3.28.2010

mental ward

sa bawat pagpiglas ay humihigpit ang hawak sa pangarap na unti-unti nang naglalaho—makapagtapos ng kolehiyo, maka-alis sa bahay ng tiya, yumaman at mapag-aral ang dalawa pang kapatid, makapag-asawa ng mayaman at mabuo ang pamilya. gustuhin ko mang sumigaw, “rape! rape!” wala nang maniniwala.

tuwing tatanungin kung ano ba talaga ang nangyari noong gabing iyon, paano nakatakas at paano napasok dito, ‘di ko na siya makuwento nang buong-buo. kinalimutan ko na. wala na kong inaalala. pinaniwala ko na rin ang sarili na nabaliw na nga ko.

pinabili ako noon ni tiya ng sibuyas sa tindahan nang lapitan ng isa sa apat na manginginom. bakit daw hindi ako namamansin. ang sungit ko raw, at bakit daw na sa tuwing dadaan sa tapat nila ay laging bumibilis ang lakad. nandidiri raw ba ko? inirapat ko sila. hindi ko alam kung bakit nagtatatakbo at kung paano nakarating sa talahibang malapit sa police station. ang natatandaan ko na lang, nakapatong na ang hubong tiyan ni ruben sa dibdib ko. amoy alak. madilim. buong lakas akong nagpumiglas, pinilit kong tadyakan ang aring mabilis na naghuhubad at papalapit sa’kin. gustuhin ko mang sumigaw, walang lumalabas. lahat ng maabot ng aking mga kamay, ipinapalo ko na sa kanyang batok. bote ng mineral, lupa, bato. ayaw niyang tumigil. at lalo pa niyang binibigatan ang sarili. sige ako sa pagpalo ng kung anu-ano sa kanyang batok. nanghihina na ko noon. bigla siyang napasigaw at nangisay. isang kapiraso ng hollow blocks pala ang nadampot ko noon. tumakbo ako ng mabilis kahit pa panty na lang ang suot. nagsisisigaw ako pero walang umintindi. tinitigan lang ako ng mga tao. napatay ko pala si spo1 ruben cortez. pinagtuturo ako noong tatlo pang pulis pagkatapos noon. ikinulong at kinasuhan ng murder.

walang magmamahal sa isang babaeng ulila, hindi nakapagtapos, dating baliw, at ginahasa. wala kong magawa! ang straitjacket na ayaw bumitaw! baliw ako! sinong maniniwala! at sa bawat halik at himas niya, sa bawat pagduldol ng kanyang pagkalalaki, nauubos ang aking lakas lumaban. naubos ang aking pangarap. “ma! kasalanan mo ‘to lahat!”

papunta kami ng korte noon. ano’ng sasabihin ko, tanong ko sa abogado na kinuha ng tiya sa pao [public attorney’s office]. magpapanggap daw akong baliw, utos ng abogado na sinang-ayunan naman ni mama, pero hindi ko aamining baliw ako. “bakit hindi ko puwedeng aminin?” tanong ko habang nag-iiiyak. hindi umaaming baliw ang tunay na baliw. sinabi ko sa korte na masarap pumatay ng pulis, na dapat silang ubusin dahil binabastos nila ang bansa natin, dapat hindi lang si ruben ang pinatay ko, dapat pati ang tatlo pang mga manyak, puro sila buwaya’t kantutero’t dapat putulin ang mga titing tigang. naging mabilis ang desisyon. sa mental ward ako pinasok. nanalo tayo sabi ni Mama.

hindi ako pinabayaan nina mama at tiya pagkatapos noon. araw-araw bibisita si mama para kamustahin ako. magku-kuwento ng mga kaganapan sa bahay, mga tsismis sa kapitbahay, at ang pagbisita niya sa puntod ni papa. tuwing sabado naman kung bumisita ang tiya. magdadala siya ng pagkain at magku-kuwento rin sa pagbisita niya sa puntod. iku-kuwento niya sa’kin ang mga sinabi niya kela mama at papa, ang kalagayan ko at kung anu na ang mga kaganapan sa kaso ko. susubukan niya kong pasayahin. magku-kuwento rin siya tungkol sa mga kapatid ko. mabilis silang lumalaki, sasabihin niya, at tumutulong na raw sila sa gawaing bahay.

