11.16.2009

huwag mag-alala kung ika'y ligaw

minsan sa buhay, dumarating talaga ang mga pagkakataong ‘di mo na alam ang sasabihin mo dahil hindi mo na alam ang gagawin mo. para kang inilagay sa isang sakong bigas, bukod tanging ikaw lang ang nag-iisang pulang bigas. ngunit huwag mong iisiping ika’y espesyal dahil hindi ka nila tra-tratuhing isa. hindi ka tulad nila, pero hindi ka magiging espesyal. para kang binigyan ng isang supot ng candy na punung-puno ng iba’t ibang kulay at flavor na hindi mo na masabi sa sarili mo kung ano nga ang paborito mo sa kanila. dati, mentos lang ang hanap mo, pero dahil dumating ang judge, maxx, at kung anu-ano pang nakakagagong panlasa na naimbento ng kung sinu mang mayaman na ngayon, nalilito ka na. ‘di mo na malaman ang uunahin mo. ‘di mo na malaman ang pagkakaiba ng lasa ni candy one at ni candy two.

at, congratulations dahil narating mo na nga ang punto sa buhay mo kung saan tila isa kang ligaw na langaw na walang madapuang paborito dahil lahat ay kalasa na ng tae. meron kang panlasa, pero dahil naging manhid na ito, sabihin nating wala ka nang panlasa.

wala, o blangko. “mas okay na ang maging blangko para malaman mong may mararating ka pa, kaysa sa maging magaling ka at maramdaman mong magaling ka pero ‘di mo alam kung nasaan ka.” sabi ng isang estranghero.

estranghero naman ang lahat ng tao. tatanungin mo kung bakit. kilala ka ba ng mga kaibigan mo? ako, kahit ang dalawa kong magulang na kasama ko halos buong buhay ko ay ‘di ako kilala. mas lalo naman ang radio announcer na kilala ko lamang sa pangalang john o chichay, hindi ba? walang nakakakilala sa’tin kundi ang nag-iisang taong napakalupit at walang ginawa kundi lasunin ang ating isip sa kung anu-anong kalokohang sinusunod at susundin natin sa lahat ng panahon, ang sarili natin.

kaya kapag narating mo ang puntong blangko ka, blangko ang isip mo, at blangko na ang bibig mo, magpasalamat ka. bibihira ang mga ganitong pagkakataon na ‘di mo na alam ang gusto mo sa buhay, tama? buong buhay mo, may ninanais ka. noong bata ka, suso ang nais mo. tumanda ka, naglulupasay ka para sa isang action figure hanggang sa naging damit o sapatos. hindi maglalaon, mababaliw ka sa isang lalaking pipilitin mong magpapansin pero lolokohin ka lang sa huli. maghahangad kang magkaroon ng maraming pera dahil gusto mo ng pinakabagong gadget, pinaka-usong damit at sapatos, at kung anu-ano pang kamunduhang pinaglalawayan ng karamihan. pero ngayon, sa pagdating mo sa puntong ito, sa puntong kinatatakutan mo, sa puntong wala kang gusto, sa puntong blangko ang lahat, kailangan mong magdiwang dahil sa oras na ito, sa punto na ito ng iyong buhay, meron ka nang kapangyarihang mamili kung ano ang nais mo, maaari mo nang talikuran ang lahat dahil nawawala ka.

inilagay ka sa napakalaking bundok. wala kang dala kundi ang iyong sarili at isang pares ng damit at sapatos na kasamaang palad ay suot mo na, walang compass o mapa na makapagsasabi sa’yo ng “tamang daan.” magpasalamat ka. huwag ka nang mag-alala at sundin mo ang mga paa mo. huwag kang mag-isip maliban sa pinakamagandang payo na makukuha mo sa isang estranghero, “sa katunayan, walang tama o maling daan. siguraduhin mo lang na makakarating ka sa iyong paroroonan.” at siguradong magtatanong ka, saan ang iyong paroroonan? “wala. wala dahil lahat ng tao ay dinadala ng sariling edad at pagkakataon. tatanda ka, at lahat tayo ay magpapang-abot din.”