11.22.2009

bakit walang magulang sina b1 at b2

iwan muna natin ang mga ibang katanungang walang kaugnayan sa magulang ng kambal. paano basahin nang tama ang pyjamas? bakit limang minuto lang ang bananas in pajamas? Bakit sila naka-pajamas kahit na lumalabas ng bahay at nakikipaglaro? ilang terno ba ang meron sila? sino ba ang magkakatuluyan, morgan-lulu ba o morgan-amy? bakit hayop ang mga friendships nina b1 at b2, hindi ba dapat prutas din? wala bang ka-close si doding daga? at marami pang ibang mga katanungang pampasakit lang ng ulo. Huwag na muna natin sila problemahin.

magkakaroon din kaya ng porn ‘tong sina b1 at b2 tulad nina goku at chichi (dragon ball z), eugene at jenny (ghost fighter), jollibee at wendy (inggit si donald), at marami pa ring iba? sana hindi. parang hindi yata nakakatuwang makakita ng saging na nakadikit pa sa isang pang saging.


para sa mga hindi generation y, sina b1 at b2 ang kambal na bida sa isang 5-minute show na bananas in pajamas. at oo, nakasuot sila ng pajamas habang pababa ng hagdan, palakad-lakad sa maliit nilang compound, at kausap ang mga barkadang sina doding daga at ang tatlong oso-amy, lulu, at morgan.


********

B2

naiisip mo ba ang naiisip ko, b1?

B1
sa palagay ko nga, b2!

at tuluyan na nga nilang nilisan ang hacienda kung saan sila lumaki. Ito marahil ang hindi naipakita sa’tin ng bananas in pajamas. at kung hindi naipakita sa’tin noong 1992 nina michael ailwood at ian munro (directors), sa tingin mo ba alam ko? malamang, hindi.


pero dahil tulad ako ng nakararami, mag-gagaling-galingan ako at gagawa ng sarili kong kuwento.


********

david panchak (executive producer ng show), sana mabasa mo ‘to. para sa’yo ‘to, hello!


********

natutulog ang kambal na saging. nananaginip.

1 INT. GLAKATAN’S HACIENDA - DINING ROOM #304- DAY 1/1 00:20


GLAKATAN
‘pag sinabi kong kumain ka, pumunta na kayo rito at umupo. ano bang ginagawa niyo sa taas!

B2
naiisip mo ba ang naiisip ko, b1?

B1
sa palagay ko nga, b2!

GLAKATAN
tangina! ano binubulung-bulong niyo d’yan! upo!

B1 at B2
operation....

GLAKATAN
lintek!

papadapain ang kambal na saging at pagpapaluin ang puwet. mahihirapan si GLAKATAN sa pagpalo ng puwet. hindi niya mahanap ang puwet ng kambal.


papagitna si GLATUNDAN habang umiiyak.


GLATUNDAN
tama na GLAKATAN! anak mo sila!

GLAKATAN
anak ko lang sila. kapag sinabing kain, kain! walang anak anak dito!

magtinginan ang kambal habang nakatuwad. lamog na ang puwet sa kakapalo ng ama.


2 INT. GLAKATAN’S HACIENDA - ROOM #1/2- DAY 1/1 00:40


magku-kuwentuhan ang dalawang saging habang nakadapa.


B2
naiisip mo ba ang naiisip ko, b1?

B1
sa palagay ko nga, b2!

at tuluyan nilang lilisanin ang malaking hacienda. sisilip muna sila sa pinto at bababa sa makipot na hagdan. (dapat, tutug-tog na rito ang theme song. bananas in pajamas, laging magkasama sa lahat ng oras....)


3 EXT. GLAKATAN’S HACIENDA – GATE #6 –DAY 1/1 00:45

maluluha-luha si B1. lalapit sa may gate si B2 at hahalik sa malaking sign board kung saan nakasulat ang malaking GIANT LAKATAN’S HACIENDA.


