6.18.2010

pass at past

bata pa lang ako, litung-lito na ko kung kailan gagamitin ang mga salitang ‘pass’ at ‘past.’ tila pareho kung maririnig, pero ibang iba kung gagamitin sa pangungusap at siguradong pati spelling ay mali kapag pasahan na ng test paper. dahil siguro sa dalawang puki ng inang salitang ‘yan kaya ko bumagsak ng grade four.

lagi ko pa ngang sinasabi, isang letra lang naman ang pagkakaiba, magkasunod pa, baka puwedeng pagbigyan na lang. tiyaka ko na lang nalaman ang pagkakaiba nila nang natuto akong magpusoy. pass. pass. pass nga ko puta! ang kulit! sa kaka-pass ko, hindi ako nananalo. ang lagi kong katwiran, may sinusubukan akong technique o may hinihintay akong maibaba na baraha para makapagbaba. magpapalusot pa. sa kabilang dako naman, ang past naman ay laging related sa memorization ng mga historical places and names. okay sana kung laging matching type ang questions, kaso madalas ay kung hindi fill in the blanks, identificatio, at enumeration. malaking suwerte na lang talaga kapag may naligaw na true or false, modified nga lang. kaya ang laging technique kapag walang alam ay true ang ilalagay. hindi naman kasi magpapa-exam si ma’am ng lahat ay false, napaka-inconsiderate naman noon, hindi ba? sana nagpa-identify na lang siya kung ganoon. true na lang ang sinasagot kapag hindi alam para kahit papaano ay makakakuha ng kahit isa o dalawang tama kahit alam sa sarili na hindi na naman talaga siya mahalaga dahil wala siyang maitutulong sa sarili. iyon ang akala ko. nagbago na lang ito nang magdiscuss ng “why do we study history?” ang professor ko sa college. (oo, wala akong maalalang tinuro sa'kin sa high school maliban sa kumopya nang hindi nahuhuli) sabi niya, kaya raw inaaral ang history dahil bais ito, bawat isa kasi ay may sariling interpretation. pangalawa, para raw hindi na natin maulit ang pagkakamali ng mga namatay na. para raw magkaroon tayo ng pagkakataon para makapaghanap ng bagong pananaw o paraan.

kahit paano pa pagbali-baliktarin ang mga bagay-bagay, mahirap siya. mahirap harapin ang history, ang past. pinahirapan ako ng salitang iyon, past. ang dami kong pinagdaanang puyatan at paulit-ulit na kopyahan ng notes, mga keywords para lang matandaan ang mga wirdong pangalan ng mga kung sinu-sinong patay na naman. “patay na nga, bakit pa aaralin?” tanong ng isa kong kaibigan. bigla ko na lang nasagot mula sa kasuluksulukan ng utak ko na hindi na yata nadadaanan ng sentido, “kapag ikaw ba namatay, gusto mo bang aralin ka rin ng mga kaklase ng mga anak mo at ng anak ng anak mo? gusto mo bang may picture ka rin at may pangalan at description sa baba na naka-print sa recycled paper?” mabilis siyang sumangot at sumang-ayon. palibhasa’y mahina sa mga pagkakabisa ng mga bagay-bagay, hirap na hirap ako noon sa history. kaya naman halos lahat ng mga pagsusulit ay kung hindi korteng palakol (seven) ay bagsak. halos maiyak-iyak ako sa philippine heroes and their contributions to the philippines’ history noon. halos isumpa ko si ma’am noon, buti na lang at nakatanggap ako ng passing grade pagkatapos kong ulitin ang grade four. hirap man, nalampasan naman. medyo related pala sila: ang ‘pass’ at ‘past.’ kailangan alam mo kung ano ang mga nangyari noon para alam mo kung ano ang ginagalawan mo, ang mga nangyayari sa paligid, at ang maaari mong gawin. sarap ng pakiramdam lalo na nang tanggapin kong ang history ay kasama na at dumadaloy sa buo kong pagkatao. hindi matatakasan kahit pa magtatakbo. nangyari na ang nangyari at hindi na ito dapat pang pag-usapan na para bang kasalanan ng lamparang pumapatay ng gamu-gamo ni rizal ang lahat, o dahil ito sa bolo ni bonifacio kaya ganito ang pilipinas ngayon. hindi dapat magsisihan dahil walang dapat sisihin dahil ang mga nangyari ay nangyari, ginusto man o hindi.

