12.29.2009

totoong mahirap maisulat ang kaligayahan

nasa bus, nakaupo sa upuan na galing japan. katatapos lang natin magkita at pauwi na. yakap ang bag habang nakaipit ang itlog dahil sa putanginang lalaking ayaw isara ang kanyang mga hita. gaano ba kalaki ang itlog nitong lalaking ito at ‘di man lang niya maisara ang mga hita? ‘yan ang lagi kong tanong, pero hindi ngayon. walang puwang ang masasamang mga ideya sa akin ngayon.

inaalala ko ang bawat detalye ng mga bagay-bagay. naisip kong i-kuwento na sa mga kaibigan. naisip ko na ngang i-kuwento sa aking katabi (pero hindi ko ginawa dahil siya ang dahilan kaya nakaipit ang itlog ko ngayon.) gusto kong i-kuwento sa lahat kung paano tayo nagkita, kung paano nagdaan ang oras nang ‘di ko namamalayan, kung paano kita kinulit at kung paano ka napangiti sa mga kagaguhan kong ‘di ko man lang naisip na bebenta. pero mabilis kong binawi ang mga naisip. hindi na lang. huwag na lang.

bihirang maisulat ang kaligayahan, ayon kay rebecca anonuevo. mahirap maisulat dahil walang nakakaalam kung paano huhulihin. ngayon, susubukan ko.

nagmumukha na kong tanga sa kakangiti rito sa loob ng bus. magkakadikit na ang kanilang mga puwet at siko, heto ako at nakangisi. baka masapak na lang ako bigla. akalain nila ay ginagago ko sila. puwede kayang dahil yung, “masaya ako, e. bawal na bang ngumiti?” pero kahit gaano ko ingiti ay tila hindi nababawasan ang hangin sa aking dibdib. hangin ba ito? alam kong tuwa ito, saya, pero hangin ba ito? parang sasabog ang buong pagkataon. hindi! hindi ko ito i-kukuwento.

pinigilan ko ang sarili hanggang sa makababa ng bus. napasigaw ako ng bahagya pagkalabas ng pinto ng bus. napakasikip. kamuntik ko nang takpan ang aking bibig. naramdaman kong mabilis na nabawasan ang hangin. mali. hindi pa puwede. i-susulat ko ito mamaya pag-uwi ko.

sumakay ako ng dyip at bumaba sa kanto namin. nang makitang walang naka-abang na mga traysikel, minabuti na lang na maglakad. nang umupo ako at magsusulat na, tila naubos na ang mga maliliit na detalye. paano ba siya ngumiti noon? paano nga tumaas ang kilay niya? paano siya nagulat?

anak ng. kung alam mo lang kung gaano ako kasaya. sayang, buti na lang at narito pa sa’kin ang tiket ng sine. dinikit ko na siya sa unang pahina ng aking planner.