12.26.2009

bukod tangi ang isa

nakatayo siya sa mataas na bato, nangangatog. buong gabi siyang nakabilad sa hamog ng nakasanayan. nag-iisa, nangangatog, pero nakatayo pa rin. sa tagal, sa gitna ng maliliit na batong nakapaligid, sa malawak na langit ng posibilidad, tila nakalimot na ang dahilan. nakita niyang muli ang sinturon ni orion. bagaman tatlo silang nakapila pagilid, bukod tangi ang isa.

sa laki ng langit na tinitingala, sa dami ng bituing nagkalat na para bang basta na lang isinaboy, sa kanya nakatingala—nakatitig at nakanganga, tahimik na pinagdarasal na umikot ang langit ng posibilidad. dahan-dahang liliit ang walang hanggang kalangitan, maglalaho ang lahat maliban sa isa. siya, ang magiging langit ng posibilidad.


sumigaw, halos duguin ang kanyang lalamunan. tinakpan ng makapal na ulap ang bituing sinusundan. “ano ang nangyayari? nasaan na siya? kamusta na siya?” ito siya na para bang napakalapit niya. pero hindi, hindi niya mahawakan, ni hindi niya maipagtanggol o matulungan. at ngayon, ‘di niya makita. kalunus-lunos, wala man lang siyang magawa. sinusubukan pa rin niya. sumigaw siyang muli, tila kaunti na lang ay mapipigtal na ang mga ugat sa kanyang mga leeg. umaasang maaabot ng boses ang ‘di magawa ng mga kamay. umaasang, sa pamamagitan ng pagsigaw—natatanging paraan, magising sa matagal na pagkakahimbing—magising sa isang panaginip at matauhan na nariyan ang katotohanan. maalimpungatan at mapasulyap sa baba. kakaway siya, panigurado.


pipigilan ang hininga nang may pumatak sa lupa, ngunit ni butil ay walang lalabas. kakainin ng utak ang maalat na likido na dapat ay nakalabas na sa mata ngayon. pipiliting maniwala ang sarili sa mga bulalakaw.


“falling star” at ‘pag nalaglag siya ay tiyak na sasaluhin. hahabulin at isasalba. lumabas ang nanay at sinigawan ang anak. dahil sa gulat, muntik na siyang mahulog sa mataas na bato kung saan siya nakatayo. papasok siya sa bahay, pero hindi magpapaawat. kung hindi man malaglag, kung iba man ang malaglag, hihiling na lang na sana, sana, siya naman ang sumunod.


pinakamalaking posibilidad ang walang malaglag na bituin. ito pa rin ang langit ng posibilidad, huwag makakalimot. wala mang malaglag, ang mataas na bato ay mananatiling tungtungan. higit na madali mag-alaga at magtanggol ng isang bagay na malapit sa iyo, kapat nasa tabi at abot ng mga kamay. ito ang paraan ng kalikasan—maaaring sabihing batas. ang mga bagay na nais mong alagaan, dadalhin mo sa malapit sa iyo, sa tabi mo.


bumubulung-bulong siya habang nakahiga. binatukan ng nanay. “matulog ka na, inumaga ka na. a la una na. tulog na.” katatapos lang ng pasko at nahampas na agad ng nagmamahal na nanay. “ma, totoo ba si santa?” tanong niya. isang tanong na kung pakikinggan ay para bang nagmula sa bula. hindi na sumagot ang nanay.


umaasa siyang totoo, oo, dahil nais niyang umangkas kay nikolas. umaasang makalapit at makasama man lang ang bituin kahit sandali. kung ‘di man siya magpatihulog tulad ng ibang mga bituin, siya na lang ang susubok na umakyat.


pero, sana magpatihulog na lang siya. o, sabay sila ‘pagkahatid sa kanya ni nikolas?