8.02.2009

ronnie, nasaan ka na?

naalala ko nanaman ang pagkabata ko, noong mga kailangan pang lagyan ng dagdag na upuan para lang magupitan, nang buksan ko ang pinto at maamoy ang pulbo na tumambad sa aking mukha. Ito, paborito kong barbershop, kay eddie. ronnie’s barbershop na ang nakasulat sa salamin nito gamit ang pulang pintura. Halatang bagu-bago. Pero kahit ganitong iba na ang pangalan nila, eddie’s pa rin ang pinapaalam ko kay nanay sa tuwing magpapagupit ako kay kuya bong. nasanay na rin kasi ako, ito na rin ang kinagisnan ni mama.


astig si kuya bong, simula bata ay siya na ang gumugupit sa’kin. suki ba. sinubukan ko rating magpagupit sa mga salon na lagpas isang daan ang singil, pero ‘di ako nagtagal. una, ang mahal nila kumpara kay kuya bong na kuwarentang gupit at benteng tip lang. naisip ko, mas malaki ang napupunta sa barbero ‘pag ganito. pangalawa, alam ni kuya bong ang gusto kong gupit. sakto kung gaano kataas ang ahit, walang putol na patilya, malinis na madumi. at pangatlo, ang pinaka-importante sa aking palagay, mabagal tumubo ‘pag siya ang gumugupit. parang kalokohan kung pakikinggan pero totoo. ang linis din kasi niyang gumupit at mag-ahit, maduming malinis, madumi na naaayos sa trip ko.

“sige, upo ka muna.” ani ni bong. dumikuwatro ako sa silyang pulang-pula pa rin. may kaunting butas sa kanto-kanto nito ngunit kung gaano siya katigas noon, wala itong pinagbago halos dalawampung taon na ang nakalipas, o mga kinse sa aking pagkakaalala. ang mga puting tela na sumasalo ng mga pinutol na buhok, mga gunting na matatalas pa rin ang tinig sa tuwing nagpapalakpakan, mga salamin na halos natakpan na ng kung anu-anong sticker at lumang poster nila jerry at vic zhou sa kalumaan, mga tray ng pulbo at suklay na may mga pangalan ng barbero ng barbershop, mga lumang hot-oil machine at pang-kulot na tila ‘di na umaandar, mga pekeng dinikit na tiles na biyak-biyak at kulang-kulang na, at ang aircon na walang palya sa kakaungol. nararamdaman ko siya. ako ba siya? siya ba ko? nakahiga ang mga maiikling buhok sa sahig na beige habang ang ilan ay pinagagalaw ng bentilador na mabagal na umiikot at paminsan-minsang sipa ng barbero sa tuwing iikot upang silipin kung pantay ang flat top ng ginugupitang kaibigan.

sumandal ako at pilit na inalala pa kung paano nangyari ang lahat—mga hairstyle na nasubukan, mga barberong sumubok na agawin ako kay bong, mga pangyayari bago pumasok at pagkalabas sa pintuan ni eddie. eddie? nasaan na nga ba si eddie?

“wala na, umuwi na ng pangasinan. natalo niya kasi ‘to sa pinsan niya, iyon si ronnie.” at tumuro sa lalaking nakaupo sa dulo ng barberya. balbas sarado, makapal ang buhok, maitim, nakataas ang paa habang nagbabasa ng diyaryo, o tumitingin lang ata ng nakahubong litrato ni gwen garci at maui taylor. ibang iba ang itsura niya kay eddie. sa katunayan, baliktad sila ng itsura. si eddie ang mukhang barbero talaga, dahil na rin siguro sa kalinisan. laging ahit ang patilya, malinis, kulang na lang ay pati kilay ang ahitin.