college na ko pero kung anu-ano pa rin ang mga kuru-kuro ko. bunga ng aking pagninilaynilay sa period ng world history, nagtanong ako sa katabi ko, “alam mo ba kung bakit nakahiwalay ang medieval sa renaissance at sila sa modern at sa iba pang period-periodan?” napaisip siya. naka-isip na ko ng sagot noon, gusto ko lang magmagaling bilang wala akong magawa. ayaw ko na ring makinig ng mga kabalbalan. alam ko na rin na tama ako noon. “isipin mo, paano nila made-distinguish ang pagkakaiba ng pagbabago ng isang period sa isang pang period kung hindi nila papangalanan?” “oo nga, ano!” utu-uto si gago. grade school pa lang, magkatabi na kami. hanggang ngayong college, siya pa rin ang katabi ko. pero sa buong buhay ng pagiging magkatabi namin, tila ngayon lang siya humirit ng may sense. “parang lovelife, ano? parang nag-move on na sa iba tapos naiwan iyong relationship.” sa kauna-unahang pagkakataon, hindi ko siya naintindihan. tiyaka ko na lang siya naramdaman noong mag-break kami ng girlfriend ko at mabilis siyang nakahanap ng pamalit. kinailangan ko nang mag-move on, tanggapin nang buong buo, tumahimik, kalimutan ang mga pait at minsa’y balik-balikan ang tamis, alalahanin ang mga natutunan, at talikuran ang mga napagdaanan at nakaraan. paiyak na ko nang makuha ko ang tunay na aral. “talikuran ang mga napagdaan at nakaraan.”

napagdaanan, related sa pass ano? nakaraan, past.

6.17.2010

baka. sana.

sa kapatagan siya nakahimlay. kahit puno walang nabubuhay para magsilbing palatandaan. babangon siya at hahakbang ng isa, dalawa, tatlo. pareparehas kaya ang sukat ng bawat hakbang niya? lilingat-lingat siya para masilip kung pantay-pantay ba ang mga damo dahil kung may mas mahaba, baka puwedeng maging palatandaan. ligaw o ano pa man, pakiramdam niya nasa karaniwang lugar pa rin siya. isang lugar na tila tahanan sa kanyang pakiramdam, pero hindi. alam niyang hindi. paano gumalaw nang tama sa hindi mo tahanan pero tila napakapamilyar? paanong paraan ng pagkilos ang gagawin niya kung sa bawat hakbang ay tila may magagagalit sa tuwing hindi magbibilang? bawal magsalita nang malakas, tumakbo at makipaghabulan sa hangin, gumulung-gulong sa damuhan habang nababasa ng hamok na namamahinga. walang makakaintindi kung bakit. walang makakaintindi kahit gaano pa kahabang pagpapaliwanag na gawin. para ano pa ang mag-ubos ng laway sa isang bagay na siya lang ang nakakadama’t nakakaranas. isa, dalawa, tatlo, bibilang siya hanggang sa abot ng kanyang isip at babalik din kapag natapos dumating ang pagkakataong maaaring mawala sa bilang. isa, dalawa, tatlo, pero nasaan ang pang-apat? saan hahakbang, sa kaliwa ba o sa kanan? humakbang siya paharap pero ilang segundo pa lang ay binawi rin. muli siyang lumingat-lingat ngunit wala siyang nakita. sinubukan niyang maghanap ng batis o kahit anong may tubig pero wala siyang nakita. pati ang repleksyon niya ay hindi na makita. tunay ngang ligaw sa malawak na kapatagang kahit ngalan ay ‘di alam. bakit nga ba ‘di niya natangong, naisip niya. wala naman palang mapagtatanungan, paalala sa sarili. tumingala siya at nagbakasakaling may tulong na mahanap. magulo ang ilap. may mga ilan na kumukorteng bulaklak na walang dahon, asong tatlo ang paa, at tatlong ulo ng bata. pati ang mga ulap tila dumaragdag sa lawak ng lupaing iyon. may nagliparang ilang mga maya, kung ilan iyon ay ‘di na niya nabilang sa gulat. biglang lumitaw pero bigla ring nawala. pababa na ang ulo nang humuning muli. sa pagkakataong iyon, tuluyan na niyang hindi naabutan ang nagliliparang mga maya. muli siyang humiga sa damuhan at ipinikit na lang ang mga mata. baka sa susunod na pagdilat ay maabutan na ang mga maya. baka sa pagdilat ay wala nang ulap. baka sa pagdilat ay may mga puno nang nakapaligid. baka. sana.

