1.06.2010

iskinita tungo

kulang na lang ay igapos ang dibdib para maabutan ang mabilis na paghinga. yakap ang sarili, nangangatog ang tuhod na pilit itinatayo ang katawan laban sa malakas na hangin. namamalat ang labi, umuubo-ubo nang dahan-dahan—pagaspang nang pagaspang, tinitipid ang lakas sa bawat galaw. isa-isang hakbang, iginagapang.

pinasok niya ang iskinitang nakagawian nang daanan ng nakararami. sa buhok na ‘di kumbensyonal at lahing ‘di tipikal, tinignan siya ng mga tao. natahimik ang magulong pasilyo at tumitig sa kanya. tinignan siya mula ulo hanggang paa habang mabagal na nilulunok ang pinakamalapot na plema. ito na yata ang pinakamahabang daan na tinawid niya sa buong buhay. ang dulo ay lumayo, ang mga titig ay dumarami. kulang na lang ay hubarin ang suot na jacket at ihagis sa kanilang mga mata ang mga damit. “heto. titigan niyo nang makilala niyo ko!” pero hindi. huminto siya at nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga. tumayo siya ng tuwid at itinuloy ang paglalakad tungo sa dulo ng iskinita.

“ito ang gusto ko. alam ko.” sinasabi sa katawan nang paulit-ulit. ginigising ang mga kalamnan at tuhod. sinasabi, pinipilit, nagmamakaawa. “dito ako masaya. andoon siya. alam ko.”