nabartolina ko noon. dinuraan kasi ng isang baliw ang ulam kong dinuguan. hirap na hirap na nga kong umastang baliw, laging gutom, dinuguan na nga lang ang ulam, duduraan pa. pinalo ko ng tray sa ulo at sinabunutan ko siya hanggang sa manghina ko kakapalo nila sa’kin. pasalamat sila’t may batuta sila. binartolina ko ng tatlong araw. doon ako pinuntahan ni philip, ang nurse ko simula nang mapasok rito. kaya pala pinagsuot niya ko ng straitjacket kahit na nasa bartolina na. sapilitan niyang hinubad ang pajama at tiyaka hinalikan ang mga hita. pilit ipinasubo ang kanyang buong pagkalalaki. wala kong nagawa. tiyaka kami naglaho sa dilim kasabay ng paglaho ng boses kong naubos.

matapos ang araw na iyon, wala kong pinagsabihan maliban kay mama. kulang-kulang na rin ang pagkaka-kuwento ko. pero kahit ganoon, naintindihan niya. nanginginig siya sa galit pero wala kaming magawa kundi ang umiyak. mas naging madalas ang pagdaan niya sa ospital. maya’t maya ay kakamustahin niya ko. susugurin daw niya si philip, pero pipigilan ko. kailangan naming mapanindigang baliw ako. may sakit ako.

“kailan pa ko makalalabas dito?” tanong ko sa kanya. walang nasagot si mama. “kailan uli dadaan si attorney?” tanong ko. walang nasagot si mama. tila natulala siya sa mga tanong.

gigisingin ako nang marahan ni philip. “adelle, good morning. kamusta tulog mo?” tatanungin niya ko. tititigan ko lang siya bago ako babangon. patayin ko kaya siya, tutal ay baliw na naman ako. hindi, ayaw ko nang magtagal pa rito. "nandiyan na si mama?” wala si mama. walang oras na sinusunod si mama. bigla na lang niya kong sosorpresahin. “wala, e. pero bukas, sabado na, bibisita na ang tiya mo.” nakangiti at malambing na paalala ng nurse. hindi naman ako maiintindihan ni tiya. si mama lang ang makaiintindi sa’kin at siya lang ang nakakaalam ng lahat. siya ang kailangan ko ngayon. kung minsan ay magigising akong andiyan ang mga pulis. kailangan daw nila kong makausap sandali. muli nila kong tatanungin kung ano ang nangyari noong gabing mamatay si ruben. mabuti na lang at sa tuwing nariyan ang mga pulis ay saktong darating si mama. magwawala ko sa harap ni mama, magsisisigaw ng, “ma! kasalanan mo ‘to lahat!” habang nag-iiiyak. iiyak din si mama. susubukan akong pigilan ng nurse, tutulong si mama, pero hindi niyla kakayanin. kailangan magtaglay ng kakaibang lakas ang isang baliw.

tuwing gabi’y pupuslit siya para tabihan ako sa kama. hihiga siya sa tabi ko at kakantahan. hahagkan niya ang ulilang anak hanggang sa makatulog. at bago pa sumikat ang araw, bago pa ko magising, wala na siya. wala nanaman siya. walang nakakita sa kanya. hindi nagpapahuli sa kahit na sino, ganyan si mama.

walang magmamahal sa isang tulad ko, isang babaeng ulila, hindi nakapagtapos, dating baliw, at ginahasa. wala nang mabuting puwedeng mangyari sa’kin paglabas ko rito.

hatinggabi, umakyat sa bubungan ng ospital si adelle. tumayo siya sa dulo ng building kung saan nahahati ang mundo ng mga baliw at mga patay. nanginginig sa lamig, inalala niya ang kanyang ama’t ina. “bakit kailangan niyo pa kaming iwan. ma... kasalanan mo ‘to lahat, e.” bulong ni adelle sa hangin habang dahan-dahang namumuo ang mga luha sa kanyang mga mata. sumikat ang araw at unti-unti nang dumami ang mga tao na nakakumpol sa paanan ng ospital. lahat ay nakatitig sa nanginginig na hubong katawan ni adelle.

wala na. mamamatay ako kapag nagtagal pa ko sa lugar na ‘to. ang mga baliw kong kasama araw-araw, tanginang philip, wala na! wala na! para ano pa’t binubuhay pa ko! walang magmamahal sa isang babaeng ulila, hindi nakapagtapos, dating baliw, at ginahasa! wala nang mabuting puwedeng mangyari sa’kin kung makalabas man ako rito. putang ina niyo!