6.06.2010

ang suwerte niya...

lalabas ng bahay na kung gumalaw ay tila lahat ay kinaiinggitan. gugustuhing palitan ang mamang buong araw nagbebenta ng kendi’t yosi sa mga kotse’t drayber, si manang na buong araw na nagpapaypay ng bentang isaw at barbeque, ang tsuper ng dyip na tabingi na kung umupo dahil sa haba ng biyahe, ang lalaking tila bagong suweldo lang dahil sa bagong sapatos at pantalong suot, at ang estudyanteng malamang ay buo pa ang baon dahil lunes pa lang. may mga panahon na sadyang lahat ay gusto mong masubukan. gusto mong sumigaw, sumayaw, matutong kumanta, at pumatay ng iba. ganoon karami, ganoon kagulo. hindi mo nga rin minsan masabi kung masaya ka ba, malungkot, o naiinis lang.

nakakita ka ng batang karga ng tatay at ‘di mo mapipigilang mapangiti. hawak ng katabi mo sa dyip ang bagong labas na cellphone na gustung-gusto mo at ‘di mo mapigilang tumitig. magkayakap naman sa tapat mo ang magboypren at ‘di mo mapigilang yumuko. maiisip mo ang isa o dalawa at ‘di mo mapigilang isipin na ang suwerte niya, sana ikaw na lang siya. pero mabilis kang magigising sa katotohanan na sadyang hindi nagtutugma ang mga nais at realidad. hindi ka siya at hinding hindi ka magiging siya sa kahit anong paraan, bali-baliktarin mo man ang mundo.


bilog ang mundo, sadyang may mga pagkakataong dadalhin ka sa kanyang harapan para maipamukha sa’yo na hindi ka tulad niya. sa laki ng mundo, hindi pa rin maiwasang abot ng iyong paningin ang iyong mga nais at mithiin. tiyaka mo mabubulong sa sarili na ang suwerte niya, kung ako ‘yan ganito ganyan.


pero hindi ka siya. gaano man siya kasuwerte o kamalas sa mga bagay-bagay [na alam mo sa sarili mo na kung ikaw ang taong iyon ay ito, ganito, ganyan ang gagawin mo], hindi ka magiging siya. hindi ka makakarga ng tatay mo, hindi mapapasaiyo ang cellphone kahit gaano mo pa ‘to titigan, walang tititig at yayakap sa’yo nang tulad ng pagyakap ng kaharap mo sa kanyang boypren.


sa dinami-rami ng taong binuhay, napakagaling lang na pagkakataon na ang bawat isa ay nabiyayaan ng kanya-kanyang kapaligiran at kaayusan. inilagay ang bawat isa sa tila aquarium na pinuno ng iba’t ibang uri ng corals at buhangin. may background na mga halaman at kung anong makulay na laruan na ‘di naman kayang laruin ng isda [assuming na isda ka ngayon dahil sa aquarium ka nilagay, ayaw mo naman sigurong maging janitor fish, hindi ba?]

