6.01.2010

bahay at buhay basura

sa bundok na pinuno ng sari-saring basura na pinagtatatapon ng mga taong siyudad, bihira ang makapulot ng may kapares na tsinelas o maayos-ayos na makakain—kung hindi punis, sira, ay halos wala nang silbi. dito pinanganak si jun, dito na lumaki, at itinuri nang bahay ang tila mga building sa makati sa taas na bundok ng basura (iyon ay ayon sa naaabot ng kanyang mga mata kapag nasa itaas ng bundok ng plastik at nasusunog na mga gulay at prutas). ito ang buhay niya.

may mga basag na bote, pira-pirasong bakal na halos ‘di na rin makilala kung sa kotse ba nanggaling o sa nasunog na bahay, nilalangaw na tira-tirang chickenjoy, at marami pang iba. lahat ng ginagalawan ng mga normal na tao (mga taong may kaya, pati na rin ang mga wala), nakikita’t nahahawakan nila. dito na rin namatay ang mga magulang ni jun. naghahanap ng mga bote’t bakal ang nanay ni jun noon nang biglang gumuho ang isang malaking parte ng bundok at natabunan ito. halos tatlong oras silang naghuhukay ng basura bago pa makita ang bangkay ng ina. walang dumating na saklolong rescue o mga volunteer bumbero noon. wala siyang ideya kung ano ang nangyari, sadya bang hindi nakarating sa kanila ang balita o sadyang ang mundong ginagalawan ay hindi na kinikilala ng mga normal na tao (mga taong hanggang sa mga may trabaho at nagbabayad ng buwis lamang na mamamayan ang nabubuhay). hindi naman nabigyan n ng pagkakataon si jun para makilala ang ama. bigla na lang daw siyang sumulpot sa barung-barong nila na para bang mga bagay-bagay na bigla na lang nalalaglag sa mga truck ng leonel. kahit yata ang mga diyos-diyosan at mga anito ay malilito sa dami ng basurang dumarating.


minsang nakita si jun ng kaibigan na nag-iisa at nakatingin sa guhittagpuan ng makati at maynila, “ba’t nag-iisa ka?” lumingon siya para silipin kung kaninong boses ang biglang sumulpot, si uwa pala, ang isa sa pinakamatalik na kaibigan ng ulila. kadalasan ay bigla na lang magtatawanan ang kaibigan, pero tila iba ang pagkakataong ‘to. umupo si uwa sa tabi ng kaibigan at hinabol ang tinitingnan ng katabi. natahimik sila.


tulad ni jun, ulila na rin si uwa. dito sa bundok pinanganak at nagkaisip. pero hindi tulad ni jun, tila mas masuwerte si uwa. kamakailan lang nang makapulot siya ng singsing na gawa sa tanso, mga limang piso siguro kung maibebenta. dagdag pa rito ang kuwintas na binigay sa kanya ng yumaong siga ng bundok ng basura. panay silip ni jun sa agaw-pansin nitong bilugang hugis at makintab na bato (isang uring kahit ang mga eksperto ng kakaibang siyudad ay hindi masabi kung ano) na napalilibutan ng makintab na bakal na kulay pilak. nakasabit sa kanyang leeg, hindi mapigilan ang ngiti ni jun. “ang ganda talaga niyan.”


“isuot mo muna. basta, iinagatan mo a!” minsang paalala ni uwa nang muling makita niya ang kaibigang nag-iisa sa itaas ng bundok ng pinisang bote ng absolute at wrapper ng kendi’t sitsirya, “balik mo sa’kin, a.”


hahawakan niya ito sa tuwing aakyat at bababa ng bundok. kung minsan pa, kahit habang naglalakay ay hindi niya ito binibitawan kahit pa nakasabit na sa leeg. para bang kahit dumi ay ayaw niyang madikitan. bibitawan na lang niya kapag nararamdaman na niyang tila nais bumitaw ng pendant. tila nabubuhay ito sa tuwing may makakasalubong na taong pamilyar. sa tuwing aakyat ng bundok para mapag-isa, higit niya ‘tong iniingatan kaysa sa sarili. mahulog na ang sarili huwag lang ang hiram na kuwintas. sa bawat pagkakataon, ito ang naging kasama. nakasanayan niyang hawakan at titigan ngunit hindi ang ideyang hindi kanya. para bang sa kanya, pero hindi, pakiramdam ay sa kanya, pero hindi, mayroon, pero wala.


minsang napagtripan ng taga-lower b, mga batang basurero rin na styro naman ang hinahanap sa tambakan. “hoy! ano ‘yang nasa leeg mo? akin na ‘yan!” sigaw ng isang batang kulay mais ang buhok. si valdez, ang batang sikat na sikat dahil sa talik ng mga mata’t labi. “wala ‘to, hindi ‘to akin.” mabilis na sagot ni jun. tila nagulat din siya sa kanyang nasabi. wala nga pala siyang pagmamay-ari kundi ang malawak at mataas na bundok ng basura na itinuri niyang kanyang buhay at bahay. mabilis na tumakbo pataas si valdez kasama ang kanyang mga alila. “akin na ‘yan!” sigaw ni valdez, “habulin natin!” mabilis ding tumakbo si jun, tila mandurukot na nahuli ng parak. hindi niya malaman kung saan isisilid ang kuwintas para hindi makuha. nais man niyang humingi ng tulong, walang tao sa paligid. wala rin namang magagawa ang mga kaibigan kung sakaling andoon man sila. si valdez ang siga ng lower-b, ang anak ng yumaong siga ng bundok ng basura (ang matandang nagbigay kay uwa ng kuwintas bago siya yumao).


nagpatihulog siya sa kabilang bahagi ng mataas na bundok makatakas lang sa mga gagong bata. pero kahit anong tulin ng takbo ni jun, sukat na sukat siya ng paningin ni uwa. at sa tuwing lilingon si jun para silipin, laging nakabuntot ang bruskong katawan ni uwa kasabay ang mga alipores niyang pinuno ng kapansanang kung hindi pipi, bulag, ay binge, o sadyang masunirin lang. halos hindi na niya maramdaman ang kanyang mga binti. tila kinain na ng basura ang kalahati ng kanyang katawan maitakas lang ang nag-iisang pag-aari na hindi kanya. kaunti na lang at siguradong tuluyan na siyang lalamunin ng malapot at makapal na tumpok ng basura. “huwag ka nang pumiglas parang awa [mo] na.) maaabutan ni valdez at siguradong mawawala sa kanya ang kuwintas na sana’y dadalhin niya sa guhittagpuan ng makati at maynila.