10.31.2009

sana makita na kita

paunti-unti ginuguhitan ang korte ng puso. nilalapat nang marahan, nilalagyan ng linya, binubuo, pinupuno.

ang bugso ng dibdib sa tuwing tutunog ang telepono. ang pagpadyak ng kaluluwa sa tuwing sumisigaw ang telepono, waring hinihila ang balingkinitan kong katawan papalapit. ang mga mata, ang mga kalamnan, nanggigigil. ang mga hininga, ang bawat hininga, parang inaabangan ng kung sino at isa-isang pinuputol sa tuwing lalabas sa aking ilong, o labi.

babasahin ang bawat salita, ngunguyain at lulunukin na para bang isang masarap na potahe na minsan lang hinahain. habang nakangiti sa harap ng telepono, iisipin kung paano sinabi ang bawat linya, kung paano ngumiti at tumawa (kung tumawa man), kung ano ang pakiramdam kapag kasama ka.

hihinto ng panandalian at sasagot nang mabilis. sasabihin sa sariling “huwag masyadong madaldal. huwag kabahan. maging totoo sa bawat sasabihin.” na minsan ay nalilimutan sa bilis ng kabog ng dibdib. hihinga ng maluwag, aasang sasagot at humaba pa ang usapan na kadalasan ay nawawala at ‘di na malaman ang pinaguusapan. maghihintay, maghihintay.
paunti-unti nitong ginuguhitan ang gilid ng puso na waring kumakawala. nilalapatan, tinatanggalan ng mga lagpas upang mabuo, upang maging puno.

“sana makita na kita.” dahil bagaman masarap ang ganitong pakiramdam at nakakausap ka, mas nanaisin kong pumutok ang mga ugat sa galit ng dugo ‘pag makita at makasama ka kaysa malamang nakangiti ka ngunit ‘di naman makita.

10.28.2009

ang mga putang-inang paa

“minsan ko lang sasabihin ‘to, natatakot ako.”

tumakbo nang tumakbo. kaliwa’t kanan, basta may butas ay pinasok ko. hindi tumigil. akala ko noon, hindi ako mauubusan ng lakas. akala ko noon, hindi ako mauubusan ng daang tatakbuhin.


nakatayo ako ngayon sa lugar kung saan buong buhay kong sinikap na iniwasan. sabi ko pa sa sarili noon, “change is a part of life, you have to learn to live with it. hindi hihinto ang buhay para sa’yo, kapag huminto ka, maiiwan ka. everything is change, pero bago ang change, may risk. there is always a risk—a risk you have to take and a decision you have to make.” pero, nasaan ako ngayon? nandito sa dulo ng bangin suot ang mga binti’t tuhod na tila iniwan sa ere dahil nangangatog sa takot at lamig.


“takot ako sa panganib kaya mabilis akong magpasya. hindi ako matapang.”


sa tuwing sisilip sa aking mataas na babagsakan ay tila nagkakaroon ng sariling buhay ang mga kalamnan. para bang nais nilang kumawala sa patpating katawan at tumalon... patungo saan? kahit yata ang aking balighong mga kalamnan ay hindi malaman ang pupuntahan, ang landas na dapat na magpapalibog ng buong katauhan.


kung hinigop kaya ng kumunoy, o nakain ng oso, kung hindi ko inayos ang pagtakbo noon, dito pa rin kaya ako babagsak? ito rin ba ang magpapahinto sa akin?


malaki ang pag-asang mabuhay kung tatalon sa kinatatayuan. ilang mga bato, mga sanga ng puno, marahil ay ilang baling mga buto at malalalim na sugat ang matatamo ko. pero, bakit ako tatalon? at, para saan ang pagtalon?


sa labo ng mga mata, kulay na lang ang pumapasok at umaabot sa utak. walang linaw ang lahat, wala kundi ang mga naaabot ng aking mga kamay. ang berdeng kulay na marahil ay mga dahon, pula na marahil ay bulaklak, kahel na malamang ay palubog na araw, mga kaunting kulay kape na nagkalat sa kung saan-saan, baka mga maliliit na bahay o kalbong puno. naaamoy ko sila, pero kahit ang aking pang-amoy ay hindi sapat para masagot ang dahilan ng aking pag-aalinlangan.


kaliwa? kanan? hindi pa, mas malayo pa? saan ba ko pupunta?


