1.10.2010

ang boring kong diary

minsan nanghihinayang talaga ko at ‘di ko piniling maging bolero. iyong tipong, mula sa kung saan, masasabi ko sa’yo na wala kang ‘sing ganda, perpekto ka and we’ll make a perfect couple, gagawin kitang prinsesa, at iaalay ko ang lahat ng natatanaw mo mula lupain hanggang buwan.

kaso hindi. sasabihin kong maliit ka, masungit paminsan-minsan, nakakatakot dahil nagsasalita mag-isa, bitch kung bitch, may abnormal na kilay na para bang nang-aaway, agaw-pansin ang mga nunal diyan sa may labi at sa likod ng tainga, nakakatuwa ang batok mong hinaharangan ng batman (buntot), ‘di ko mapigilang tingnan ang mala-barko mong eyebags dahil sa lifestyle mong napakaaga kung gumising (probinsiyang lifetyle kung iyong tawagin), at napakalupit na amoy ng iyong kilikili. ituturi kitang prinsesa, pero hindi kita gagawing prinsesa. wala akong kapangyarihang gawin iyon. ang magagawa ko lang ay gawin ang magagawa ko. sayang at may hangganan pa ang kakayanan ng tao. o, siguro sayang at naging tao pa ko.

“ending the day has become very difficult.” lately, halos araw-araw akong alas dos, alas tres na natutulog. wala namang akong ginagawang productive. nagmumuni-muni lang ako, iniisip kung paano nagdaan ang mga araw. mag-uumpisa siya ng mga midnight paumaga, kung ‘di tayo magkausap, iisipin ko kung nakauwi ka na, kung ano ang ginagawa, kung nakatulog na. madalas, dume-daydream din ako. nakahihiya mang sabihin, nangangarap din akong maging tayo. iyong tipong mahahawakan ko ang kamay mo para makapag-hhww tayo (holding hands while walking), mapisil ang iyong pisngi nang ‘di nagmamadali, masabing “i love you, and i’ll love you the best way i can. at kung may magmamahal sa’yo na higit pa sa binibigay ko, wala na kong magagawa. the best way i can is the only way i know, and the only way i know is my everything. wala namang taong kayang magbigay ng higit pa sa kakayanan niya, hindi ba?” maamoy ang kilikili nang ‘di ka naiinis dahil alam mo na, sa wakas, na naglalambing lang talaga ko, mayakap ka nang mahigpit nang malaman mo kung gaano kita kagustong makasama, o siguro iyong pinakasimpleng bagay na baka ikalaglag ko sa kama ‘pag nabasa ko... ang first good morning mo na ikaw ang unang magsasabi.

aasa kong madadala ko ang lahat nang iyon sa aking pagtulog. araw-araw ata iyon. at sa araw-araw na iyon, tila araw-araw akong nagtatagumpay—ang nag-iisang bagay lang ata na nagagawa ko ng tama para sa’yo nang walang palya. magigising ako ng halos tanghali na, nabubugnut-bugnot pa, at may hangover pa. maaalala ng kaunti ang mga napanaginipan, kasama raw kita. kikiligin ng sandali habang yakap-yakap ang aking malaking unan na tila kasing laki mo lang. babatiin kita, “good morning hottie!” ngumingiti-ngiti pa. aabangan ang reply mo bago bumangon at dumiretso sa banyo para maligo. mula pagligo hanggang siguro sa pagsayak ng tricycle, dyip, at bus, inaalala ko ang mga nangyari kagabi... pati na rin ang mga napanaginipan. pilit kong tatahiin ang mga bagay-bagay, kuwento, at gawa-gawa. may maaalala akong isang detail, pero makakalimutan ko rin ‘pag nakita ko ang isang bus ng bocaue, o novaliches (dahil doon ako umuuwi), ‘pag nakita ko ang coke ad sa tv ng bus (dahil coke ang tubig mo), o siguro ang bentang flat tops ni ate sa may gate ng university (dahil mahilig ka sa chocolates, paborito mo ang flat tops, at sa kanya ka bumibili). maghahalu-halo ang mga kuwento to the point na halos ‘di ko na ma-differentiate ang pagkakaiba ng mga nangyari sa mga gawa-gawa lang ng isip ko.