sinilip ko sa salamin ang sarili habang mabilis na nagpipintang muli ng obra si bong. lagi ko kasing iniisip, para akong canvass sa harap ni bong na sa tuwing uupo ay uulitin ang nagawa na para bang replay na lang. pero hindi, hindi siya obra. lagi kong sinasagot ang sarili. ang bawat gupit niya sa’kin ay kakaiba, nararamdaman ko. bawat palakpak ng kanyang gunting, nagliliparan ang maliliit na puting buhok sa puting tela. babagsak sila at titigil sa may gitna. nakita ko ang sarili ko sa lumang salamin.

ang mga mata na bagsak, tila pinapasan ng mga talukap ang bagahe ng buong pamilya, ang bagahe ng ilang dekada na puno ng hinanakit at pighati. nalulumang puti na kulay ng mata habang paunti-unting binabagsakan ng talukap. nilipasan ng panahon ang balat nito na disyerto kung tingnan ng mga batang sabik na sabik sa kagandahan.

mapapapikit sa tuwing magpapagpag si bong gamit ang paboritong brush. matatamaan ang mata ‘pag magii-spray ng tubig sa bandang patilya.

hinati niya sa dalawa ang buhok na maninipis. hinati niya sa magkabilang banda habang sinasabing, “imposibleng magpantay ‘to.” itatanong ko sana kung ano ang kanyang tinutukoy pero nahuli ko rin ang nais niyang iparating. hindi pantay ang lahat ng bagay, at ‘di magpapantay ang hati ng aking buhok. ang mga tao nga, hindi pantay-pantay, buhok pa kaya.

kaya siguro nauso ang buhok rizal—iyong tipong nasa gilid ang hati. kalokohang subukang maging pantay ang bawat hagod ng suklay at maging magkakorte ang kaliwa sa kanan. natutunan ito ng magkaibigang fernando poe at erap. natutunan nila na tulad ng buhay, may kagandahan sa hindi pagiging pantay at pareho. ang bawat pagkakamali, bawat pagkakaiba, ay karakter.

nakatitig ako sa poster ni fernando poe at erap na nakadikit sa drawer ni bong, napatulala pala ko. sayang, kung nanatiling action star sana tong dalawang ‘to, naging mas madrama siguro ang pagkamatay nila. si fpj pa lang pala. si cory kaya, kamusta na?

naaninag ko ang batang naka-upo sa aking likuran. pinagmamasdan ko siya mula sa salaming nasa harap ng aking kulubot na mukha. marahang kinakalbo ang bata at iniiwan ang buntot sa likod ng kanyang ulo na halos anim na pulgada na ang haba. tumingin siya sa’kin.

maangas ako noong bata. ayaw na ayaw ko ang tinititigan ako, pero gusto ko ang atensiyon ng lahat. hindi ko maintindihan kung bakit, pero alam ko ang tingin ng mga nakiki-usyoso at ang tingin ng isang humahanga o nagtataka. tuwing nahuhuli ko ang mga nakiki-usyoso, sinasabayan ko ang kanilang mga titig-mga titig na nagmumura at naghahamon. madalas ay umaatras ang mga paningin, pero may mga pagkakataon ding sadyang nakakatagpo ng tulad ko, kupal. makikipagtitigan, makikipagsagutan hanggang sa mauwi sa kung saan.

hindi ko inalis ang aking tingin. mula sa kanyang buhok, binaba ko ang tingin sa kanyang mata pababa sa kanyang talampakan. hindi ko siya minura tulad ng ginagawa ko noon, pero marami ang tumatakbo sa aking isip.

ang ganyang uri ng buhok ay naghahanap ng kalayaan. nais niyang matanggap ng lipunan at tingalain bilang isa sa mga kasapi ng astig na kabataan—mga batang marunong magsalita at ipahayag sa nakararami na may boses sila—mga batang may nais sabihin at patunayan na madalas ay ‘di napakikinggan—mga batang may karakter—karakter.

tuwing nagpapagupit ako, lumuluwag ang pagkakapinid sa aking dibdib. tila dahan-dahang niluluwagan at pinapapasok ang malamig na hangin upang pasukin ang aking katawan at libutin ang bawat sulot ng aking kalamnan. parang nakawawala sa matagal na pagkakakulong sa mundong napupuno ng mapanghusgang paningin at mapang-aping mga bibig.

