5.10.2010

silid

sa silid na kay laki,
masikip dahil may party.

bagong salta sa kuwartong

korteng puso.

walang kakilala,

ikaw lang
nawawala pa.

maraming ka-kuwentuhan

tungkol sa maraming kaganapan—

mayroong wala lang,

minsa’y pinipilit pang isama ka,

tungkol sa’yo,

minsa’y kahit na sino:

ang totoo nito,

gusto ka lang talaga nila ma-solo.

sa dami namin,

sino ang kaibigan?
sino ng ka-ibigan?
at sino ang kinakaibigan lang?

itong uri ng party,

kailanman hindi yata matatapos.


ang party all-night,

hindi na pala uso.

iyong tipong maghihintay na lang sa labas,

maghihintay matapos

para nang masolo ka rin

‘pag nagpapahinga ka na,

hindi na pala talaga uso.


kailangan makipagsabayan—

makipagsiksikan, makipagbrasuhan—

gawaing kailanman hindi ko kabisado.

nais ko’y sarili ang kalaban,

ganito ako at ito ang nakasanayan.

makakausap ka

pero sandali pa lang

ay kinukuha na ng iba.

at sa madla ika’y mawawala,

kung ako kaya pumuslit na lang bigla,

hahanapin mo kaya?


sa madla,

sa gitna ng mga ilaw

na pang-sayaw,

hinahanap kita.

asul, dilaw, berde, pula,

at marami pang iba,

sino ang mag-aakalang

nasa tabi lang pala kita.


kung hanapin kita,
parang isang batang
kulang sa kalinga—

kulang sa pagmamahal

at nagmamahal

at naghahanap ng pagmamahal.

tila isang musmos

na nanlilimos ng yakap.

maliligaw,

at mapapaupo na lang

sa isang sulok.

ipapaalala sa sariling

walang magulang na kapiling.

umaasang sa sulok

ika’y daraan at sasabayan

ang murang katawan

sa pag-upo sa panlulumo.

nakapatong sa balikan,

ulong pinabigat ng iba.

pipikit,

at muling magtatayo

ng silid—

maliit man

ay ‘di naman mahalaga.

isang silid

na matatawag kong akin,

na kung maaari

ay matawag mong atin.