********

david! tama na muna ‘yan. baka i-produce mo na agad ‘to without my consent. kawawa naman ako. iku-kuwento ko na lang ang climax ng kuwento para naman nakaka-engganyo.


hihinto sa paglalakad ang kambal sa pagod. makakasalubong nila ang tatlong oso. matatakot ang dalawa pero nang mapansin nilang mabait pala ‘tong mga osong ‘to, nakisama na sila. ipapakilala ng mga oso si doding daga. aanyayahan nito sina b1 at b2 na doon na manirahan.


hahanapin ng mag-asawang GL ang kambal. makikita nila ang kambal sa isang maliit na compoud kasama ang mga hayop na kaibigan. magkahalong takot at galit ang mararamdaman ng mag-asawa. sisigawan ni GLakatan sina B1 at B2 pero hindi ito pakikinggan. sisisihin ng mag-asawa ang mga kaibigan nitong mga hayop.


“sila ang dahilan kaya ayaw nila sumama sa’tin” sabi ni GLakatan sa asawa nito. tatahimik ang asawa ng sandali. “kung diyan kayo masaya, sige. pero mga anak, b1 b2, saan ba kami nagkulang? ano ba ang nagawa naming mali?” tanong ni GLatundan.


B2
naiisip mo ba ang naiisip ko, b1?

B1
sa palagay ko nga, b2!

at sinabi ng kambal ang mga hinanakit nila. sinabi nila ang hinanakit nila sa ama—kung paano sinabi at kung paano sila itinuring ng ama, sa inang walang ginawa kundi sumunod sa bawat salitang sabihin ng ama. “papa, mama, hindi na tayo pamilya e. para ano pa’t tinawag tayong isang piling ng saging kung tratuhin kami ni papa ay para bang kami ay mga star apple!” “at huwag mong sisihin sina morgan dito. kaibigan namin sila. naghanap kami ng pamilya at sila ang dumating. kahit para kaming litson na may apple sa bibig, masaya kami rito.” nakiusap din ang kambal na huwag nang mandamay pa ng ibang prutas o gulay sa problema nila.


********

david, ikaw na ang bahala sa ending. okay lang naman sa’kin kahit ano basta siguraduhin mong nasa credits ako. at, bayad ako.

11.16.2009

huwag mag-alala kung ika'y ligaw

minsan sa buhay, dumarating talaga ang mga pagkakataong ‘di mo na alam ang sasabihin mo dahil hindi mo na alam ang gagawin mo. para kang inilagay sa isang sakong bigas, bukod tanging ikaw lang ang nag-iisang pulang bigas. ngunit huwag mong iisiping ika’y espesyal dahil hindi ka nila tra-tratuhing isa. hindi ka tulad nila, pero hindi ka magiging espesyal. para kang binigyan ng isang supot ng candy na punung-puno ng iba’t ibang kulay at flavor na hindi mo na masabi sa sarili mo kung ano nga ang paborito mo sa kanila. dati, mentos lang ang hanap mo, pero dahil dumating ang judge, maxx, at kung anu-ano pang nakakagagong panlasa na naimbento ng kung sinu mang mayaman na ngayon, nalilito ka na. ‘di mo na malaman ang uunahin mo. ‘di mo na malaman ang pagkakaiba ng lasa ni candy one at ni candy two.

at, congratulations dahil narating mo na nga ang punto sa buhay mo kung saan tila isa kang ligaw na langaw na walang madapuang paborito dahil lahat ay kalasa na ng tae. meron kang panlasa, pero dahil naging manhid na ito, sabihin nating wala ka nang panlasa.

wala, o blangko. “mas okay na ang maging blangko para malaman mong may mararating ka pa, kaysa sa maging magaling ka at maramdaman mong magaling ka pero ‘di mo alam kung nasaan ka.” sabi ng isang estranghero.

estranghero naman ang lahat ng tao. tatanungin mo kung bakit. kilala ka ba ng mga kaibigan mo? ako, kahit ang dalawa kong magulang na kasama ko halos buong buhay ko ay ‘di ako kilala. mas lalo naman ang radio announcer na kilala ko lamang sa pangalang john o chichay, hindi ba? walang nakakakilala sa’tin kundi ang nag-iisang taong napakalupit at walang ginawa kundi lasunin ang ating isip sa kung anu-anong kalokohang sinusunod at susundin natin sa lahat ng panahon, ang sarili natin.