buong buhay ko, tinali ako. mula sa mahabang buhok na kinagisnan ng marami, nagpakalbo ako. nagulat ang lahat, nagtaka at napa-isip. napaikot ko ang kanilang isip at imahinasyon. may mga nagtanong, “may problema ka ba?” wala naman akong masagot. maangas ang naging itsura. magulo ang naging reaksiyon ng bawat kaibigan at nakakasalubong lalo na nang itira ko ang batman ng aking buhok. “oo, nauna ako sa kanya sa ganyang buhok.”

ngayon, nakikita ko ang sarili ko sa salamin. literal. nakikita ko ang itsura ko noon sa aking harap. nakatitig siya sa’kin. maangas, handang lumaban at makipagtalaktakan, pero hindi niya gagawin dahil wala akong ginagawa sa kanya. gagalaw lamang siya at magpaparinig ng pahapyaw kapag gumawa ako ng bagay na labag sa kanyang prinsipyo at inabuso ang respetong binibigay sa akin.

alam ko ang tumatakbo sa kanyang isip. alam ko pati ang mga bagay na kahit siya ay ‘di pa niya natutuklasan. anak, isipin mo ang sarili mo. nasa tama ka, pero mamili ka ng tama.

binaba ni bong ang razor, at natabi ito sa suklay na halos naninilaw na sa kalumaan. paborito ata ‘to ni bong. walang ibang ginagamit na suklay si bong kundi ang luma at naninilaw na ito. minsan, niregaluhan daw siya ng suklay, pero tinago lang niya. sabi niya, “maluluma rin naman ‘yan, dito na ko sa luma hanggang masira.” hindi ako naka-imik, hindi ko ‘to magawa. hindi ko alam kung may paborito ba kong suklay, o kung nawala ko ba siya. sa katunayan, kahit hindi naman suklay. wala siguro.

binaling ko ang tingin ko sa bata na ngayon ay tulala sa kanyang telepono, tila may kausap. nasa gilid ng aking paningin ang malabong imahe ng aking sarili habang hinuhulma ang barbers na gupit. pagkatapos ng dalawampung taon, ganyan pa kaya ang buhok niya? pinikit ko ang aking mga mata at huminga ng malalim. nakakapagod. mas nakakapagod na. mas nakakapagod ‘to, lalo na kapag iisipin ko pa pati ang pakiramdam ng batang ito, ng ibang tao, na hindi naman talaga dapat.

lumagapak ang dalaming pinto at pumalo ng pabalik-balik. napalingat kami. dumiretso ang lalaki sa tabi ng bata, umupo, at sumenyas sa isang barbero, si jay, baguhan. “kalbo.” ani ng lalaking katamtaman ang laki. mukhang may asawa, mukhang may anak, pero isang mapormang lalaki nanaman. binuklat ang magazine na nasa harap niya habang mabilis na nilipat-lipat ang mga pahina, halatang litrato lang ang tinitingnan. “uno o dos?” tanong ni jay na nagpapagpag ng naninilaw na tela sa likod ng lalaki.

“dos.”


“ayos na boss.” biglang sabi ng tahimik na si bong.


tumango ako, tumayo at dumiretso kay ronnie. bumunot ng isandaang piso sa pasadyang wallet, inabot sa lalaking pumalit sa upuan ng dating kaibigan. tumingin siya sa’kin at binuksan ang drawer na puno ng bente pesos. inabot niya ang tatlong pirasong bente pesos.


binuksan ang drawer na puno ng bente pesos at kumuha ng dalawang pirasong bente pesos. “bong, may bente ka rito!” sigaw ni eddie noon.


kinuha ko ang tatlong bente pesos at tinupi ang isa. “bong o.” habang inaabot ang nakatuping bente sa lalaking gumuhit sa mga alaala sa barbershop ni eddie.


tinulak ko ang pinto at hinayaang pumalo-palo ang ito kasabay ng pagkalabo ng pangalang, “ronnie.”