2.04.2010

vase III

yakap niya ang pinapangarap na vase habang paikot-ikot sa kama. nakapikit niyang yakap na tila sanggol niyang kinakalinga—tamang higpit nang ‘di masakal, tamang luwang nang hindi masira ang pagiging vase. ayaw niya itong mabasag. ayaw niya, at sa abot ng kanyang makakaya, ‘di niya ito papayagan. umiikot-ikot siya sa kama, yakap ang vase, nakapikit, habang mabilis na kinakaskas ang mga paa sa madulas na kobrekama. minsan ay ididikit niya ang vase sa kanyang labi, bubulungan ng mga kung anu-anong mga bagay—sobrang hihinang bulong na tila siya lang ang nakaririnig. “aalagaan kita, okay?” paulit-ulit siya.

nagising na yakap ang unan kong maliit—maliit pero sakto sa’king mga braso. nakasara ang mga palad na tila ayaw nang kumawala. napansin ko na lang na panaginip pala siya nang idilat ko ang mga mata. ay puta. niloloko yata ko ng sarili at ipinapaalala pa sa’kin kung gaano ko siya kagusto.

sabi sa psychology class ko noon, average ng dalawang oras na pananaginip ang ginugugol ng isang tao sa isang gabi, average daw na six years ng pananaginip sa buong buhay. di ko makalimutan ang panaginip kong ‘to. two hours na ba ‘yon? parang napakabilis naman ng panaginip kong iyon para maging dalawang oras. sabi pa nga, elements of dreams are closely related to the environment. hindi raw mapapanaginipan kung hindi naranasan. pero “pano pinipili ‘yon ng utak kung ano ang mga mapapanaginipan?” tanong ko. ang dami nilang kuru-kuro. ang daming theories na binanggit pero sa lahat ng mga nagsabi tungkol sa panaginip, si ferenczi ang di ko nakalimutan sa kanila. di ko na maalala kung sino siya, basta hungarian psycho-something siya, pero ang sabi niya, “a dream bears something that cannot be expressed outright.”

alas onse pa ang pasok sa eskuwelahan. ilang sandali pa, natanggap ko na rin na panaginip nga lang talaga sila. hindi ko siya yakap, at wala siya rito. naka-ilang pikit din ako, nagtangkang isipin muli ang mga nangyari kagabi at baka makatulog at mapanaginipang muli. napatalon na lang ako bigla nang maalala kong alas dies nagbubukas ang tindahan ng ceramics! may thirty minutes ako para pagmasdan ang vase bago bumiyahe papuntang school, kasya na siguro yung natitira pang thirty minutes para sa travel time. mabilis akong naligo at nagbihis. mas mabilis pa yata ko sa dyip kung maglakad para lang mapahaba ang oras ko sa ceramics store.

kinakapa ko na sa bulsa ang mga barya nang makita ko ang matanda sa labas ng store. kitang-kita rin ang pagtaktak niya ng yosi nang makita ako. naalala ko, nag-iipon nga pala ko. “hindi ‘te. kendi na lang.” “ilan?” tanong matandang halos magdikit na ang noo at tuhod sa pagkakuba. “isa lang ho.” naisip ko, okay ‘to. makakatipid ako ng piso. piso para sa aking ipon at piso para sa akin. pagbali-baliktarin naman, para sa’kin din naman lahat. niloloko ko lang din ang sarili.

malabong mata, malabong salamin ng tindahan, di ko maaninag ang vase sa istante kaya minabuti kong pumasok na lang. nilapitan ko siya tulad ng ibang mga pagkakataon. napangiti ako sa di malamang dahilan. “baliw!” may sumigaw. napalingat ako pero wala kong nakita. nababaliw na nga ba ko? tanong ko sa sarili. hindi naman siguro ako nahihibang. di ko lang maintindihan kung bakit natutuwa ko ‘pag nakikita ‘tong vase na ‘to. nakakagaan ng pakiramdam, e.

kinapa-kapa kong muli ang mga barya sa’king bulsa. muli kong tiningnan ang vase na nakatayo sa istante kasama ng ibang mga ceramics. bukod tangi siya, para siyang nag-iisang nakatayo sa istanteng iyon. kinapa kong muli ang aking bulsa habang tila hibang na nakangiti. pero hindi, hindi ako nahihibang. nakangiti lang ako. nakangiti ako habang kinakapa ang lahat ng ipon.

kukunin ko na sana siya nang maramdaman ko ang titig ng cashier mula sa likod. pinigilan ko ang sarili. lumabas ako ng tindahan nang ‘di tinitingnan ang cashier. umupo ako sa sahig katabi ng matandang tindera ng yosi. “ano?” tanong niya. “wala ho.” natahimik kami.

“huwag kang magmadali.” muli kong narinig ang magaspang na boses ng matanda. mabilis akong sumagot na “hindi naman ako nagmamadali. ayaw ko lang na may makakuha sa kanya, tapos...” napahinto ako. at sa kauna-unahang pagkakataon, natanggap at naintindihan ko ang katotohanan. “ayaw ko lang na may makakuha sa kanya, tapos ‘di naman siya aalagaan.” hindi ko na hinintay ang sagot ng matanda. tumayo ako at nagpagpag ng puwet. alam ko na kung saan mapupunta ang usapang iyon.

quarter to eleven. kaya ‘to. muli akong sumulyap sa vase, sa malabong salamin gamit ang malabong mata ko. nakita ko siya. nakatayo. bukod tangi. nag-iisa.

at pagkatapos ng klase, pagka-uwi ko, matutulog akong muli.

masaya managinip. masaya na nayakap ko siya nang mahigpit sa panaginip, pero shit! shit, pagnaka-ipon ako. puwede na kong ‘di matulog. isasakripisyo ko ang six years of my lifetime sleep para lang madagdagan ang oras ko na yakap siya sa totoo buhay.