7.06.2010

piso

binuksan niya ang wallet at hinaplos ang natitirang piso. ito ang kasama sa wallet nang ibigay ito sa kanya ng tita. ang sabi, kapag magbibigay daw ng wallet ay dapat may kasamang pera nang sagayon ay hindi mawawalan ng pera. at ngayon, hindi niya maisip kung saan niya nailagay ang mga naipon. binuksan ang mga drawer at binuklat ang mga libro pero walang nakitang pera. sinilip ang ilalim ng unan at kama pero kahit barya ay walang naligaw. ilang sandali pa, tiyaka niya napagtantong ito na nga lang talaga ang natitira niyang pera.

lumabas siya ng bahay at napatingin sa mga dyip. kulang ang pera pambayad ng dyip kaya minabuti na lang na maglakad. nakakita ng karinderya, pero kulang pa rin pambili kahit kanin. nakakita ng kendi pero naisip niya, ibibigay niya ito sa pinakamahalaga sa puso niya. dumaan ang isang nanlilimos at naisipan niyang ilapag na sa palad ng matanda, pero hindi niya ginawa. nanghihina na ang kanyang mga tuhod at lumalabo na ang paningin, “kendi” sabi niya, pero hindi siya bumili. nakarinig siya ng pumuputok na mantika at napatingin siya sa fishball, nilanghap niya ‘to at nagpatuloy siyang maglakad. tagaktak ang pawis, inalok siya ng tissue ng isang tindera malapit sa eskuwelahan, naisip niya, malapit na, tinanggihan niya at nagpatuloy sa paglalakad. “piso, piso” paulit-ulit siya.

“ito na ‘yon. lahat na ‘to.”