“masarap kaya maligaw, ang dami kasing nakikita. tiyaka, makakarating ka naman, e.”


sana nga. iyong tipong maraming daan pero sa huli, iisa lang ang babagsakan. sana ganoon na lang sa lahat. mahirap kasing bumalik, mahirap magsisi—masakit magsisi—ayaw magsisi.

katwiran ko kasi, kaya ka nga umalis dahil alam mong mas masaya ka sa ibang lugar. naaalala mo pa ba iyong kasabihang usong-uso na ‘di naman magkakaroon ng second kung mahal niya ang first? parang ganoon ang tirada. umalis ka na, tuluyan mo nang iwan. tama ba?


hindi ko alam kung tama, wala naman kasi talagang tama. malalaman mo na lang, nagsisisi ka na at ginawa mo o ‘di mo ginawa ang isang bagay.


pagkatapos kong tumakbo ng napakatulin at napakahaba, pagkatapos kong mag-isip ng napakahaba at napakatagal, andito pa rin ako. natatakot. nag-iisip. pinapawisan ng malamig habang nangangatog ang mga binti’t tuhod na ‘di ko na yata pag-aari. nagdarasal na sana ay lumakas na lang bigla ang hangin at liparin ang mga putang-inang paa o bumigay ang tinatapakang tipak na bato o hablutin ng isang napakalaking ibon at itapon ako sa makulay na kung saan o itulak ng kung sino.


hindi. ayaw. pag-iisipan ko ‘to nang mabuti.

10.06.2009

hindi kuripot.

1: magkano hong juicy fruit?

t: dos


binaba ni one ang mga juicy fruit na nasa kamay at bumunot sa lalagyan ng judge
ng parehong bilang na bubble gum.


1: tangina, ang mahal naman ng juicy fruit.


1: ang mahal.


naglalakad sina one at two habang isinusubo ni one ang judge. napatingin si two kay one.


2: ang kuripot mo talaga.


huminto si one at tinitigan sa mata si two.


1: tangina ka. ito nanaman tayo, e.


1: may tanong ako sa’yo, saan mo kinukuha ang mga pambili mo ng kung anu-ano?


mabilis na sinundan ni one.


1: sa magulang mo, hindi ba? samakatuwid, lahat ng ginagamit mo ay sa magulang mo nanggaling, tama ba?


2: oo, pero....


1: pero binigay na ang mga ‘to sa’yo, sasabihin mo. at sasabihin mo rin na dahil binigay na ‘to sa’yo, sa’yo na ‘to.


titigil ng sandali, pero hindi magpapa-awat.

1: kung ikaw ang magulang na sumusuweldo ng 350 kada-araw, sa tingin mo ba ay matutuwa ka kapag nalaman mo na sa baon niyang 150 kada-araw ay 50 pesos doon ay pinanlilibre lang niya?

2: pero siyempre iisipin mo rin, basta nasa tama, okay lang.


1: ito lang ang tanong ko sa’yo, ikaw ba, ano ang mararamdaman mo kapag nalaman mong ang candy na binigay mo sa kapatid mo ay pinamigay lang niya sa barkada niya na ‘di mo man lang kilala?


nag-iisip pa lang si two nang sundan muli ni one.


1: kaya ikaw, puta ka, tandaan mo, hindi kuripot ang tawag sa taong hirap maglabas ng pera. nag-iisip ang tawag doon, may pagpapahalaga sa mga pinapahiram, at binibigay sa kanya.