12.11.2009

vase

kagat-kagat ang manggas ng t-shirt at sinisipsip ang alat, nakaupo sa labas ng tindahan ng mga ceramics si buboy. sisilip mula sa malabong salamin ng bintana, inaaninag kung nasa loob pa siya. napansin ito ng tindera ng yosi na katabi lang niya. “boy, ano bang sinisilip-silip mo riyan?” tanong ng matandang halos magdikit na ang noo sa tuhod sa pagkakuba. nagulat pa si buboy sa boses ng matanda. para bang hinuhuli siya salang paninilip. nagtaka pa siya, “ano ba ang masama sa ginagawa ko?” pero tinago na lang niya sa sarili. “wala ho. tinitingnan ko lang kung may bibili ng vase na ‘yon.”

walang pagbabago sa itsura ng matanda. ang mga guhit na naka-ukit sa obra ng panahon ay nanatili sa kanilang mga puwesto. “bakit hindi mo bilhin nang hindi ka na pasilip-silip diyan?”


pabalik-balik siya sa tindahan simula nang makita niya ang vase. tuwing may pagkakataon, hihinto siya ng tindahan, umaasang wala pang nakabibili. hindi naglaon, nagsimula na siyang mag-ipon.


“ate naman. sinusubukan ko naman, e. binabantayan ko lang. baka kasi may pumasok dito at bilhin na lang bigla ang vase.” sagot ni Buboy sa matanda na tila walang narinig. “ano naman ang gagawin mo kung sakaling ngang may kumuha at bumili noon? hindi naman ikaw ang nauna, wala ka namang pera, wala ka namang magagawa, hindi ba?” natigilan ang lalaking ‘di maiwasan ang paglingat sa tuwing may papasok na customer.


pumasok siya ng tindahan at humarap sa istante kung saan nagpapahinga ang vase. sinilid ni buboy ang kamay sa kanang bulsa, kinapakapa at bumunot ng barya. sa kakaunting barya, paano niya mabibili ang vase? madaling mag-ipon. magpipigil ng gutom, maglalakad imbes na pumara ng dyip, magtitiis sa tubig, at marami pang ibang paraan. madaling maghintay. ang mahirap ay ang maghintay habang kinakabahan dahil alam mong wala kang pera para makipag-agawan kapag dumating ang isang mayamang puno ang wallet at natipuhan ang vase na inaasam. ano ang laban ng barya sa bundle ng pera ng isang mayaman, may sukli pa siya.


“kuya” tanong niya sa isang lalaking naglilinis ng vase sa loob ng cashier, “magkano ho ‘to?” nililinis niya ang vase na para bang siya ang nakabili. “ikaw nanaman? wala, wala. ganoon pa rin.” sagot ng binata. sa dinami-raming beses niyang tinanong kung magkano ito, natandaan na siya ng tindero. pero sa dinami-raming beses na ito, tila kulang pa ito para maiparating sa kanya, at sa iba na rin, na gusto niya talaga ang vase.


binalik niya ang pansin sa kaharap na vase. gusto man niyang hawakan, natatakot siyang mabasag. “sana alam mo kung gaano ka kahalaga sa’kin para alam mo kung gaano ako nahihirapan kapag may ibang umaali-aligid sa’yo.” nanatili sa kanyang puwesto ang vase. umaasang ‘di siya matabig, ‘di malaglag, at ‘di mabasag. lumabas ng tindahan si buboy.


“ate, mauna na ho ako.”


“o! balik ka bukas?”


“oho.”


“bantayan ko para sa’yo?”


“ho? hindi na ho. babalik naman po ako bukas.” ngumiti ng bahagya si buboy.


“sigurdo ka? sige. ingat ka.” paalam ng gumagasgas na boses ng matanda.

"oho. oho. siguradong sigurado."