4.23.2010

sikat man ang kakaiba, malakas pa rin ang marami

napadapa siya at nakapulot ng patpat. sa gitna ng damuhan, nakapalibot kay joey ang sampung mga bata na bawat isa'y may kanya-kanyang hawak. ang isa'y may hawak na patpat din, ang isa nama'y kawayan. maliliit na bato ang nasa supot ng isa habang sinturon naman ng tatay ang nakapaikot sa kamay ng isa. bawat bata, gigil na manakit.

nanginginig pero buong lakas niyang 'di pinahalata. namamawis ang kanyang mga palad kasabay ng nanghihinang mga tuhod at nanunuyong lalamunan. habang unti-unting nauubos ang tubig ng katawan dahil sa walang tigil na pagtagaktak ng pawis, ang mga mata nama'y tila nais makisama. bumibigat ang mga mata dahil na naiipong tubig-alat pero 'di ito papayagang bumagsak ni joey. hindi ngayon, hindi siya papayag na makita siyang umiiyak.

ang bawat patak ay pinuno ng matagal na pagtitiis. kaya naman sa tuwing hahayaang bumagsak ni joey ang mga ito'y siya'y nanghihinayang. at lalong hindi puwedeng hayaang bumagsak ang mga 'to sa harap nila dahil tiyak na aabusuhin lang nila 'to.

tumakbo siya sa pinakamalapit na pader na nakita at doon sumandal. mahigpit na hawak ang patpat na napulot, huminga siya ng malalim habang takot na hinintay ang sampo. gamit ang pader, kukuha siya ng lakad. lilipad ang sinturon at mapapapulupot ang maliit na bata. tiyaka siya susundan ng magkakasunod na palo't tadyak. mapapasigaw siya sa sakit. mapapasigaw siya sa galit. pero hindi niya magawang humingi ng tulong dahil alam niyang nagkamali siya ng liko.

nang makita niya ang sampung batang paparating. nagtatakbo siya hanggang sa makakita ng lilikuan. nadapa siya at nakapulot ng patpat. huli na nang mapansin niyang pamilyar pala ang bakanteng loteng iyon. iyon pala ang abandonadong lote ng tito roger, ang mayamang negosyante na nasa amerikana na ngayon at nagmamay-ari ng mga no-trespassing-areas dito sa barangay.

mahigpit na hawak ang patpat habang nakasandal sa pader roger, umasa siyang kahit papaano'y mabawasan ang mga pasa't sugat na matatamo ngayon kumpara noong nakaraang linggo. sa tuwing may mga ganitong pagkakataon, tiyaka maaalala ni joey ang laging pangarap ng kanyang mga magulang. "huwag mong hahayaang hilahin ka paibaba ng ibang tao" laging sinasabi ng ina. kung magpangaral naman ang kanyang ama'y laging literal, "sumandal ka sa pader gawa ng nakikita mo kung sino'ng kalaban mo."

walang sinturong hahampas sa likod at walang sapak nababagsak sa batok dahil lahat ng darating ay kanyang makikita. sumandal siya sa pader nang makakuha ng buwelo nang bilang bumigay ang pader na pinaghugutan ng lakas. hindi pala pader kundi plywood na itinayo lang para maihiwalay ang lote ni robert sa lote ni roger. napahiga si joey sa paskil na no trespassing na nakadikit sa plywood. pero bago pa ito muling mabasa ni joey, umulan na. ang sampung mga bata ay tila naging kuwarentang bata sa dami ng tinanggap niya. bawat kamao't paa'y tila nagamit sa kanyang mukha't katawan.

nagising na lang siyang namamanhid ang katawan. hirap maidilat ang mga mata at naglasang-kalawang ang mukha sa pagkabasag. nagngingitngit siya sa galit dahil hindi siya makalaban at sadyang wala siyang laban.

bitbit ng dalawang kapatid na lalaki, tinatanong siya kung ano ang nangyari at kung sino ang may gawa ng lahat. gustuhin mang magsumbong at magmaktol at humilata, walang makaiintindi. wala itong maitutulong. sa katunaya'y maaaring higit pa nitong mapasama ang kalagayan. walang magagawa dahil sadyang ito ang batas na kinagisnan ng mundo. sikat man ang kakaiba, malakas pa rin ang marami.

at hindi lahat ng batas nasusunod.