7.13.2010

vase V

araw-araw, tila nasanay na ang kanyang katawan at mga mata sa ganito—sisilipin, kakamustahin, hahaplusin ang bibig at papakiramdaman, ngingitian, at itatago sa likod ng ibang naglalakihang mga vase kahit alam naman sa sariling kahit papaano pa itong itago ay makikita’t makikita rin. “kapag nakaipon na ko, kapag handa na ang lahat...” bulong ni buboy sa kanyang sarili, “gusto ko nang pag-aralang masanay na nasa bahay ko na siya.”

pangiti-ngiti siyang lumabas ng tindahan at nagpunta sa kanyang puwesto, mga isang kanto lang ang layo mula sa antique store na tila bahay na niya kung uwian araw-araw, para muling magbukas at makapag-ipon. mag-iisang taon na rin nang buksan niya ang photocopy-han na ‘to. napadaan ang isang kaibigan at inalok sa kanya ang isang photocopy machine. palibahasa ay hindi kailangan bilhin ang makina, nirentahan ito na buboy sa pag-aakalang makapag-iipon ng mas mabilis.

i am not good at a lot of things. nadadapa ako sa mga habulang tulad ng agawan-base, bumagsak-bagsak ako sa school, nabangga noong sumubok mag-aral magmaneho, at ngayon business naman. siguro dahil sadyang atat ako sa maraming bagay-bagay, dahil sa alam kong gusto ko at kaya ay ginagawa na.

ito na siguro ang isa sa mga natutunan ni buboy, kung tawagin niya ay “pacing” o ang pagbantay sa tulin o bagay ng pagtakbo. kung tumakbo noon si buboy ay parang pakawala. palibhasa’y naging mahalaga sa kanya na maging isa sa pinakamatulin sa mga habulan, halos linggu-linggo ay may galos siya sa tuhod at siko. masakit noong una hanggang sa nasanay na ang kanyang katawan sa sakit. minsang sinubukang magbulakbol ay nahumaling kaya nagkasunud-sunod ang pagbagsak ng grado. minsang sinubukang dagdagan ng kaunti ang bigat ng tapak sa gas hanggang sa pati ang preno ay hindi na kinaya. sabi nga ni buboy madalas sa mga kaibigan, kahit pa iba ang konteksto, “kailangan alam mo rin ang hangganan mo. basta kasi nasosobrahan, nawawala.” madalas ito kung sabihin ni buboy kahit pa alam ng lahat na kahit siya ay hirap kung gawin.

inangat niya ang tarangkahan at pinihit pabaliktad ang karatula. sinilip ang plastic na tabo at napakunot ang noo sa kakaunting baryang nakita. isa, dalawang oras ang nagdaan at nakaupo lang si buboy. maya’t maya’y may dadaan para magpa-xerox. ilang sandali pa, halos naubos ang lakas ng araw, tila napikon dahil hindi man lang natayo sa monoblock ang lalaking kahit bibili ng yosi ay inaabot pa sa kanya. dumaan ang mga sasakyan, nagpausok ang mga traysikel, nagkamurahan na sa harap ng kanyang maliit na tindahan pero hindi siya natinag puwera sa isang motor na minamaneho ng isang lalaking kalbo ipit-ipit ng hita sa kanyang harapan ang isang maliit na batang nakakapit sa mga braso ng ama. napatigil siya at kamuntik nang mapatayo.

kalahati pa lang ng susi ang nakapasok nang mapihit ang hawakan ng pinto at ito’y bumukas. matinis na sumigaw ang matandang pinto sa nasanay na tainga ni buboy.madilim ang paligid. bumunot ng lighter at sinindihan ang maliit na kandila sa tabi ng kama. mabilis na nabuhay ang magulong kuwarto ni buboy.

ano kayang magandang unahin, magkaroon ng koryente sa pagdating niya o palalagyan ko ng koryente kapag andito na siya? kung alam ko lang na makakain ng renta ng xerox machine iyong pambayad ko ng renta, hindi ko sana kailangan pang pag-isipan ‘to.

ilang sandali pa’t umaraw muli. bumangon at naghilamos bago silipin ang oras. alas nuwebe, sabi ng napulot na relo na ngayo’y namamahinga sa tabi ng kandila. kinuha ang baso at pinuno sa gripo. mabilis nilagok ang tubig nang ‘di humihinga hanggang sa manikip ang dibdib at dahan-dahang bumaba paibaba. ito na ang nakasanayan ni buboy, para bang sa tuwing lalagok ng malakas ay kailangan pang manikip ang dibdib bago maramdaman ang lahat.

muli siyang sumilip sa tindahan bago umpisahan ang araw. alas dies nang muli niyang baliktarin ang karatula at maglagay ng bago, yosi in the house, dahil sa pagkakataong ito ay hindi lang vase ang kanyang pinag-iipunan.

di ko man lang naisip kung handa ako. ayaw kong gumamit siya ng mesang may mantiya pa ng natunaw na wax, masanay sa dilim at hindi siya makita, mainitan at pagpawisan, at mawalan ng bulaklak na yayakapin bawat araw.