7.06.2010

i'm just not good enough

isa na yata sa pinakamahirap ay ang pag-aming hindi ka sapat. “hindi ako sapat.” ika nga ng mga artista sa mga palabas, “i’m just not good enough.” alam mo iyong tipong ginawa mo na ang lahat ng makakaya mo, pati na ang mga ‘di mo akalaing magagawa, na kung iisipin ngayon ay mamamangha ka pa rin dahil hanggang sa mga panahong ito’y hindi pa rin makapaniwalang nagawa mo nga, ay kulang pa rin? ang katotohanan, ikaw lang ang namamangha. ikaw lang ang nahihiwagaan sa nararamdaman at ikaw lang ang nakakaalam nito. ikaw lang ang nakakakita nito. ginawa mo ang lahat para maipakita ang buo mong pagkatao nang sagayon ay baka sakaling matanggap at kakitaan ng kaunting dahilan para mahalin. sa kasamaang palad, “they don’t fucking care at all” kasi madalas ay hindi naman nila alam na may mga ganitong pagkakataon, iyong tipong andiyan ka man o wala, ginawa mo man o hindi, may nararamdaman man o wala ay normal lang. walang mawawala sa kanila at wala silang mapapala kung bubuhayin ka nila sa kanilang mga mata’t pananaw. dagdag pa ng kamustahan ng isa, kuwentuhan ng mga iba, at pagpapaalala ng nakaraan. parang piesta kung papanuorin, agawan, sigawan. bukod sa mga napaparaan, isa rin sa pinakamahirap kalaban ang nakaraan. para kang sumusuntok sa anino ng isang halimaw—maabot man ay kulang pa rin at mahuli man ay makakawala rin, at tila makukuha niya ang lahat sa’yo sa oras na mabalot niya ito ng kadiliman. mahirap naman malingat sa mga napaparaan, pagkat sila ang mga pinakamalalapit. mapapaisip ka tuloy minsan, “ano bang ginagawa ko rito?” isinisiksik ang sarili sa isang maliit na pusong punung-puno ng pagmamahal, pero punung-puno rin ng tao. at sa labas ng maliit na pusong ito ay ang malalakas na hatok ng mga tao makapasok, nagpapatayan mapansin lang at kung suwertehin ay makakuha ng maliit ng espasyo. wala kang kalabanlaban.

masayang magbigay, masayang magparamdam na para bang, “hey! i’m here. hello?”, masayang gawin ang mga gustong gawin dahil sa pamamagitan lang nito maipapakita ang mga natatagong alab, masayang magsalita, pero masaya rin sigurong mapansin.

minsan, kahit na piso na lang ang sukli ay gusto mo pa ring makuha. minsan, kahit nalaglag na na kendi ay pupulutin mo pa dahil ito ang gusto mo at ipinambayad mo na ang lahat mo. minsan, gusto mo lang kilalanin, maturing buhay, mapahalagahan din, mapakitaan ng kaunting senyales, masabihang mahalaga ka’t kung puwede’y huwag tumigil sa ginagawa, makaramdam ng kaunting lambing na ipinapakita sa madla liban sa’yo, dahil tulad ng madla, ng lahat ng tao, gusto mo rin makaramdam ng pagmamahal, na mahal ka rin.

gusto mo siyang hagkan sa harap ng maraming tao, pisilin ang mga pisngi at ngitian na para bang kayo lang ang nabubuhay sa mundong binuo. gusto mong hawakan ang kanyang kamay at taas noong masabing “ito ang mahal ko.” gusto mo siyang ipagmalaki. gusto mong ipagsigawan kung gaano mo siya pinahahalagahan at alam mo sa sarili mong wala nang hihigit pa sa ginagawa mo. pero papayag ba siya? pasimpleng aalisin niya ang kamay sa maluwag na pagkakahawak, hindi mo buburahin ang ngiting nasa mukha mo nang sagayon ay hindi mapansing muling humahapdi ang kaliwang dibdib. hindi magpapahalata. muling tatandaan ang pagitan na itinalaga. aatras ng bahagya, isa dalawang hakbang paatras. habang unti-unting nauubos ang dugo, mahinang itatanong sa sarili, “kaya mo rin kaya kong mahalin?” nasa ikalawang hakbang ka na palikod, “kaya mo rin kaya kong mahalin, nasa bandang likod na ko.” aatras pang muli ng isa pang hakbang. nais man niyang sagutin o hindi, tila ayaw mo nang marinig pa. ayaw mong malaman dahil baka hindi kayanin ng kakaunti mong dugo. dahil alam mo sa sarili mo na dehado ka dayain man ang timbangan.

wala namang magagawa kundi maupo sa isang tabi at dahan-dahan, dahil humahapdi pa, aminin na hindi ka sapat. sabayan mo ko, "i... am... just...."