4.12.2010

i pray for you to come

nauna na kong lumabas para makapagyosi. nang mangalahati ang katawang hinihithit, lumabas na siya ng mall at palingat-lingat. umatras ako nang marahan upang maitago ng nagdaraang mga tao. tila naglaho ako sa dami ng namimili at nagku-kuwentuhang nakahilera.

isinuot ko ang salamin at pinagmasdan siya mula sa kinatatayuan. mga labing-limang metro siguro ang layo namin. naalala ko tuloy nang minsang biruin ko siya. nasa mall din kami noon tulad ngayon. niloloko ko siya noon nang bigla siyang umarteng galit. “lumayo ka sa’kin!” ani niya sabay tulak. naghiwalay kami. sa magkabilang gilid kami naglakad habang pasilip na titingin ng masama, kunwaring galit. mapapangiti, pero hindi magpapahalata. tiyaka ko bumanat, “tignan mo ‘to. ang tawag dito, long distance relationship.” at ngayong nasa mall nanaman kami, minsan lang ang mga ganitong pagkakataon na mapagmamasdan ko siya ng matagal. sa tuwing tititigan ko kasi siya lalayo siya ng tingin. “huwag mo nga kong tingnan!” naco-conscious daw siya. five minutes lang, tititigan ko lang muna siya—paano siya tumingin, mairita, mag-panic, maghanap, maligaw, o kung ano mang gawin niya. gusto ko lang siyang tingnan.


hahawakan ko ang kanyang kamay at hihigpitan. aamuyin ang bangong dinala ng hangin. dadamhin ang palad na masarap damhin. maglalakad na hawak ang kamay o yakap ang maliliit na balikan. mapapadaan sa salamin ng isang tindahan at tiyaka mapapahinto. “wait!” sisigaw siya. mag-aayos ng buhok, ngingiti sa sariling imahe. vain na ‘yon sa kanya. habang ginagawa niya ‘to, nasa likod ako. at kung titingnan, para kaming nasa loob ng isang kahon kung saan siya ang nasa harap at ako ang nasa likod. mapapangiti ako at muli siyang bibiruin, “bagay tayo, ano?” mabilis na “gago!” lang ang maririnig ko. susundan niya ng “hindi kaya” tiyaka muling lalakad. matatawa na lang ako sa kagaguhan ko. oo nga, hindi kami bagay. alam ko naman iyon, pero sa totoo lang, hindi iyon ang dahilan kaya gusto kong may picture kami. kinikilig lang ako dahil naaalala ko kung kailan at paano kinunan ang litrato. tapos, maaalala ko na kung ano ang nangyari noong araw na iyon. parang nagiging reminder ang bawat picture sa’kin ng mga moments. at pakialam ko ba kung hindi kami bagay? narinig mo na ba iyong mga madalas sabihin ng mga kaibigan ng mga couples na “nagiging magkamukha na kayo” at “lagi kasi kayong magkasama, e.” in short, may pag-asa pa kami. at ano ba naman ang mas mahalaga, hindi ba’t mas mahalaga iyong pakiramdam mo at hindi iyong itsura at nakikita ng iba? ako kasi, mas mahalaga ang nararamdaman. kumbaga, ako muna bago ibang tao. tulad lang kanina nang mamili ako ng sapatos. ang daming latest kanina, seventy percent sale pa. dumaan ako ng mario d’boro, may bagong design ang jarman, pati ang gbx sale. sakto pa’t kailangan ko ng leather shoes kaya naghanap-hanap na ko. sa dinami-rami ng leather shoes sa mall, sa toby’s ako bumagsak, twister ang nabilis ko (parang crocs pero mas sexy), at hindi pa kasama sa sale. bakit? hindi pala leather shoes ang hinahanap ko, na-realize ko. ang kailangan ko pala ay sapatos na reliable sa lakaran since mahilig nga kong maglakad. it’s more of the comfort and not the style. ang saklap naman kung isasakripisyo mo ang comfort for beauty. araw-araw kang masasaktan para sa ganda ng sapatos? mabuti na lang talaga at may itim na twister.


hindi bagay, pero kung masaya ka at komportable ka, it fits better.


kaya siguro hindi ako tumitigil sa kakaulit sa kanya na bagay nga kami. nararamdama ko, bagay talaga kami, kahit pa hindi niya aminin. hindi lang naman siguro looks ang basehan. maya-maya lang, mapapatigil kami. “hayop! bakit ganyan ang amoy niyan!” sasagot ako, “oo nga, ba’t ganyan?” lintek na yellow cab. parang bumabara ang mga bologna toppings, ang cheese at mantika parang sinasampal sa mukha ko, at ang amoy, wala, dire-diretso lang hanggang tiyan. kahit nose hair ko, hindi hinaharang ang amoy ng pizza. “nagugutom na ko, ikaw?”


sa lahat, diyan kami pinakanagkakasundo. masarap kumain. bukod sa pagtulog, pagkain na yata ang pinakamasarap gawin sa lahat ng gawain. dati, theory ko na na lahat ng lumalabas ay masarap. masarap ang tumae, mangulangot, umihi, umutot, umiyak, at kahit ang pagsuka, at marami pang iba na tiyaka na natin pag-usapan (‘pag eighteen ka na). pero kahit pa pagsama-samahin mo pa ang lahat ng iyan, walang mas sasarap sa pagkain. pasta, french fries, nuggets, nilaga, sinigang, bulalo, liempo, crispy pata, lechon kawali, steak, fish fillet, puta! lahat na!


muli kaming maglalakad. at sa gitna ng mall, sa gitna ng napakaraming taong nagpapalamig sa mall, sa gitna ng napakaraming taong nagpapalamig sa mall dahil nagtitipid ng kuryente ka kani-kanilang bahay dahil napakataas na ng singil ng meralco, iiwan ko siya at lalayo. tititigan ko siya. at muli, makikita kong maiirita siya. pasigaw niyang tatanungin, “bakit?!”


i look at her from a distance...


“bakit?!” muli niyang tatanungin.
makikita niya kong nagtatago sa gitna ng mga tao at tiyaka mabagal na lalapit. magigising ako sa panaginip at maghahanda ng isasagot sa kanyang bakit na mabilis na paparating. "bakit?! kanina ka pa pala andiyan!"

...and i start wishing, hoping, praying that we be together, to sleep and dream together—big dreams we compromise. gagawin namin ang gusto namin at susundin namin ang gusto namin. we push, but we pull. at magagalit siya sa’kin at one point. na sa susunod ay magiging madami at sunud-sunod. sisigawan niya ko at masisigawan ko rin siya. magmumurahan kami. mamasahihin ko siya at yayakapin. pahihigain ko siya sa’kin at hihiga rin ako sa kanya. magtra-trabaho pero magre-relax din. magtra-travel. all the goods and all the bads, i pray for you to come. kahit hindi ngayon, but please do.


“anong bakit!? wala!” sasagot ako nang pasigaw din.


at sabay kaming tatawa at sabay magsasabing, “gago!”