4.18.2010

ang puting kuwarto at ang batang namamahay dito

bagaman maliit, kumpleto ang puting kuwarto. may kamang gawa sa bakal na pininturahan din ng puti at binalutan ng puting kubre-kama, maliit na salamin sa sakto ang mukha, lababong singputi ng sahig na tiles at inidoro sa tabi nito. dahil sa linis at kaputian ng maliit na kuwarto, kung minsan ay nakaloloko ito ng bisita.


naka-upo sa sulok ng kuwarto at suot ang puting uniporme, nag-iisa siya. maya’t maya ay tatayo at pupunasan ang pader gamit ang damit na suot. sasandal ito sa pader o kung minsan ay hihiga sa malamig na tiles. hindi tulad ng ibang mga silid, hindi na isinasara ang pinto ng kanyang kuwarto. sabi ng mga lumalabas-pasok, hindi naman daw siya umaalis. bukas na lang lagi ang pinto. ngunit kahit na ganito, hindi pa rin umaalis sa sulok. nakagawian na ito. sa sulok na iyon, doon siya namamahinga at higit na naliligayahan. at, ano pa ba ang kanyang hihingin?

madalas ay mag-isa. mag-isang kakain. mag-isang matutulog. mag-isang kakanta. mag-isang tutunganga. pero kung minsan, may dadalaw. kung tawagin niya sila’y mga ‘kaaway’. basta na lang sila papasok sa kuwartong ginawa nang tahanan, hahawakan siya sa magkabilang braso, sisigawan habang tinuturukan. wala siyang magagawa kundi ang magpakalma. sa dami nila ay wala talagang magagawa kundi ang sumunod. kaya maging ang pumiglas sa sakit at ang pagsigaw, hindi na rin niya ginagawa. gustuhin man niya, wala namang tutulong para saklolohan siya. makatutulog ang walang kalaban-laban na katawan. at sa kanyang paggising, mabagal niyang aalahanin kung may nagawa ba siyang masama sa kanyang panaginip ay ganito ang napala kahapon. ang kanilang mga mukha, hindi maalala. nakatakip ng tela ang kanilang mukha habang isinasagawa ang pagpapakalma sa kanya. tila mga mamamatay-taong ayaw magpakilala kaya naman wala siyang maalala kahit isa sa kanila. para sa kanya, ang bawat taong pumasok ng silid ay kaaway, at ang bawat lumabas ng silid ay nandurumi ng malinis na kuwarto na para sa kanya’y natatanging pag-aari.

lahat sila’y nagpapanggap. minsan may pumapasok na hindi nakatakip ang mga mukha. magpapakita ng i.d. at magpapakilalang kaibigan. magkukunwaring kakausapin siya pero ang totoo nama’y may gusto lang malaman. magpapanggap na kakampi sila, na totoo silang mga tao, pero ang pakay naman talaga nila ay maangkin ang maliit na kuwartong pag-aari, o kung hindi man ay dumihan. papasok ang kanilang mga sapatos at mag-iiwan ng mga putik sa kanyang mga tiles, hahawak sa mga pader na kalilinis lang at uupo sa tila plantiyadong kobre-kama. magkukunwari lang sila, pero ang totoo’y kasapi siya sa mga kaaway.

sa tuwing magpapa-kuwento sila, higit niyang ititikom ang kanyang mga bibig. kahit anong pakiusap ay hindi na sasagutin ang tanong. maaalala niya kung paano nangyari ang nakaraan at tiyaka papalitan sa kanyang isip. kaya naman sa tuwing sasagot siya ay iba ang naisasagot. sa tuwing nagku-kuwento ng nakaraan, hindi maiwasang lumapit sa katotohanan ang nakaririnig lalo na’t kung narinig o maririnig niya ang kuwento ng kabilang panig. kaya naman hindi siya nagsasalita. kawawa ang kabilang panig dahil hindi maiiwasang makasira ng pangalan ng iba. malalaman ang mga iniingat-ingatang mga nakaraan—mga bagay na iniingat-ingatan din ng ibang mga tao lalo na’t iyong mga taong naiwan sa labas ng maliit na kuwartong ito.

‘bawal magsalita’ na ang naging unwritten law sa kanya. hindi niya iku-kuwento dahil walang dapat i-kuwento. merong mga nangyari pero wala naman talaga. andiyan lang pero wala naman talaga. totoo ito, lahat ng ito, pero sa kanya lamang. ang mga pakiramdam na ‘di maipaliwanag, lalong hindi maaaring lumabas sa kanya at sa labas ng maliit na kuwarto. kahit pa gustuhin niyang sumigaw sa ‘di malamang dahilan. pipigilan ng kanyang isip ang kanyang mga kalamnan, pipigilan ng mga kalamnan ang dibdib na malapit na malapit nang pumutok, mamumula ang mukha at manlalaki ang mga mata. hindi puwede dahil oras na hayaan niyang lumabas ang malakas na boses sa bibig na gigil na gigil, muling papasok ang mga kaaway. hindi nila naiintindihan. wala silang alam kaya naman kung paluin at saktan siya ay para bang isa lamang gamit na walang buhay. palibhasa’y hindi sila naniniwala.