kaya kapag narating mo ang puntong blangko ka, blangko ang isip mo, at blangko na ang bibig mo, magpasalamat ka. bibihira ang mga ganitong pagkakataon na ‘di mo na alam ang gusto mo sa buhay, tama? buong buhay mo, may ninanais ka. noong bata ka, suso ang nais mo. tumanda ka, naglulupasay ka para sa isang action figure hanggang sa naging damit o sapatos. hindi maglalaon, mababaliw ka sa isang lalaking pipilitin mong magpapansin pero lolokohin ka lang sa huli. maghahangad kang magkaroon ng maraming pera dahil gusto mo ng pinakabagong gadget, pinaka-usong damit at sapatos, at kung anu-ano pang kamunduhang pinaglalawayan ng karamihan. pero ngayon, sa pagdating mo sa puntong ito, sa puntong kinatatakutan mo, sa puntong wala kang gusto, sa puntong blangko ang lahat, kailangan mong magdiwang dahil sa oras na ito, sa punto na ito ng iyong buhay, meron ka nang kapangyarihang mamili kung ano ang nais mo, maaari mo nang talikuran ang lahat dahil nawawala ka.

inilagay ka sa napakalaking bundok. wala kang dala kundi ang iyong sarili at isang pares ng damit at sapatos na kasamaang palad ay suot mo na, walang compass o mapa na makapagsasabi sa’yo ng “tamang daan.” magpasalamat ka. huwag ka nang mag-alala at sundin mo ang mga paa mo. huwag kang mag-isip maliban sa pinakamagandang payo na makukuha mo sa isang estranghero, “sa katunayan, walang tama o maling daan. siguraduhin mo lang na makakarating ka sa iyong paroroonan.” at siguradong magtatanong ka, saan ang iyong paroroonan? “wala. wala dahil lahat ng tao ay dinadala ng sariling edad at pagkakataon. tatanda ka, at lahat tayo ay magpapang-abot din.”

11.02.2009

ma, nag-iisa ka

ilang taon na rin. grade school pa lang ako noon nang pagbintangan ako ng principal na kumuha raw ako ng i.d. ng kaklase para makapasok sa campus. kung anu-anong bintang ang mga sinabi ng matandang principal sa’kin. pati ang guard na nag-iisang witness ng lahat, kumampi sa matanda. kulang na lang ay murahin ako ng matanda, buti na lang at nakakabulong ako ng mga maiikling “putang-ina mo” habang nakatitig sa pagwawala niya. tumawag ako kay mama at sinabi ang buong kuwento. umakyat ako sa classroom.

nalaman ko na lang, pinapatawag na ko sa office, malapit sa registrar. andoon na si mama at nakikipag-usap sa matanda. nanginginig si mama, galit siya. bihira ko lang makita si mamang ganoon. mahaba ang pisi ni mama. “huwag lang mga anak ko” lagi niyang sinasabi. alam namin iyon, alam ko. kaya rin siguro hindi ako nagpapa-argabyado. lumabas si mama at hinawakan akong mahigpit. sumakay kami ng sasakyan. wala akong alam sa mga nangyari.

“handa ka bang lumipat ng school if ever na….?” hindi ko na maalala ang mga kasunod. tango ako nang tango kahit hindi ako sigurado sa mga susunod na mangyayari. malaki ang tiwala ko kay mama. tiyaka ko na lang nalaman, pinatatakan na pala ni mama ang report card ko noon bago pa niya sugurin ang matandang siguro ay tinamaan na ng mild stroke.

sinumpa ko noon ang matandang principal. “babalikan kita.” pero higit sa lahat, nabilib ako kay mama. ganoon niya ko, kaming mga anak niya, kamahal. hindi niya kinailangan ng witness, o anu pa man. ang kuwento ko ang nag-iisang lakas niya. ako. kaya hindi ako nagsisinungaling kay mama.

