10.28.2009

ang mga putang-inang paa

“minsan ko lang sasabihin ‘to, natatakot ako.”

tumakbo nang tumakbo. kaliwa’t kanan, basta may butas ay pinasok ko. hindi tumigil. akala ko noon, hindi ako mauubusan ng lakas. akala ko noon, hindi ako mauubusan ng daang tatakbuhin.


nakatayo ako ngayon sa lugar kung saan buong buhay kong sinikap na iniwasan. sabi ko pa sa sarili noon, “change is a part of life, you have to learn to live with it. hindi hihinto ang buhay para sa’yo, kapag huminto ka, maiiwan ka. everything is change, pero bago ang change, may risk. there is always a risk—a risk you have to take and a decision you have to make.” pero, nasaan ako ngayon? nandito sa dulo ng bangin suot ang mga binti’t tuhod na tila iniwan sa ere dahil nangangatog sa takot at lamig.


“takot ako sa panganib kaya mabilis akong magpasya. hindi ako matapang.”


sa tuwing sisilip sa aking mataas na babagsakan ay tila nagkakaroon ng sariling buhay ang mga kalamnan. para bang nais nilang kumawala sa patpating katawan at tumalon... patungo saan? kahit yata ang aking balighong mga kalamnan ay hindi malaman ang pupuntahan, ang landas na dapat na magpapalibog ng buong katauhan.


kung hinigop kaya ng kumunoy, o nakain ng oso, kung hindi ko inayos ang pagtakbo noon, dito pa rin kaya ako babagsak? ito rin ba ang magpapahinto sa akin?


malaki ang pag-asang mabuhay kung tatalon sa kinatatayuan. ilang mga bato, mga sanga ng puno, marahil ay ilang baling mga buto at malalalim na sugat ang matatamo ko. pero, bakit ako tatalon? at, para saan ang pagtalon?


sa labo ng mga mata, kulay na lang ang pumapasok at umaabot sa utak. walang linaw ang lahat, wala kundi ang mga naaabot ng aking mga kamay. ang berdeng kulay na marahil ay mga dahon, pula na marahil ay bulaklak, kahel na malamang ay palubog na araw, mga kaunting kulay kape na nagkalat sa kung saan-saan, baka mga maliliit na bahay o kalbong puno. naaamoy ko sila, pero kahit ang aking pang-amoy ay hindi sapat para masagot ang dahilan ng aking pag-aalinlangan.


kaliwa? kanan? hindi pa, mas malayo pa? saan ba ko pupunta?


“masarap kaya maligaw, ang dami kasing nakikita. tiyaka, makakarating ka naman, e.”


sana nga. iyong tipong maraming daan pero sa huli, iisa lang ang babagsakan. sana ganoon na lang sa lahat. mahirap kasing bumalik, mahirap magsisi—masakit magsisi—ayaw magsisi.

katwiran ko kasi, kaya ka nga umalis dahil alam mong mas masaya ka sa ibang lugar. naaalala mo pa ba iyong kasabihang usong-uso na ‘di naman magkakaroon ng second kung mahal niya ang first? parang ganoon ang tirada. umalis ka na, tuluyan mo nang iwan. tama ba?


hindi ko alam kung tama, wala naman kasi talagang tama. malalaman mo na lang, nagsisisi ka na at ginawa mo o ‘di mo ginawa ang isang bagay.


pagkatapos kong tumakbo ng napakatulin at napakahaba, pagkatapos kong mag-isip ng napakahaba at napakatagal, andito pa rin ako. natatakot. nag-iisip. pinapawisan ng malamig habang nangangatog ang mga binti’t tuhod na ‘di ko na yata pag-aari. nagdarasal na sana ay lumakas na lang bigla ang hangin at liparin ang mga putang-inang paa o bumigay ang tinatapakang tipak na bato o hablutin ng isang napakalaking ibon at itapon ako sa makulay na kung saan o itulak ng kung sino.


hindi. ayaw. pag-iisipan ko ‘to nang mabuti.