3.07.2010

treinta minutos araw-araw

mabuti nga at gumising pa. kung papipiliin, mas gugustuhin pang iwan na ang katawang ito na nakahiga sa mundong di na mahabol. alas otso tiyaka babangon. matapos magtulug-tulugan at magtangkang bumalik sa panaginip na minsan na lang kung maulit, bubuhusan niya ang sarili gamit ang tila galing antarctica na tubig na kagabi pa inigib. kukuskusin ang bawat singita hanggang sa mga dulo ng katawan, pipiliting magkaroon ng libag para tanggalin, paulit-ulit, masabi lang na isang oras siyang naligo. bibili ng pandesal sa pan de kapitbahay at bibilisan ang bawat hakbang nang di maabutan ng nanay. "huli ka na sa opisina!" ang sigaw lagi ng ina sa tuwing aabutan. sa ganitong oras, ubos na ang mga tao sa kalye at buena mano ay wala na sa mga tindahan. naaayon na sa oras ang galaw ng mga tao. bihira na lang ang mga naghahabol sa pabagu-bagong oras at maikling pila sa mrt.

ipapalangoy ang patpat sa bag na tila buhay ang laman habang buong lakas na iniiwasang tingnan kung paano babuyin ang mga gamit ng mamang kung suotin ang uniporme ay tila walang kasalanan na nagawa. hihingan ng donasyon na para bang, "donation lang po para sa red cross." nagkalat ang mga piso at pinupulot lang. makikipagsiksikan para maunang makapasok sa tren kahit pa alam ng lahat na sa ganitong oras ng araw ay may sapat na para sa lahat--dahil pagbali-baliktarin man ang mundo, ito ang first station. magpapalamig at magpapatuyo ng pawis na ngayon pa lang magsisilabasan, magpapahinga sa parusa ng mundo. saglit na pahihingahin ang buong katawan dahil mamaya ay muling bibilad at papalaot sa ibabaw ng malawak na dagat ng mapanghusga at poot ng lupa. mabilis na iiwan ang mga nagtataasang gusali kasabay ang pangarap na magma-may-ari rin ng kahit isang silid. aalahanin ang panahong tila malabong kahapon na lang ngayon--kailan muling makasasakay sa bus na nakamamanhid ng puwet at mukha, maubos ang oras sa kakalakad sa kakagawa ng mga simpleng bagay na para bang matabang na pagkaing di maubus-ubos--ang bumalik sa simpleng bagay at buhay, panahon at pagkakataon. bagaman hinahanap-hanap ang mga malalawak na tanim at masarap na luto ng nanay, di maiiwasan ang di makisabay. ang mabilis na tren, mga batang nakakapit sa bulsa ng pantalon ng kanilang mga magulang, mga nakatatong buntis na mahigpit na nakakapit, mga tulog na estudyanteng puyat sa pag-aaral ng bagong laro kaya naman kung hindi ipod ay cellphone ang tangan, mga magsing-irog na kung magyapusan ay para bang katatapos lang ng kanilang kasal, mga titing mapansamantala sa pagkakataon, dumidikit sa mga puwet at hita ng iba, mga matatandang nagiging vip card ang katandaan, inilulusot ang sarili sa pila at ka-hassle-an ng puki-ng-inang buhay.

ortigas station. ortigas sta.... mabilis na darating sa huling estasyon, ortigas. huling estasyon ng mabilis na paglalakbay sa araw-araw na kinagisnan. mabagal na bababa at pakikinggan kung paano maghimutok. sa buwan daw ba naglalalakad, madalas na tanong. sasakay ng ep-eks at uumpisahan nang magluha ang kilikili. mabuti pang mabagal. di tulad ng mga humihinto, isa-isang mapapansin ang mga maliliit na likha. kapag humihinto kasi ay wari bang binibgyan at hinahayaan mong kunin ang pagkakataon para paiyakin ka. datnan ka sa pinakamababang kondisyon at abusuhin. papasukin ang loob mo at madaramang, "oo, heto ko." sampung minuto lang at pabababain ka na ng drayver ng ep-eks na nasakyan. sampuang minuto para maangkin ang sarili at heto nanaman. akyat baba. akyat baba. papasok ng elevator at aakyat muli. humigit kumulang treinta minutos para lang sa biyahe sa umaga. treinta minutos na pagbabalik sa nakaraan at pagpapahalaga sa kasalukuyan, at pagbibigay oras para sa sarili. at, opisina. opisina. habang ang iba ay abalang abala sa kahahabol ng kapalaran na iginuhit daw sa kanila, heto at naghihintay. tila habang buhay ang paghihintay bago dumating ang alas siete. hahanap-hanapin ang kama, ang paghilata at ang walang lakas na pagpapaanod sa muling walang-kontrol sa buhay na mundo.