig at siya ang kusang lumayo.


tiyaka ko na lang napansing nakalmot pala ko ng malalim sa likod. namanhid ang buong katawan, at simula noon ay ‘di na nahinto ang pangangalay—pangingirot ng mga naghilom na sugat na kung iisipin, naghilom nga ba?


pasan ang mundo, bibit habang tinatahak ang mundo ng iba. binalot ng kalyo’t sugat, talampakan na wala nang pakiramdam. nanginginig na braso, hindi malaman kung sa gutom o sa takot. o, marahil sa ngalay, sa pagod. pati ang may-ari ng katawan, wala na sa sariling isipan. walang maisagot sa mga tanongng katawan. uubo nang matigas, hindi titigil hanggang sa maibsan ang kati at kapanabikan. tatanggalin ang ideyang may sakit at magpapatuloy sa paglalakbay. pasan ang mundo, tiyaka siya magsisising inubo pa ang plema’t nabawasan ang kanyang natitirang lakas.


di ko ‘to malilimutan.


hihikbi, uubo ng bahagya, yuyuko, pipikit ng madiin, habang patuloy na naglalakad. hihigpitan ang hawak sa pasang mundo at magpapatuloy sa paglalakbay. bibigat ang bawat hakbang, masabi man lang sa sariling hindi nangangatog, hindi bibigay.


sisilipin niya ang dahan-dahang naglalahong pag-uugnay ng langit at aspalto. mataas ang araw, at sinusunog ang balat na nangungulubot. saan nga ba ‘to patungo?

8.21.2010

nilagang baka

tinawag pang nilaga

‘di man lang mahati sa dalawa,

laman at litid ng baka,

tiyan kong gutom kanina pa.


nangangalay na ang panga,

naglalaway sa tagal,

halos idura ko na nga

pero pinigil pa rin.

sabi ni mama,

“sipsipin na lang daw at idura”

narinig, pero ‘di ko pinakinggan.

ayaw ko ng ganoon, kaya pa naman.


panay higop ng sabaw,

panabla sa uhaw,

pampalambot sa dapat na ulam,

at pasensiya sa pangangalam ng tiyan.


ibang potahe na lang daw ang ulamin.

kunwari pa raw akong matibay ang ngipin

ayaw lang daw umamin,

nahihirapan na rin.

“kaya pa naman. paborito ko ‘to.”

sagot ng matigas kong ulo.

tibay ng litid, muntik na kong mapaiyak.

hawak ang dulo gamit ang kanang kamay,

naghilahan sila kamay at ngipin.


numipis nang numipis

litid, at hindi ang gilagid—kamuntik na.

napuno ng sebo ang bibig,

tiyaka nalunok

litid na malamig.

smores

tangan ko siya gamit ang dalawang kamay, kinakalinga ng pares na braso at inilalayo sa lahat ng uri ng panganib. may mga nakakasalubong na tititig, ilalayo ko. may mga babati pero masama ang tingin sa kanya, ilalayo ko. may mga sa malayo kung sumulyap, ‘di ko gagantihan ng tingin nang ‘di na lumapit pa. inggit man, o nais lang nila, wala na akong pakialam. akin lang siya. akin lang siya at walang maaaring makaalam—dahil walang makaiintindi.

nananabik akong buksan—mga kalamnang nanggigigil at bibig na naglalaway, nais ilabas ang nagsusumigaw na tuwa’t kilig ng dibdib.

balot na balot, waring ayaw talagang ipagalaw sa iba. balot na balot, waring mahagkan ng buong buo ang nag-uumapaw na tsokolate na nakakumot sa suson suson na bikuwit at marshmallow. salitan silang magkakayakap habang natatabunan ng malapad na kumot na tsokolate. naaamoy kaya nila ang halimuyak ng marshmallow na marahang tumatakas sa lalagyan? ito ba ang dahilan kaya ako, kami, pinagtitinginan?

akin lang siya. akin lang ang papalit-palit pero naghalong tamis at kaunting alat. dalawang elemento na mabilis at tamang nagsasalitan--nagbibigayan sa aking bibig. malilito sana ang dila kung hindi nabalot ng makremang tsokolate—pinaglalaruan, hindi lang ang aking panlasa, pati na ang aking isipan.

nagsusumigaw ang aking damdamin, pinipigilan ng isipan habang nakikipaglaban sa paghahabol ng tamang panlasa. nagpupumiglas ang damdaming pagkapanatag, na wala nang maaari pang humadlang bilang walang pinapayagan—katiyakang ako ang una’t huling susubo ng smores.

8.13.2010

kakayanang kapos

kulang na lang ay isampal sa’kin

pagkalalaki’t walang kakayanan.

trabahong ‘di makita,

hindi pasok, hindi kaya.

waiter, driver,

at kung anu-ano pang may –er,

sabi nila, pilitin ko raw

ayaw ko nama’t alam ko namang papalya lang.

minsan may nag-alok,

trabaho sa entablado.

kaya ako’y sumubok,

baka sakaling puwede at pasok.

sa sampung linya,

isa lang ang bumenta.

sa sampung katao,

isa lang ang natawa,

hindi pa siya.

hindi pa siya, ang natawa.

kakayanang kapos,

hindi matapos-tapos,

sakit at panghihinayang

kung bakit ganito lang

at hindi lubos.

pipi, bingi,

sayang at may pakiramdam pa.

pipi, bingi,

bakit may tinira pang mata?

mailawan at masilayan,

magpakamanhid sa nararamdaman,

kulang na lang ay isampal sa’kin

pagkalalaki’t walang kakayanan.

matanggap man sa trabaho,

aanhin kung hindi numero uno.

aakyat sa entablado,

susubok pero walang mapapano.

baka mandiri pa’t

may uri pa palang nabubuhay na tulad ko.