mahal na mahal ako ni mama. kami ang kayamanan niya. lahat ng dapat na ipon niya ay nasa sa’min—kung wala sa aming mga utak at abilidad, nasa tiyan namin. may mga natae kami, pero karamihan ay ‘di namin pinakawalan. ganoon namin kamahal si mama.

naalala ko noong bata pa ko, mga sampung taon siguro, kasama ko ang pinsan ko. gumagawa siya noon ng mga stars na gawa sa papel. iyong mga tinitiklop gamit ang iba’t ibang makukulay na papel. ‘di ko makuha kung paano ang paggawa noon nito.gusto ko sanang bigyan si mama. nang makabuo ako ng tatlo, agad ko itong tinago. kumuha rin ako ng ilan na gawa ng pinsan ko, pamparami lang, at binigay kay mama. gumawa pa ko noon ng letter kasama ng mga stars.

ilang taon ang nakalipas, muli ko silang nakita. nag-aayos ng gamit noon si mama sa dresser niya. malinis ang drawer sa dresser niya. may maliit na pulang safety box sa gitna. nang makita niya ko, binuksan niya ang safety box at tinuro ang mga maliliit na stars. “naaalala mo pa ‘to?” tanong ni mama habang nakangiti.

ibang iba ang ngiti ni mama. sa tuwing ngingiti si mama, parang ang gaan-gaan ng pakiramdam. ang saya kasi niya tumawa. kung gaano siya kasarap tumawa, ganoon siya kasipag. sobrang sipag ni mama.

nag-aral siya kung paano humulma ng mga gold at silver, nagtanim ng mga orchid at anthurium. (naaalala ko pa noon, bulaklak na may titi pa ang tawag ko noon sa anthurium. at kapag narinig ni mama, tatawag siya ng malakas.) nagpinta. nagmaneho ng truck para bumili ng pandesal sa kanto. nag-aral ng silkscreen printing. nagbukas ng karinderya. nagturo ng kolehiyo. nag-aral para makakuha ng doctoral. at marami pang iba na siguradong mabibilib ka.

“kailangan mahigitan niyo kung ano ang mga narating ko, kaya aral ako ng aral, e.” tatawa ng malakas habang kaming magkakapatid ay sisimangot. kaya siguro napalipad ng italy at nag-law ang dalawa kong kapatid. kaya siguro hanggang ngayon ay nasa plano ko pa rin ang mag-aral magpinta at ng kung anu-ano. dahil kay mama.


“….dahil sainyo.” lagi niyang sinasabi.


pero sa dinami-raming pagkakataon na andiyan si mama, halos lagi pa nga, ‘di ko pa yata nasabing mahal na mahal ko siya. mahal na mahal kita, ma. hindi ko pa nasabing tinitingala kita ng sobra at ikaw ang lagi kong pinagmamalaki. pinagmamalaki ko ang mga nagawa ko sa buhay, mga narating mo, mga paghihirap at pagsisikap mo, lahat, lalong lalo na ang buhok mo na sa barbershop mo pa pinapagupit. lagi kong sinasabi, “pareho nga kami ng barbero niyan ni mama, e.” para lang pumasok sa kokote ng mga kilala ko na ikaw ang papa at mama ko.


ikaw ang dahilan kaya andito ako, kaya ganito ako ngayon, at kung bakit pinipilit kong maging maayos. ikaw ang dahilan kaya matigas ang loob ko sa lahat ng trials kasi ikaw ang nagsabing “okay lang maging blangko. kung hindi mo nararamdaman ang maging blangko, ang maging walang alam, hindi ka na magi-improve.” ikaw ang dahilan kaya mas naiintindihan ko ang mga babae. Ikaw ang dahilan kaya mataas ang tingin ko sa mga nanay. Ikaw ang dahilan kaya mas mataas pa ang tingin ko sa mga babae kaysa sa mga lalaki, dahil madalas ay mas may sense kayo kausap.


ma, mahal na mahal kita. matapang kami kasi andiyan ka. natututo kami araw-araw sa’yo at dahil sa’yo.


p.s. hindi ako makahanap ng girlfriend, ikaw din ata ang dahilan. ma, can you try to be less perfect?