3.02.2010

sarap mong titigan

sa pagitan ng paulit-ulit na umaga't dapithapon hanggang gabi, tititigan kita.
--tititigan sa lahat ng pagkakataong mapagkaloob.

ang mukhang maaliwalas kapag nakangiti,
kalamu-lamukos naman kapag naiirita.
tila pinagsama-sama ang lahat
para mabuo ang isang obra.

ang mga matang nais angkinin
at intindihin sa lahat ng kabila,
ang kilay na may buhay at nang-aaway
sa tuwing boses ay pipigilan,
ang ilong na namumula sa kakakamot
at kapipiga sa tuwing mangangati,
ang mga pisnging kay taba
at kay sarap panggigilan
at lakbayan ng mga daliri,
ang labing nakagigiliw pagmasdan
--puno ng karakter na labi
----nakanguso, irita, dumadaldal
----kumakain, nandidila, nakangiti,
ang mga nunal na isinaboy
at nagtutulak sa'kin para lingatin bawat isa,
ang buhok na hahanginin at magugulo,
dadagdag sa mala-sineng eksena,
ang mga taingang sabi mo'y magkaiba ang laki,
para saki'y tama lang at walang symmetry
--dagdag interes, dagdag kahuhumalingan.

o siguro'y hindi naman talaga ito
ang aking hinahanap
sa tuwing ako'y tititig.

marahil sa lahat ng ito,
hindi matatagpuan ang tunay na dahilan.

maaari bang huwag mo na lang pansinin,
huwag na lang magreklamo.

nais kong magpaalam,
maaari bang titigan kita ng medyo madalas?