mabilis na tumawag ng taxi ang tiya ni adelle nang mabalitaan ang nangyari sa inaanak. umakyat daw si adelle sa tuktok ng ospital, nakahubad, at mukhang magpapakamatay. “kuya, pakibilisan po.” hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari kay adelle. hindi ako mapakali. hindi puwede. pinangako ko, aalagaan ko si adelle. kailangan niyang gumaling.

ma, ginawa ko naman ang lahat. nag-aral akong mabuti, inalagaan ko sina adrian at arnold, tumulong ako sa gawaing bahay para hindi maging pabigat kay tiya, hindi ako nagbarkada. lahat ginawa ko. pero wala. kinailangan ko pang makapatay para ka makita. kinailangan ko pang mapunta sa mental ward at magpanggap na baliw para lang bisitahin mo araw-araw. hindi mo na talaga ko maipagmalaki kahit minsan. nasaan na ba si papa? nasaan ba siya?

huminga siya ng malalim at tumingin sa mga taong nagkumpulan sa ibaba. lalaki man o babae, lahat ay nakatitig at nakaabang sa maaaring gawin ng hubad na katawan ni adelle. may tulala, may nagsisigawan, may tumatakbo’t naghahanap ng tulong. nanginginig pa rin ang buong katawan ni adelle. nangangatal ang labi at nangangatog ang mga tuhod. tuloy ang pagtulo ng mga luha ni adelle habang hinihintay ang tamang oras.

bago pa dumating ang taxi ni tiya, nandoon na si mama. sa gitna ng nagsama-samang tao, sa gitna ng malulupit at mapanghusgang paningin ng mga tao, nakatitig si mama sa’kin. nakatitig siya sa aking mata, sa’king gamit na katawan, sa’king nasirang pangarap, sa’king buhay. namumugto ang kanyang mata. nasasaktan ka ba talaga sa nakikita mo? o, nandito ka rin ba para makita kung paano mamatay ang ulila mong anak?

oo. mahal na mahal kita, anak. alam mo ‘yan. ginawa ko ang lahat para malusutan natin ‘tong lahat. hindi kita iniwan, alam mo ‘yan. araw-araw, pinuntahan kita. sinamahan kita. pero wala na tayong magagawa. walang magmamahal sa isang babaeng ulila, hindi nakapagtapos, baliw, at ginahasa. wala nang mabuting puwedeng mangyari sa’yo paglabas mo rito. mabuti pa’t matapos na ‘to. wala ka nang magagawa pa. inaagaw mo na ang lahat ng atensiyon. nawawalan na ng oras ang mga tao dahil sa’yo. Lubos mo nang naaabala ang tiya mo. kailangan nang mag-aral nila adrian at arnold. kailangan na nilang mag-aral. kailangan nila ng oras. tama na. wala ka nang magagawa pa. hindi ka na makapagtatapos ng kolehiyo, hindi ka na maka-uuwi o maka-aalis man sa bahay ng tiya mo, hindi ka na yayaman at ‘di mo na sila mapag-aaral, hindi ka na makapag-aasawa at hindi na mabubuo ‘tong pamilyang ‘to. hindi mo na mabubuo ang pamilyang ‘to.

bago pa makababa ng taxi ang tiya, bumagsak na ang hubad na katawan ni adelle sa kungkretong bangketa ng ospital. ipinasok na sa ospital ang katawan. nagkalat ang dugo at humuhupa na ang mga usiserong mga tao.

ako na ang nagpaburol at nagpalibing sa’yo. iyon na lang kasi ang magagawa ko. pangako, aalagaan ko ang mga kapatid mo. pagtatapusin ko sila. libing mo noon nang bumisita ang iyong ama. “gusto ko lang makita ang anak ko.” sabi niya. pagkatapos ng lahat-lahat, kung kailan ibabaon ka na sa lupa, tiyaka ka na lang niya naisipang makita. gustuhin ko man siyang sigawan at saksakin noon, hinayaan ko siyang makita ka. at, kung bakit kinailangan mo pang mamatay bago ka bisitahin ng iyong ama? hindi ko alam. hindi ko na naitanong.