2.21.2010

manikurista

"aray!" napasigaw ni joe kasabay ng pagpilipit ng katawan nito sa upuan. tila sa 25 layers ng dead skin cells, isang layer na lang at bubulwak na ang dugo mula sa hinlalaki. maingat na hinila ni ate letty ang nakakapit na ingrown. pero kahit gaano pa kaingat ay tila tadhana ito. muling namilipit si joe habang kagat-kagat na ang manggas ng t-shirt nito. nanginginig na umaangat pa ang puwet sa monoblock na upuan habang madiing nakakapit. nabaha ng dugo ang paligid ng kuko ni joe.

tila kulang pa ang nakita ng manikurista sa maasim na mukha ng binata at pinisil-pisil pa ang daliri. "meron pa?" dahan-dahan namang hinahabol ng suki ang hininga habang mabilis na tumango sa paboritong manikurista. walang ibang gumagalaw sa kuko ni joe maliban kay ate letty. katwiran niya, alam na ni ate letty kung paano ayusin ang kuko niya. ayaw na rin niyang ipagkatiwala sa iba ang kukong halos dalawang linggo ay sumasakit.

"sabi ko naman sa'yo, tigilan mo na ang pagsusuot ng mga sapatos na matutulis. ang taba-taba ng paa mo, e." muling pangaral ng matanda habang nagliligpit ng mga kyutiks at nipper. "hindi mahalaga ang uso, dapat praktikal ka sa buhay."

habang sinisilip kung gaano na kalalim ang nabungkal ni ate letty mula sa daliring pinuno ng dumi't dugo, tumango siya nang hindi nag-iisip. "hoy joe! narinig mo ba ko? tigilan mo na 'yang pagsususunod mo sa uso. mamili ka naman ng bagay sa'yo. hindi porket sinabi ng iba na maganda sa'yo ay bibilhin mo na. oo, maganda nga ang matutulis na sapatos, pero kung masakit naman sa paa, e." ulit ng manikuristang tila nanay sa pagsermon.

"opo" sumagot ang binata.

inabot ni joe ang limang daan sa matanda. "ate letty, o. wala kong barya, e." nag-unat pakaliwa't pakanan ang matanda. inilagay sa businessworld na shoulder bag ang maliliit na pouch. "wala rin akong barya, e. hindi na bale, next next week na lang ulit. sigurado namang tatawag ka ulit, e."

"mga bata talaga," bulong ng matanda habang palabas ng gate nila joe, "tigas ng ulo."