6.05.2010

vase IV

mistulang sisiw sa loob ng balot kung pagpawisan siya. nanlalagkit na buhok na nakadikit na sa leeg, pawisang kilikili, at tumitirik na mga mata. kahit saan mapunta, naglalakad na nga, hindi mapakali. palingat-lingat, palingon-lingon kahit mga tunog lang ng dahon at kahol ng aso. sisilip doon, sisilip dito, tititig sa dilim. kung bakit hindi pa kasi binili ang vase nang hindi naiiwang mag-isa sa loob ng tindahan.

hindi sana ko nag-iisa ngayon. may nagbabantay sana sa kanya ngayon. baka mamaya ay may sumusunod na pala sa’kin, hablutin ang lahat ng aking naipon, tuluyan nang hindi ko siya mabili. paano ko kakausapin ang may-ari? bigay niyo na lang po sa’kin, bibilhin ko na dapat, ganoon? wala man lang logic. tiyaka ko na lang babayaran, hindi uubra. hindi naman sila nagse-sale. mag-iipon na lang uli ako. pero sa ngayon, kailangan kong bilisan ang paglalakad nang maiuwi ko na muna tong perang to. pag nawala ‘to, mawawala lahat.


binilisan niya ang paglalakad na halos patakbo na ang itsura. palingat-lingat pa rin habang hawak nang mahigpit ang nakasupot niyang kayamanan.


kamusta kaya siya roon? bukas, pupuntahan ko siya. hindi na ko makapaghintay sa bukas. ilang oras pa. masaya namang maghintay. iyong tipong lagi kang nananabik. laging may sense of surprise. pero ayaw ko na yata ng masyadong surprises. buong buhay ko, nabuhay ako sa surprises. lahat nakabalot sa iba’t ibang kulay ng wrapper. huhulaan mo ng ilang beses, tapos magugulat ka na lang na kahit isa sa mga hula mo ay hindi tugma. surprise are good, they keep everything healthy (at least i’m talking about literal surprises and relationships here). pero somewhere along the way, hindi mo mapipigilang umasa na sana, kahit papaano, may alam ka kahit kaunti. hint, ika nga. kahit paano pa kasi tingnan, ‘di hamak na higit na masarap ang may kaunti ng bawat isa. iyong tipong magbabakasyon ka na hindi mo alam ang gagawin niyo, pero kahit papaano ay alam mo kung saan ka papunta. naghihintay ka, hindi mo alam kung hanggang kailan, pero alam mong darating siya. i think that’s fair enough.


napatigil siya sa paglalakad nang makita niya ang isang matandang babaeng nakaupo sa labas ng saradong tindahan. alas tres na ng umaga at naroon pa rin ang matanda, nag-aabang ng mga lasing at mga call center para bumili ng kanyang bentang mani. isang matandang nagbebenta ng mani sa kalye nila. naisip niya, magandang title ng palabas iyon. ilaw na nanggagaling lang sa mga nakabukas na bumbilya ng mga tindahan at bakery lang ang nagbibigay kulay sa buong kalsada. nasa likod ni manang ang saradong tindahan na pinuno ng mga poster ng iba’t ibang bentang produkto. dadaan ang mga magbabalot at mga pauwi sa trabaho. titingala siya para tingnan kung bibili ba. iaangat niya ng marahan ang paninda pero hindi na aabot. mabilis nang lumagpas ang mga ito. ang cinematic!


kaso ang lungkot. anong oras kaya makauuwi ‘to si nanay. tapos pag-uwi niya siguro papaalis o nakaalis na ang mga anak niya. o may anak ba siya? ano kayang hinihintay niya, ang maubos ang paninda niya o ang sikatan ng araw? para namang hindi nauubos ang mga mani niya. may nagmamani pa ba ng ganitong mga oras? pati ang mga manginginom ay nag-uuwian na rin.


tumawid siya ng kalsada at bumili ng dalawang balot ng mani. hindi siya mahilig sa mani. ang mga tipo niya ay iyong sa bus pa bibili. maglalako ang isang mamang may hawak na balde ng mani o kasoy. “kasoy, kasoy kayo riya, mainit pa.” tapos bibili siya ng dalawang balot ng sampong piso (para mas marami kumpara sa isang balot ng bente pesos na mani) at tiyaka kakainin sa biyahe para masaman siya sa paghihintay ng paparahan. nakasilip lang siya sa labas habang nguminguya at nagtatanggal ng mga tingang durog na mani. ang lungkot.


