2.13.2010

kastilyong buhangin

halos ‘di na ipikit

ang mga matang maliliit

habang kinukurbahan

ang kastilyong pangarap na tahanan.


sa ilalim ng mataas na araw,

nakaluhod at kahit uhaw,

hindi siya tatayo

at baka may bumayo

sa pinapangarap na kastilyong buhangin.

lalagyan ng buhangin ang tabo,

papatabain ng tubig para mapuno.

buong ingat na babaliktarin

ang toreng natatakot bahain.

maya’t maya ay sisilipin

ang dagat at ang kanyang mga alipin.


heto sila’t buhay na buhay

tila sa pagsira ng pangarap sila’y namumuhay.

halos maluha sa tuwing darating

at sasabihing, “anurin! pabagsakin!”

ang kaninang tore ay naging papel-de-liha

tulad ng iba, banat na banat na nakahilata.


nalimot, pinalimot.

at heto si tikboy,

parang batang palaboy.

uulit muli at itatayo ang nasira

dahil ang pangarap na kastilyo,

hindi papayagang makuha.


walang makagagawa

ng kastilyong mahaba—

binuo ng mga kuwarto

at walang hanggang pasilyo.

ang isang kuwarto’y pinuno

ng pangarap mula sa puso,

ang isa sa kaliwa nama’y pasensiya

at sa kanan ang binabalot ng saya.


ito ang kastilyo ni tikboy

nangangarap na wala nang bababoy.

hiling niya na sa susunod na dumating,

huwag ubusin ang nabuong piling.