2.07.2010

ex-idol

tinitingala ako ng lahat. at sa kauna-unahang pagkakataon, bida ako sa paningin ng ibang tao.

grade four ako noon nang ma-realize kong isa na nga ko sa mga astig (tigas) sa buong eskuwelahan. “ayan! ‘yan na si mark! game na! game na!” isisigaw nila na para bang hindi sila makapaguumpisa nang wala ako. ice-water ang laro tuwing umaga bago pumasok, walang titigil hanggang wala pang bell. kahit pa may madapa ay hindi magpapaawat, tuloy ang habulan. kung minsan at atakihin ng pagkasawa, touch-kampi o agawan-base naman. pagbali-baliktarin man ang laro, basta habulan ay ako ang bida. Kaya “idol” ang tawag nila sa’kin. papasok ng klase na basang-basa ng pawis, minsan ay may nakapulupot pang panyo sa tuhod at paika-ika maglakad.

habang nasa klase, pinag-uusapan na ang laro mamayang recess. kasabay nito ang pambubulabog sa crush kong iba-iba linggu-linggo. ayaw na ayaw ko kasing pinipilit ang sarili sa isang bagay na ayaw naman sa’kin. kaya naman ang katwiran ko lagi, “kung ayaw nila sa’kin, e ‘di iba na lang.” ito rin yata ang dahilan kaya ‘di ko nagustuhan ang pag-aaral. ayaw niya sa’kin, ‘di niya ko magustuhan, e ‘di huwag na lang.

pagagalitan ako ng dalawa kong ate dahil makikita nanaman nila ang aking report card na happy birthday sa pula. kakausapin ako ni mama, “hindi naman namin hinihingi na mag-honor ka, e. pumasa ka lang.” iba naman ang version ni papa, laging may mura. “tangina, ang bobo mo. mag-aral ka nga....” hindi ko na natatandaan ang iba. basta ang alam ko, laging may mura na kung hindi “tangina” ay “puta.” ganyan lagi simula nang bumagsak ako noong grade three. palibasa’y mga “honorable mention” lagi ang aking mga ate at nakakahiyang i-mention si bunso, bumaba na nga nang bongga ang expectations at standards nila, lalo sa’kin. mabuti na rin ata iyon.

bantay-sarado man ako ng dalawa kong ate, ‘di ako nagpapapigil. wala pang uwian, nasa labas na ko ng eskuwelahan at naglalaro ng sipa. paramihan lagi ang laro namin, unahan hanggang isang libo. sa isang sipaan ay umaabot ako ng otsenta hanggang isang daan kaya naman sa tuwing kampihan ay para bang mga malalanding babae kung kiligin ‘tong mga nagiging kakampi ko. kung hindi man kami umabot ng isang libo, sumusuko naman ang kalaban namin. ganoon din kapag pog ang laro. payabangan ng slammer. halos pare-pareho lang naman ang itsura ng mga slammer nila, plastic na transparent. Nagkakatalo lang sa kapal ng plastic at sticker na kung hindi ghost fighter ay dragon ball z. slaminator ang gamit ko. wala siyang sticker, imbes na transparent ay kulay itim, may inukit na pigura ng bungo, at gawa sa bakal.

kapag nasa bahay, wala namang bukang-bibig si papa kundi, “mag-aral kang mabuti.” minsan kahit eight over ten na ang test paper ko, “mag-aral kang mabuti” pa rin ang sinasabi. para siyang pirated na cd na sa tuwing nakikita ako ay uulitin ang “mag-aral kang mabuti” phrase. hindi na naiba ang kanyang mga linya. halatang hindi na pinag-iisipan. tututukan naman ako ng mga ate ko, kunwaring tutulungan akong mag-aral. “o, i-memorize mo ‘yan. gisingin mo na lang ako kapag ready ka na, ha?” gigisingin ko siya ng halos alas onse na ng gabi. at dahil pareho na kaming inaantok, matutulog na lang kami.

kabisadung-kabisado ko na kung paano umaandar ang sistema ng eskuwelahan. kaya naman parang wala na lang sa’kin sa tuwing babagsak ako. dalawang beses akong nag-grade three at tatlong beses nag-grade four.

noong ikalawang beses ko nang naggre-grade four, bumagsak uli ako. at sa kauna-unahang pagkakataon, nahiya yata ko. pumasa ang buong barkada maliban sa’kin. ibig nitong sabihin, magiging tatlong beses kong uulitin ang grade four. hawak ang report card, mabagal akong sumakay ng sasakyan. si papa ang nagmamaneho. tahimik niyang kinuha ang card kong kung puwede ko lang punitin ay pinunit ko na. 74 ako sa civics at 73 naman sa science. two points! kasalanan ko bang hindi ko sila binigyan ng flowers noong valentine’s day, o dahil ayaw kong magbigay ng regalo noong pasko, o dahil hindi ko sinunod ang mga payo nila na sumipsip? binalik ni papa sa’kin ang card at binuksan ang makina ng sasakyan. nararamdaman ko na ang pagbagal ng oras.

nararamdaman ko na na ilang sandali na lang ay mumurahin nanaman niya ko. isusumbat niya sa’kin ang mga pinaggagagawa ko buong taon, kasama na rin ang mga nakaraan. sanay na ko. manhid na ko. pero hindi, hindi ngayon, inumpisahan niya ang sermon nang “alam mo, pinagsisisihan ko talaga na naging anak kita....” paulit-ulit ang linyang iyon sa aking tainga na para bang pirated na cd na sa tuwing makikita ko ang card ko ay magple-play.

hindi ako umiiyak sa harap nila. pero sa kauna-unahang pagkakataon, nabasag ang pagkatao ng idol nila—ng mga grade four—ng mga astig.

pagkatapos ng taong iyon, lumipat ako ng eskuwelahan. first time kong lumipat ng eskuwelahan. sabi ni mama, pagkakataon ko raw ‘to para makapagbagong buhay. sinubukan kong mag-test ng pept (philippine educational placement test) sa deped. pumasa ko sa level ng grade 6. sobrang saya ko noon. natatandaan ko pa, pakiramdam ko nakapag-time travel ako. nabawi ko ang isang taon.