ang cinematic! gusto ko sanang tanungin si nanay kung bakit hindi pa siya umuwi. kaso, baka sabihing kailangan niyang maubos ang paninda at baka hindi ako maka-hindi. tiyaka, kanya-kanyang trip yan. ako nga naghihintay sa isang vase, ayaw kong pinakekealaman. wala rin namang makaiintindi. naisip kong sabihin kay nanay na, “life is all about timing,” kaso sigurado akong ha? lang ang isasagot niya. maiintindihan kaya niya? itutuloy ko, “the unreachable becomes reachable, the unavailable become available, the unattainable attainable,” kukunot ang kanyang noo. “have the patience, wait it out [because] it’s all about timing.” tatapusin ko. ika nga, if fate permits. murahin kaya niya ko, o baka alokin lang niya ko uli ng mani. hindi na lang, hindi masyadong cinematic ang dating. walang drama, parang naging comedy, e. tapos maglalabas niya ng pakpak sa likod at lilipat hawak ang kanyang wand. iyong mga mani, magliliparan ang magiging mga bituin na makikintab. mawawala ang mga kulubot sa mukha, puputi, at magiging kamukha ni kristine hermosa.


pumasok siya ng bahay at inilapag sa mesa ang supot ng pera at dalawang balot na mani. nagpagulong-gulong sa kama at mabilis na nakatulog. hindi na niya napatay ang ilaw. ilang sandali pa, sumikat na ang araw. “kamusta na kaya siya.”

6.01.2010

bahay at buhay basura

sa bundok na pinuno ng sari-saring basura na pinagtatatapon ng mga taong siyudad, bihira ang makapulot ng may kapares na tsinelas o maayos-ayos na makakain—kung hindi punis, sira, ay halos wala nang silbi. dito pinanganak si jun, dito na lumaki, at itinuri nang bahay ang tila mga building sa makati sa taas na bundok ng basura (iyon ay ayon sa naaabot ng kanyang mga mata kapag nasa itaas ng bundok ng plastik at nasusunog na mga gulay at prutas). ito ang buhay niya.

may mga basag na bote, pira-pirasong bakal na halos ‘di na rin makilala kung sa kotse ba nanggaling o sa nasunog na bahay, nilalangaw na tira-tirang chickenjoy, at marami pang iba. lahat ng ginagalawan ng mga normal na tao (mga taong may kaya, pati na rin ang mga wala), nakikita’t nahahawakan nila. dito na rin namatay ang mga magulang ni jun. naghahanap ng mga bote’t bakal ang nanay ni jun noon nang biglang gumuho ang isang malaking parte ng bundok at natabunan ito. halos tatlong oras silang naghuhukay ng basura bago pa makita ang bangkay ng ina. walang dumating na saklolong rescue o mga volunteer bumbero noon. wala siyang ideya kung ano ang nangyari, sadya bang hindi nakarating sa kanila ang balita o sadyang ang mundong ginagalawan ay hindi na kinikilala ng mga normal na tao (mga taong hanggang sa mga may trabaho at nagbabayad ng buwis lamang na mamamayan ang nabubuhay). hindi naman nabigyan n ng pagkakataon si jun para makilala ang ama. bigla na lang daw siyang sumulpot sa barung-barong nila na para bang mga bagay-bagay na bigla na lang nalalaglag sa mga truck ng leonel. kahit yata ang mga diyos-diyosan at mga anito ay malilito sa dami ng basurang dumarating.


minsang nakita si jun ng kaibigan na nag-iisa at nakatingin sa guhittagpuan ng makati at maynila, “ba’t nag-iisa ka?” lumingon siya para silipin kung kaninong boses ang biglang sumulpot, si uwa pala, ang isa sa pinakamatalik na kaibigan ng ulila. kadalasan ay bigla na lang magtatawanan ang kaibigan, pero tila iba ang pagkakataong ‘to. umupo si uwa sa tabi ng kaibigan at hinabol ang tinitingnan ng katabi. natahimik sila.


