6.18.2010

pass at past

bata pa lang ako, litung-lito na ko kung kailan gagamitin ang mga salitang ‘pass’ at ‘past.’ tila pareho kung maririnig, pero ibang iba kung gagamitin sa pangungusap at siguradong pati spelling ay mali kapag pasahan na ng test paper. dahil siguro sa dalawang puki ng inang salitang ‘yan kaya ko bumagsak ng grade four.

lagi ko pa ngang sinasabi, isang letra lang naman ang pagkakaiba, magkasunod pa, baka puwedeng pagbigyan na lang. tiyaka ko na lang nalaman ang pagkakaiba nila nang natuto akong magpusoy. pass. pass. pass nga ko puta! ang kulit! sa kaka-pass ko, hindi ako nananalo. ang lagi kong katwiran, may sinusubukan akong technique o may hinihintay akong maibaba na baraha para makapagbaba. magpapalusot pa. sa kabilang dako naman, ang past naman ay laging related sa memorization ng mga historical places and names. okay sana kung laging matching type ang questions, kaso madalas ay kung hindi fill in the blanks, identificatio, at enumeration. malaking suwerte na lang talaga kapag may naligaw na true or false, modified nga lang. kaya ang laging technique kapag walang alam ay true ang ilalagay. hindi naman kasi magpapa-exam si ma’am ng lahat ay false, napaka-inconsiderate naman noon, hindi ba? sana nagpa-identify na lang siya kung ganoon. true na lang ang sinasagot kapag hindi alam para kahit papaano ay makakakuha ng kahit isa o dalawang tama kahit alam sa sarili na hindi na naman talaga siya mahalaga dahil wala siyang maitutulong sa sarili. iyon ang akala ko. nagbago na lang ito nang magdiscuss ng “why do we study history?” ang professor ko sa college. (oo, wala akong maalalang tinuro sa'kin sa high school maliban sa kumopya nang hindi nahuhuli) sabi niya, kaya raw inaaral ang history dahil bais ito, bawat isa kasi ay may sariling interpretation. pangalawa, para raw hindi na natin maulit ang pagkakamali ng mga namatay na. para raw magkaroon tayo ng pagkakataon para makapaghanap ng bagong pananaw o paraan.

kahit paano pa pagbali-baliktarin ang mga bagay-bagay, mahirap siya. mahirap harapin ang history, ang past. pinahirapan ako ng salitang iyon, past. ang dami kong pinagdaanang puyatan at paulit-ulit na kopyahan ng notes, mga keywords para lang matandaan ang mga wirdong pangalan ng mga kung sinu-sinong patay na naman. “patay na nga, bakit pa aaralin?” tanong ng isa kong kaibigan. bigla ko na lang nasagot mula sa kasuluksulukan ng utak ko na hindi na yata nadadaanan ng sentido, “kapag ikaw ba namatay, gusto mo bang aralin ka rin ng mga kaklase ng mga anak mo at ng anak ng anak mo? gusto mo bang may picture ka rin at may pangalan at description sa baba na naka-print sa recycled paper?” mabilis siyang sumangot at sumang-ayon. palibhasa’y mahina sa mga pagkakabisa ng mga bagay-bagay, hirap na hirap ako noon sa history. kaya naman halos lahat ng mga pagsusulit ay kung hindi korteng palakol (seven) ay bagsak. halos maiyak-iyak ako sa philippine heroes and their contributions to the philippines’ history noon. halos isumpa ko si ma’am noon, buti na lang at nakatanggap ako ng passing grade pagkatapos kong ulitin ang grade four. hirap man, nalampasan naman. medyo related pala sila: ang ‘pass’ at ‘past.’ kailangan alam mo kung ano ang mga nangyari noon para alam mo kung ano ang ginagalawan mo, ang mga nangyayari sa paligid, at ang maaari mong gawin. sarap ng pakiramdam lalo na nang tanggapin kong ang history ay kasama na at dumadaloy sa buo kong pagkatao. hindi matatakasan kahit pa magtatakbo. nangyari na ang nangyari at hindi na ito dapat pang pag-usapan na para bang kasalanan ng lamparang pumapatay ng gamu-gamo ni rizal ang lahat, o dahil ito sa bolo ni bonifacio kaya ganito ang pilipinas ngayon. hindi dapat magsisihan dahil walang dapat sisihin dahil ang mga nangyari ay nangyari, ginusto man o hindi.

college na ko pero kung anu-ano pa rin ang mga kuru-kuro ko. bunga ng aking pagninilaynilay sa period ng world history, nagtanong ako sa katabi ko, “alam mo ba kung bakit nakahiwalay ang medieval sa renaissance at sila sa modern at sa iba pang period-periodan?” napaisip siya. naka-isip na ko ng sagot noon, gusto ko lang magmagaling bilang wala akong magawa. ayaw ko na ring makinig ng mga kabalbalan. alam ko na rin na tama ako noon. “isipin mo, paano nila made-distinguish ang pagkakaiba ng pagbabago ng isang period sa isang pang period kung hindi nila papangalanan?” “oo nga, ano!” utu-uto si gago. grade school pa lang, magkatabi na kami. hanggang ngayong college, siya pa rin ang katabi ko. pero sa buong buhay ng pagiging magkatabi namin, tila ngayon lang siya humirit ng may sense. “parang lovelife, ano? parang nag-move on na sa iba tapos naiwan iyong relationship.” sa kauna-unahang pagkakataon, hindi ko siya naintindihan. tiyaka ko na lang siya naramdaman noong mag-break kami ng girlfriend ko at mabilis siyang nakahanap ng pamalit. kinailangan ko nang mag-move on, tanggapin nang buong buo, tumahimik, kalimutan ang mga pait at minsa’y balik-balikan ang tamis, alalahanin ang mga natutunan, at talikuran ang mga napagdaanan at nakaraan. paiyak na ko nang makuha ko ang tunay na aral. “talikuran ang mga napagdaan at nakaraan.”

napagdaanan, related sa pass ano? nakaraan, past.