7.18.2010

sa may daungan ng barko

ilang oras na lang

papalot nang muli.

papel, panulat, kamera,

at lahat ng maaaring magpatigil ng panahon

ay isinuksok sa maleta

—pati na rin ang makapagpapabagal.

ibig tumakas sa magulong

bulungan at hiyawan, unahan at agawan.

maglalayag at mapunta

sa tahimik na karagatan.

iiwan ang lupa

at tatawirin ang pagitan.

bibihira ang makasasama at makararating,

mababawasan ang bulungan at unahan,

matatahimik ang hiyawan at agawan.

dahil sa bagong mundong ito,

tunay na naiiba

ang kalakaran.

sisigaw ang kapitan,

ipinapaalam sa lahat ng mamamayan

ng ngayo’y maliit na na mundo,

at papangalanan ang bawat.

malaki ang mundo,

at kahit gaano pa paliitin pa ito’y

malaki pa rin.

isasama kita

kung iyong nanaisin.

ito ang nag-iisang mundong maihahandog

—higit na maliit pero malaki, higit na tahimik pero hindi labis, at ako na ‘di man sapat pero higit kang ibig

—umaasang maintindihan at matanggap .

masasanay sa maindayog na pagsayaw

ng barko,

sa ganitong uri ng pamumuhay

na walang maaaring pumirata.

sa bagong tirahan,

hindi lupa ang tapakan.

madalas ay mainit at maaraw,

kung minsa’y hahanginin at babagyuhin.

masusi kong pinili ang sasakyan,

hindi ito tutumba.

basta’t kumapit lang,

aaraw din maghintay lang.

sa may daungan kung saan laging nagkikita,

aantayin kita.

ilang oras na lang at papalaot nang muli.

sa pagkakataong ito’y

‘di ko nais mag-isa.

uupo’t maghihintay

at huling sasakay ng barko.

ang iyong silid ay inayos sa itaas,

katabi lang ng akin.

malambot na kama,

kumpleto rin ang damit

sa loob ng aparador,

paboritong pagkain,

at lipbalm na inilapag ko na sa tabi ng iyong kama.

kung sakaling dumating kang walang dala,

hinanda ko na ang lahat.