1.25.2010

vase II

lakad mayaman siyang pumasok sa tindahan ng ceramics. huminto siya sa harap ng pinapangarap na vase. tumitig sandali bago umikot sa buong tindahan. ilang sandali pa ay bumalik siya sa istante kung saan naghihintay ang vase. ito ang kuwento sa’kin ng matandang nagbebenta ng yosi na ngayon ay kaibigan ko na. di ko alam kung dapat ba kong magpasalamat na lagi akong may balita rito kay ate o dapat yata ay sabihin ko na lang na ‘di ko kailangan ng updates dahil nadudurog ako. nasasampal lang kasi sa pagmumukha kong wala akong pera. ika nga ng mga artista, “i don’t have what it takes....”

muli akong napakagat sa manggas ko nang i-describe niya ang lalaki. ang kanyang tindig ay matipuno. malinis at todo porma ang suot. malamang ay kung hindi siya mayaman ay ubod ng yaman. napasipsip ako sa t-shirt ng manggas. lasang-lasa ang alat ng pawis ko. o, pagkapakla ata iyon. nawalan na rin yata ako ng panlasa. di ko na masabi ng pagkakaiba ng alat at pakla. magkapareho ba sila?

sa lugar kung saan ako nakatayo, may grupo raw na nagyoyosi kagabi. sabi ni ate, ‘di raw makapasok sa tindahan dahil nagyoyosi. pero tiyak daw niyang kasama ito ng lalaking hawak-hawak na ang vase. agad kong tinanong kung paano niya hinawakan ang vase. may theory kasi ako riyan. hindi basta hinahawakan ang vase. dapat alam mo kung saan, o kailan, hahawakan siya ng marahan at paano. may mga pagkakataong kailangang diinan, dahil, siguro para malaman ng vase na mahalaga siya. pero, hindi puwedeng lagi, dahil kaya naman niyang tumayo mag-isa. ang vase ay may base, hayaan mong gamitin niya ito. oo, ituri mong buhay ang vase, siya, at iparamdam ang halaga niya.


“muntik nga niyang malaglag ang vase mo.” sagot ni ate. natigilan ako.


una, natigilan ako dahil hindi siya sa’kin. hindi ko siya vase. ikalawa, bakit nangyari ‘yon? “paano?” tanong ko kay ate. halos ‘di ko na narinig ang kuwento ni ate dahil sa ingay ng mga dyip na nagdaraan. pero nakuha ko. di niya alam paano hahawakan ang vase. dinala niya ito sa counter at bumunot ng wallet.


“madami siyang pera, ano?” mahina kong tanong na alam ko naman ang sagot. at malamang ay marami pa siyang sukli. sumilip akong muli sa salamin ng tindahan ng mga ceramics at nakita siya—ang maliit vase. nagtaka ko dahil akala ko’y nabili na siya. “hindi ko rin alam kung bakit pero umalis ang lalaki na hindi dala ang vase. nagtataka rin ang mga kasama niya na andito kung bakit hindi niya ito binili. di naman umiimik iyong lalaki. malay ko doon.”


“paano siya binalik sa estante ng lalaki?”


“ay! di ko alam. di ko na napansin. magtigil ka nga riyan sa kaiisip. ang hirap sa’yo, e. hayaan mo sila. masyado ka mag-isip ng mga bagay-bagay! pag-igihin mo na lang yang pag-iipon mo nang matahimik ka na, nang di ka nagkakaganyan sa tuwing may titingin sa vase mo, nang maipakita mo kung paano talaga mag-alaga at humawak ng vase. ikaw! nako bata ka!”


natahimik ako. iniisip kung papasok pa sa tindahan para makita ang vase o dito na lang sa labas sisilip.


“hindi ko siya vase.” sagot ko.