7.08.2010

patty feat. rody

minsan na lang kung tingnan ko si rody. palibhasa ay ano mang oras ngayon ay maaari na siyang kunin ng diyos, natatakot ako. takot akong mawala siya, hindi na makita at hindi na mayakap sa bawat sandali ng buhay ko, masaya man o malungkot. hindi ko na siya maiiyakan kapag naaalala ko sina mama’t papa, o makakausap kapag nakabibingi na ang katahimikan ng kuwartong ito. at tulad ng porma niya simula nang napansin kong may sakit siya, nakahiga nanaman siya sa karpet. nakatitig sa aking mga mata, tila nauubos ang aking lakas. nararamdman kong namumugto nanaman ang aking mata, mabilis akong tumayo para kumuha ng kape sa kusina. malakas na hangin ang pumasok sa silid mula sa nakabukas na bintana. pagkakuha ng kape, lumabas ako sandali sa balkonahe at ipinasok sa sistema ang malamig na simoy ng hangin. tila lumuwag ang aking pakiramdam, gumaan ang tila pasan ay ilang mga hollow blocks ng aking baga, sinasakal nang mahigpit ang puso.

simula nang namatay sina mama’t papa at malipat sa pangalan ko ang lahat ng ari-arian nila, nawalan na ko ng gana mabuhay. gigising ako at mamimili ng numerong pipindutin para makapagpa-deliver ng pagkain. mapapatigil sandali dahil malalaman sa telebisyon na ala una na ng hapon at pancake pa rin ang kinakain. hihigupin ang kape tiyaka lalanghapin ang simoy ng hangin. tiyaka niya muling maaalala na wala nanaman siyang gagawin sa araw na iyon.

inisip niyang magtayo ng flower shop. marami siyang kabisadong uri ng bulaklak. kulang na lang nga daw ay pati scientific name ay kabisaduhin niya. tila nakadagdag inspirasyon din ang orchids na nasa tabi lang ng bintana. apat sila noon, pero nang iwan niya minsan ang mga ito para magluksa sa kanyang mga magulang, sumabay sa kanila ang tatlo. sa ngayon, si rody at si patty na lang ang natitira sa kanyang nabubuhay, ang asong mamamatay na mamaya o bukas at ang iniwang orchid na sinasakal ng pasong halos basag na sa kapipigil ng paglaki niya.

sana hindi na nauso ang one-child policy. sabi raw kasi, makatutulong ito sa ekonomiya ng bansa kapag ginaya ng mga pinoy ang mga intsik. kumbaga, one is to one na lang. utu-uto naman si mama. habang abalang-abala ang mga iba para bumuo ng isusunod, mas naging abala siya sa mga nakaraan niya. ganito raw siya noon, ganyan raw siya rati kung hindi ganito at hindi ganyan. ganito si mama, ito ang kanilang pinagtatalunan noon bago pumutok ang gulong ng sasakyan at lumusot ito sa ilalim ng ten-wheeler. kulang na lang ay sumpain niya si papa. kulang na lang ay maghiwalay sila noon, magsampalan at magsumpaan muli. “maghiwalay na lang kaya kayo nang hindi kayo nagkakaganyan!” hindi ko alam, masakit lang sigurong isipin na namatay silang magkaaway.

niyakap kong mahigpit si rody kahit hindi ko siya tinitingnan. kung maibabalik ko lang ang nakaraan, mas binigyan ko sana ng oras si rody. kahit hindi ako iyong tipong makapagbibigay ng mamahaling mga damit at dogfood, ang nakita niya ay ang totoong pagiging ako.

diniligan niya ang orchid at pinagmasdan lang hanggang sa maglaho ang mga tao sa dilim sa labas ng balkonahe. bukas, magtatayo na ko ng flower shop. “ibebenta mo na rin iyong orchids mo?” tanong ng isang mamang nagbebenta ng mga taboid.