11.02.2009

ma, nag-iisa ka

ilang taon na rin. grade school pa lang ako noon nang pagbintangan ako ng principal na kumuha raw ako ng i.d. ng kaklase para makapasok sa campus. kung anu-anong bintang ang mga sinabi ng matandang principal sa’kin. pati ang guard na nag-iisang witness ng lahat, kumampi sa matanda. kulang na lang ay murahin ako ng matanda, buti na lang at nakakabulong ako ng mga maiikling “putang-ina mo” habang nakatitig sa pagwawala niya. tumawag ako kay mama at sinabi ang buong kuwento. umakyat ako sa classroom.

nalaman ko na lang, pinapatawag na ko sa office, malapit sa registrar. andoon na si mama at nakikipag-usap sa matanda. nanginginig si mama, galit siya. bihira ko lang makita si mamang ganoon. mahaba ang pisi ni mama. “huwag lang mga anak ko” lagi niyang sinasabi. alam namin iyon, alam ko. kaya rin siguro hindi ako nagpapa-argabyado. lumabas si mama at hinawakan akong mahigpit. sumakay kami ng sasakyan. wala akong alam sa mga nangyari.

“handa ka bang lumipat ng school if ever na….?” hindi ko na maalala ang mga kasunod. tango ako nang tango kahit hindi ako sigurado sa mga susunod na mangyayari. malaki ang tiwala ko kay mama. tiyaka ko na lang nalaman, pinatatakan na pala ni mama ang report card ko noon bago pa niya sugurin ang matandang siguro ay tinamaan na ng mild stroke.

sinumpa ko noon ang matandang principal. “babalikan kita.” pero higit sa lahat, nabilib ako kay mama. ganoon niya ko, kaming mga anak niya, kamahal. hindi niya kinailangan ng witness, o anu pa man. ang kuwento ko ang nag-iisang lakas niya. ako. kaya hindi ako nagsisinungaling kay mama.

mahal na mahal ako ni mama. kami ang kayamanan niya. lahat ng dapat na ipon niya ay nasa sa’min—kung wala sa aming mga utak at abilidad, nasa tiyan namin. may mga natae kami, pero karamihan ay ‘di namin pinakawalan. ganoon namin kamahal si mama.

naalala ko noong bata pa ko, mga sampung taon siguro, kasama ko ang pinsan ko. gumagawa siya noon ng mga stars na gawa sa papel. iyong mga tinitiklop gamit ang iba’t ibang makukulay na papel. ‘di ko makuha kung paano ang paggawa noon nito.gusto ko sanang bigyan si mama. nang makabuo ako ng tatlo, agad ko itong tinago. kumuha rin ako ng ilan na gawa ng pinsan ko, pamparami lang, at binigay kay mama. gumawa pa ko noon ng letter kasama ng mga stars.

ilang taon ang nakalipas, muli ko silang nakita. nag-aayos ng gamit noon si mama sa dresser niya. malinis ang drawer sa dresser niya. may maliit na pulang safety box sa gitna. nang makita niya ko, binuksan niya ang safety box at tinuro ang mga maliliit na stars. “naaalala mo pa ‘to?” tanong ni mama habang nakangiti.

ibang iba ang ngiti ni mama. sa tuwing ngingiti si mama, parang ang gaan-gaan ng pakiramdam. ang saya kasi niya tumawa. kung gaano siya kasarap tumawa, ganoon siya kasipag. sobrang sipag ni mama.

nag-aral siya kung paano humulma ng mga gold at silver, nagtanim ng mga orchid at anthurium. (naaalala ko pa noon, bulaklak na may titi pa ang tawag ko noon sa anthurium. at kapag narinig ni mama, tatawag siya ng malakas.) nagpinta. nagmaneho ng truck para bumili ng pandesal sa kanto. nag-aral ng silkscreen printing. nagbukas ng karinderya. nagturo ng kolehiyo. nag-aral para makakuha ng doctoral. at marami pang iba na siguradong mabibilib ka.

“kailangan mahigitan niyo kung ano ang mga narating ko, kaya aral ako ng aral, e.” tatawa ng malakas habang kaming magkakapatid ay sisimangot. kaya siguro napalipad ng italy at nag-law ang dalawa kong kapatid. kaya siguro hanggang ngayon ay nasa plano ko pa rin ang mag-aral magpinta at ng kung anu-ano. dahil kay mama.


“….dahil sainyo.” lagi niyang sinasabi.


pero sa dinami-raming pagkakataon na andiyan si mama, halos lagi pa nga, ‘di ko pa yata nasabing mahal na mahal ko siya. mahal na mahal kita, ma. hindi ko pa nasabing tinitingala kita ng sobra at ikaw ang lagi kong pinagmamalaki. pinagmamalaki ko ang mga nagawa ko sa buhay, mga narating mo, mga paghihirap at pagsisikap mo, lahat, lalong lalo na ang buhok mo na sa barbershop mo pa pinapagupit. lagi kong sinasabi, “pareho nga kami ng barbero niyan ni mama, e.” para lang pumasok sa kokote ng mga kilala ko na ikaw ang papa at mama ko.


ikaw ang dahilan kaya andito ako, kaya ganito ako ngayon, at kung bakit pinipilit kong maging maayos. ikaw ang dahilan kaya matigas ang loob ko sa lahat ng trials kasi ikaw ang nagsabing “okay lang maging blangko. kung hindi mo nararamdaman ang maging blangko, ang maging walang alam, hindi ka na magi-improve.” ikaw ang dahilan kaya mas naiintindihan ko ang mga babae. Ikaw ang dahilan kaya mataas ang tingin ko sa mga nanay. Ikaw ang dahilan kaya mas mataas pa ang tingin ko sa mga babae kaysa sa mga lalaki, dahil madalas ay mas may sense kayo kausap.


ma, mahal na mahal kita. matapang kami kasi andiyan ka. natututo kami araw-araw sa’yo at dahil sa’yo.


p.s. hindi ako makahanap ng girlfriend, ikaw din ata ang dahilan. ma, can you try to be less perfect?