2.11.2010

human chopsticks

galing ako sa ibang bansa noon. bilang isang estudyanteng anak na wala pang naibabalik sa magulang, bumili ako ng chopsticks pampasalubong. pagkakita ko pa lang ay natipuhan ko na siya--ang isa'y may "pa" at ang isa naman ay may nakaukit na "ma." nasa isip ko noon, "ito ang marraige." ito sila papa at mama na kahit magkahiwalay na indibidwal at may sariling mga hilig at buhay, maayos nilang nagagawa ang mga dapat. inabot ko ang chopsticks kay mama na kinikilig pa. "kasi magkaiba kayong tao, pero kahit ganoon ay magkasama kayo [at napapalaki niyo kami ng tama]" sabi ko gamit ang matalinong tono na para bang pilosopong may nasasabi sa lahat ng pagkakataon. sagot ni mama, "hindi totoo yan."

tiyaka ko na lang napatunayan na tama pala si mama nang makakita ko ng chopsticks na naglalakad.

hindi lang pala marriage ang nagbubuklod sa dalawang indibidwal, hindi lang sa papel na pinepermahan, hindi lang dahil sa may mga anak na at mga responsibilidad na kasama nito, at lalong hindi lang sa tawagan tulad ng "pa" at "ma."

naglalakad ako noon sa may bangketa malapit sa parke ng makakita ko roon ng isang pares ng chopsticks. umupo sila sa parke na sinabayan ko. nasa tapat ako ng nagku-kuwentuhang chopsticks nang mapansin kong magkaiba ang kulay nila. ang isa ay yari sa ivory, at ang isa naman ay sa mahogany--magkaiba man, parehong matibay. naagaw nito ang aking atensiyon. hindi rin pala pantay ang kanilang taas. hindi ko tuloy napigilang magtaka kung paano ito ginagamit. isang pares ng chopsticks na hindi pantay, paano ito sisipit ng siomai? mahirap, naisip ko. pinagmasdan ko sila hanggang sa bumaba ang araw. nagdilim na nang mapansin kong maya't maya ay napapangiti na ko.

nakapagtatakang maayos nilang nakukuha ang mga noodles at siomai na nagkalat. nakapagtatakang walang kamay na sumasakit sa tuwing sila'y sisipit. napupunan ng isa ang pangangailangan ng isa. ang hindi maabot na siomai ng maliit, tutuhigin ng kahoy na chopstick. nang minsang hindi makuha ng mahogany ang noodles, inalayan siya ng ivory. nakapagtatakang napatutunayan nila ang sikat na sikat na teoryang yin at yang--left at right, lalaki at babae, matangkad at maliit, maitim at maputi.

umuwi ako noong araw na iyon na bitbit ang napatunayang walang sinasabi si mama na hindi totoo. napatunayan na niya ito noon, alam ko... alam ko naman.

kailan lang ay pinabili ko si junjun ng tsinelas. ang usong tsinelas ang pinili niya--magkaiba ang kulay ng kaliwa sa kanan, hindi korteng paa, pero pag pinagdikit ay bumubuo ng korteng puso. naalala ko ang chopsticks na regalo ko kay mama noong kasingtaon ko si junjun, ang human chopsticks sa may parke, at ang natutunan ko noong araw na iyon.

tinanong ko si bunso, "bakit ganito 'to?" tumawa siya ng malakas na para bang kinikiliti. "wala lang, nakakatawa kasi sila, e." sagot ni junjun. "nakakatawa, o nakakatuwa?" pinaupo ko siya sa sopa kung saan ako nanonood ng telebisyon. "junjun, nakakatawa ba yun?"

nakatahimik siya.

"walang nakakatawa sa magkaiba. mas mahalaga ay kung ano, o paano, sila kapag magkasama."

"..pero thank you, anak!" sabay kiliti sa tagiliran ni junjun.

niyakap niya ko ng mahigpit.