6.05.2010

vase IV

mistulang sisiw sa loob ng balot kung pagpawisan siya. nanlalagkit na buhok na nakadikit na sa leeg, pawisang kilikili, at tumitirik na mga mata. kahit saan mapunta, naglalakad na nga, hindi mapakali. palingat-lingat, palingon-lingon kahit mga tunog lang ng dahon at kahol ng aso. sisilip doon, sisilip dito, tititig sa dilim. kung bakit hindi pa kasi binili ang vase nang hindi naiiwang mag-isa sa loob ng tindahan.

hindi sana ko nag-iisa ngayon. may nagbabantay sana sa kanya ngayon. baka mamaya ay may sumusunod na pala sa’kin, hablutin ang lahat ng aking naipon, tuluyan nang hindi ko siya mabili. paano ko kakausapin ang may-ari? bigay niyo na lang po sa’kin, bibilhin ko na dapat, ganoon? wala man lang logic. tiyaka ko na lang babayaran, hindi uubra. hindi naman sila nagse-sale. mag-iipon na lang uli ako. pero sa ngayon, kailangan kong bilisan ang paglalakad nang maiuwi ko na muna tong perang to. pag nawala ‘to, mawawala lahat.


binilisan niya ang paglalakad na halos patakbo na ang itsura. palingat-lingat pa rin habang hawak nang mahigpit ang nakasupot niyang kayamanan.


kamusta kaya siya roon? bukas, pupuntahan ko siya. hindi na ko makapaghintay sa bukas. ilang oras pa. masaya namang maghintay. iyong tipong lagi kang nananabik. laging may sense of surprise. pero ayaw ko na yata ng masyadong surprises. buong buhay ko, nabuhay ako sa surprises. lahat nakabalot sa iba’t ibang kulay ng wrapper. huhulaan mo ng ilang beses, tapos magugulat ka na lang na kahit isa sa mga hula mo ay hindi tugma. surprise are good, they keep everything healthy (at least i’m talking about literal surprises and relationships here). pero somewhere along the way, hindi mo mapipigilang umasa na sana, kahit papaano, may alam ka kahit kaunti. hint, ika nga. kahit paano pa kasi tingnan, ‘di hamak na higit na masarap ang may kaunti ng bawat isa. iyong tipong magbabakasyon ka na hindi mo alam ang gagawin niyo, pero kahit papaano ay alam mo kung saan ka papunta. naghihintay ka, hindi mo alam kung hanggang kailan, pero alam mong darating siya. i think that’s fair enough.


napatigil siya sa paglalakad nang makita niya ang isang matandang babaeng nakaupo sa labas ng saradong tindahan. alas tres na ng umaga at naroon pa rin ang matanda, nag-aabang ng mga lasing at mga call center para bumili ng kanyang bentang mani. isang matandang nagbebenta ng mani sa kalye nila. naisip niya, magandang title ng palabas iyon. ilaw na nanggagaling lang sa mga nakabukas na bumbilya ng mga tindahan at bakery lang ang nagbibigay kulay sa buong kalsada. nasa likod ni manang ang saradong tindahan na pinuno ng mga poster ng iba’t ibang bentang produkto. dadaan ang mga magbabalot at mga pauwi sa trabaho. titingala siya para tingnan kung bibili ba. iaangat niya ng marahan ang paninda pero hindi na aabot. mabilis nang lumagpas ang mga ito. ang cinematic!


kaso ang lungkot. anong oras kaya makauuwi ‘to si nanay. tapos pag-uwi niya siguro papaalis o nakaalis na ang mga anak niya. o may anak ba siya? ano kayang hinihintay niya, ang maubos ang paninda niya o ang sikatan ng araw? para namang hindi nauubos ang mga mani niya. may nagmamani pa ba ng ganitong mga oras? pati ang mga manginginom ay nag-uuwian na rin.


tumawid siya ng kalsada at bumili ng dalawang balot ng mani. hindi siya mahilig sa mani. ang mga tipo niya ay iyong sa bus pa bibili. maglalako ang isang mamang may hawak na balde ng mani o kasoy. “kasoy, kasoy kayo riya, mainit pa.” tapos bibili siya ng dalawang balot ng sampong piso (para mas marami kumpara sa isang balot ng bente pesos na mani) at tiyaka kakainin sa biyahe para masaman siya sa paghihintay ng paparahan. nakasilip lang siya sa labas habang nguminguya at nagtatanggal ng mga tingang durog na mani. ang lungkot.


ang cinematic! gusto ko sanang tanungin si nanay kung bakit hindi pa siya umuwi. kaso, baka sabihing kailangan niyang maubos ang paninda at baka hindi ako maka-hindi. tiyaka, kanya-kanyang trip yan. ako nga naghihintay sa isang vase, ayaw kong pinakekealaman. wala rin namang makaiintindi. naisip kong sabihin kay nanay na, “life is all about timing,” kaso sigurado akong ha? lang ang isasagot niya. maiintindihan kaya niya? itutuloy ko, “the unreachable becomes reachable, the unavailable become available, the unattainable attainable,” kukunot ang kanyang noo. “have the patience, wait it out [because] it’s all about timing.” tatapusin ko. ika nga, if fate permits. murahin kaya niya ko, o baka alokin lang niya ko uli ng mani. hindi na lang, hindi masyadong cinematic ang dating. walang drama, parang naging comedy, e. tapos maglalabas niya ng pakpak sa likod at lilipat hawak ang kanyang wand. iyong mga mani, magliliparan ang magiging mga bituin na makikintab. mawawala ang mga kulubot sa mukha, puputi, at magiging kamukha ni kristine hermosa.


pumasok siya ng bahay at inilapag sa mesa ang supot ng pera at dalawang balot na mani. nagpagulong-gulong sa kama at mabilis na nakatulog. hindi na niya napatay ang ilaw. ilang sandali pa, sumikat na ang araw. “kamusta na kaya siya.”