10.31.2009

sana makita na kita

paunti-unti ginuguhitan ang korte ng puso. nilalapat nang marahan, nilalagyan ng linya, binubuo, pinupuno.

ang bugso ng dibdib sa tuwing tutunog ang telepono. ang pagpadyak ng kaluluwa sa tuwing sumisigaw ang telepono, waring hinihila ang balingkinitan kong katawan papalapit. ang mga mata, ang mga kalamnan, nanggigigil. ang mga hininga, ang bawat hininga, parang inaabangan ng kung sino at isa-isang pinuputol sa tuwing lalabas sa aking ilong, o labi.

babasahin ang bawat salita, ngunguyain at lulunukin na para bang isang masarap na potahe na minsan lang hinahain. habang nakangiti sa harap ng telepono, iisipin kung paano sinabi ang bawat linya, kung paano ngumiti at tumawa (kung tumawa man), kung ano ang pakiramdam kapag kasama ka.

hihinto ng panandalian at sasagot nang mabilis. sasabihin sa sariling “huwag masyadong madaldal. huwag kabahan. maging totoo sa bawat sasabihin.” na minsan ay nalilimutan sa bilis ng kabog ng dibdib. hihinga ng maluwag, aasang sasagot at humaba pa ang usapan na kadalasan ay nawawala at ‘di na malaman ang pinaguusapan. maghihintay, maghihintay.
paunti-unti nitong ginuguhitan ang gilid ng puso na waring kumakawala. nilalapatan, tinatanggalan ng mga lagpas upang mabuo, upang maging puno.

“sana makita na kita.” dahil bagaman masarap ang ganitong pakiramdam at nakakausap ka, mas nanaisin kong pumutok ang mga ugat sa galit ng dugo ‘pag makita at makasama ka kaysa malamang nakangiti ka ngunit ‘di naman makita.