tulad ni jun, ulila na rin si uwa. dito sa bundok pinanganak at nagkaisip. pero hindi tulad ni jun, tila mas masuwerte si uwa. kamakailan lang nang makapulot siya ng singsing na gawa sa tanso, mga limang piso siguro kung maibebenta. dagdag pa rito ang kuwintas na binigay sa kanya ng yumaong siga ng bundok ng basura. panay silip ni jun sa agaw-pansin nitong bilugang hugis at makintab na bato (isang uring kahit ang mga eksperto ng kakaibang siyudad ay hindi masabi kung ano) na napalilibutan ng makintab na bakal na kulay pilak. nakasabit sa kanyang leeg, hindi mapigilan ang ngiti ni jun. “ang ganda talaga niyan.”


“isuot mo muna. basta, iinagatan mo a!” minsang paalala ni uwa nang muling makita niya ang kaibigang nag-iisa sa itaas ng bundok ng pinisang bote ng absolute at wrapper ng kendi’t sitsirya, “balik mo sa’kin, a.”


hahawakan niya ito sa tuwing aakyat at bababa ng bundok. kung minsan pa, kahit habang naglalakay ay hindi niya ito binibitawan kahit pa nakasabit na sa leeg. para bang kahit dumi ay ayaw niyang madikitan. bibitawan na lang niya kapag nararamdaman na niyang tila nais bumitaw ng pendant. tila nabubuhay ito sa tuwing may makakasalubong na taong pamilyar. sa tuwing aakyat ng bundok para mapag-isa, higit niya ‘tong iniingatan kaysa sa sarili. mahulog na ang sarili huwag lang ang hiram na kuwintas. sa bawat pagkakataon, ito ang naging kasama. nakasanayan niyang hawakan at titigan ngunit hindi ang ideyang hindi kanya. para bang sa kanya, pero hindi, pakiramdam ay sa kanya, pero hindi, mayroon, pero wala.


minsang napagtripan ng taga-lower b, mga batang basurero rin na styro naman ang hinahanap sa tambakan. “hoy! ano ‘yang nasa leeg mo? akin na ‘yan!” sigaw ng isang batang kulay mais ang buhok. si valdez, ang batang sikat na sikat dahil sa talik ng mga mata’t labi. “wala ‘to, hindi ‘to akin.” mabilis na sagot ni jun. tila nagulat din siya sa kanyang nasabi. wala nga pala siyang pagmamay-ari kundi ang malawak at mataas na bundok ng basura na itinuri niyang kanyang buhay at bahay. mabilis na tumakbo pataas si valdez kasama ang kanyang mga alila. “akin na ‘yan!” sigaw ni valdez, “habulin natin!” mabilis ding tumakbo si jun, tila mandurukot na nahuli ng parak. hindi niya malaman kung saan isisilid ang kuwintas para hindi makuha. nais man niyang humingi ng tulong, walang tao sa paligid. wala rin namang magagawa ang mga kaibigan kung sakaling andoon man sila. si valdez ang siga ng lower-b, ang anak ng yumaong siga ng bundok ng basura (ang matandang nagbigay kay uwa ng kuwintas bago siya yumao).


nagpatihulog siya sa kabilang bahagi ng mataas na bundok makatakas lang sa mga gagong bata. pero kahit anong tulin ng takbo ni jun, sukat na sukat siya ng paningin ni uwa. at sa tuwing lilingon si jun para silipin, laging nakabuntot ang bruskong katawan ni uwa kasabay ang mga alipores niyang pinuno ng kapansanang kung hindi pipi, bulag, ay binge, o sadyang masunirin lang. halos hindi na niya maramdaman ang kanyang mga binti. tila kinain na ng basura ang kalahati ng kanyang katawan maitakas lang ang nag-iisang pag-aari na hindi kanya. kaunti na lang at siguradong tuluyan na siyang lalamunin ng malapot at makapal na tumpok ng basura. “huwag ka nang pumiglas parang awa [mo] na.) maaabutan ni valdez at siguradong mawawala sa kanya ang kuwintas na sana’y dadalhin niya sa guhittagpuan ng makati at maynila.