“hindi matigas ang ulo ko. alam ko lang kung saan ako masaya.” sagot ko sa... sa sarili ko habang nagmumuni-muni sa bus. kung ikaw, kinakausap mo ang sarili mo. sinasagot ko rin naman ang mga tanong ng sarili ko kahit papaano. so, i hope that makes us a perfect couple. cute naman, hindi ba? oo, at dahil dito, napagtanto kong hindi matigas ang aking ulo.

ganito, naniniwala akong selfish ang tao. tulad ng sabi ng propesor ko noon sa isang subject, literature ata iyon. lahat ng tao ay selfish. ginagawa ko ang mga bagay-bagay dahil gusto ko, lechon kawali ang uulamin ko mamaya dahil gusto ko, bibili ako ng bagong telepono dahil nahihirapan akong mag-text sa’yo gamit ang sirang telepono, pupuntahan kita mamaya dahil masaya akong nakikita kita, tatawagan kita dahil gusto kita kausap, mag-iiwan ako ng sulat sa kung saan para gumanda ang araw mo nang ‘di madamay ang maganda kong araw, kakantahan kita dahil gusto kong marinig mo ang lyrics ng gusto kong sabihin sa’yo, gusto kong napapasaya kita dahil masaya akong napapasaya kita. ang selfish, hindi ba?

buong araw hanggang matapos ang klase, bubusugin ko ng kuwento ang aking katabi (kung sino man siya). kahit papaano, nadadamay naman sila sa aking kakiligan, o siguro napipilitan lang sila dahil nakakaawa ang itsura ko. imagine, kinikilig ang isang lalaki sa isang simpleng hi-hello encounter, napangiti niya ang maliit na babae, o nakasabay niyang maglakad papasok ng building. buti na lang at wala pang tumatawag sa akin ng pathetic, kundi, malamang ay igapos ko siya sa poste ng meralco sa labas ng university. hindi ako pathetic, alam ko lang kung saan ako masaya. dito o, dito.

makikita kita, kung suwertehin ay makausap pa, minsan sa isang araw. makakasama kita, kung suwertehin. suwertehan lang talaga. minsan kasi, kahit gustung-gusto kitang makita, sadyang napakasama ng mundo sa’kin. sasakay ako ng bus pauwi. muling makakakita ng mga bus ng bocaue at mga dyip papuntang novaliches. muling makakakita ng mga flat tops na nagkalat sa tray ng mga tindera. makakakita ng picture ni kristine hermosa, o panganiban (na crush mo. babae ka, pinapaalala ko lang. nakakatakot kasi minsan.) at maaalala nanaman kita. di ka na nawala sa isip ko.

makakarating ako ng valenzuela nang ‘di ko namamalayan. lalakarin ko hanggang bahay dahil gusto kong lamigin. titingin-tingin ako ng mga benta sa bangketa, mga hair clip, flipflops na maliliit (size 5 siguro ang mga iyon), at kung anu-ano pang mga bagay. maaalala nanaman kita. kung minsan ay tatawagan kita, kung minsan ay hindi dahil sa pagkamahiyain ko. oo, mahiyain talaga ko. nakakahiya kasing tumawag at sabihing, “wala lang, gusto ko lang marinig boses mo. kamusta ka?” kayang kaya ko ‘tong sabihin kahit kanino, totoo, pero nahihirapan akong magbigkas ng mga ganyang salita ‘pag kausap ka. mabilis lang naman kasing magsinungaling at magsalita ng kung anu-ano kung ‘di mo naman talaga ibig.

titingala ako sa langit. gabi-gabi, hahanapin ko ang orion’s belt. nakakatawang isipin na sa ilang beses nang sinabi sa’kin ng science teachers and professors ko, ‘di ko pa rin maiwasang humiling sa mga bituin. hindi sila mga diyos, alam ko. pero, “star light, star bright, first star i see tonight (ikaw iyon, isa sa orion’s belt); i wish i may, i wish i might, have the wish i wish come true tonight.” sa tatlong bituin ng orion, doon ako mamimili. ang una kong makita, sa kanya ako hihiling. sabi ko nga sa sarili ko, kapag nakakita ako ng falling star, hihiling talaga ako. pero sa ngayon, naniniwala na lang ako.

tatawagan kita. mag-uusap tayo ng sandali. aantayin kong makatulog ka. iisipin ko kung nananaginip ka na. hihiga ako sa kama at ipapahinga ang katawan. ang hirap naman tapusin ang araw na ‘to. ano kaya ang mangyayari bukas?

babangon ako bigla sa kinahihigaan. kukuha ng papel sa kung saan at magsusulat, o guguhin ng kung ano (madalas ay pangalan mo). pipilasin ang papel mula sa notebook, o sa kung saan, at ilalagay sa wallet. bukas, ibibigay ko sa kanya ‘to. babalik ako sa higaan at pilit tatapusin ang araw. titingin sa oras, alas dos na, tulog na siya malamang. ano kaya ang mangyayari bukas? “ano kaya ang mangyayari bukas?” tanong ko sa sarili ko. sana ‘di ko malimutan lahat.