8.12.2009

pangako

pangako

sa dami nating natutunang mga salita simula pa sa pagkabata, halos hindi na natin magamit ito ng maayos. dagdag pa rito ang pagkatuto nating magsinungaling. madalas, magbibitiw tayo ng mga pangungusap at tula na tumutukoy sa bukas—mga oras at araw na wala naman talaga sa ating mga kamay. aasta tayo na para bang tayo ang may hawak ng bukas, na tayo lamang ang nakatira sa maliit na mundong ito, na sa atin umiikot ang lahat, na walang ibang may karapatan kundi tayo. hindi maiiwasang bigyang puna ito ng mga makakarinig, lalo naman sa kausap natin. papakinggan ka nila at aasa sa mga binitawang salita na patungkol sa bukas. bukas, ganito. bukas, hayaan mo, ganyan.

para silang tumalon sa mataas na gusali at hindi na malaman kung saan kakapit dahil ang mga salitang binitiwan ay maaantala ng maraming bagay—tao, kaganapan, ideya, at marami pang ibang bagay na wala sa ating mga kamay. gusto mo man, wala kang magagawa.

ang pangako ay naimbento ng mga matatalinong tao. ito ang nagsilbing kapitan ng mga tumatalon sa patung-patong na salita. nagsisilbi itong hawakan para bumagal o maiwasan ang pagkawasak ng bungo at pagkabasag ng buong pagkatao ng isang nilalang na umaasa.


hindi dapat abusuhin ang salitang pangako. laging babanggitin na ito ay hindi basta-bastang salita na maaaring gamitin para makakuha ng ngiti at tiwala. ito ay dapat pinag-iisipang mabuti. ang bawat pangako ay tila papeles na pinermahan ng abogado at tinatakan. tulad ng isang dokumento, pinaninindigan at sinusunod ito.


sa tuwing lalabagin mo ang batas na iyong ginawa, konsensiya ang dapat mong nilulunok. guguhit ito sa iyong lalamunan, iipit, mabibilaukan sa tuwing lulunok, at ipaaalala sa’yo na may nasasaktan. hindi ito mawawala. mananatili itong buhay, lalaki at kakainin ang baga. lalamunin nang buo hanggang sa mahirapang huminga.


iisipin mo kung paano mababawi ang mga nasabi. magtatanong ka sa mga kaibigan. baka umiyak ka pa dahil hindi mo na alam ang dapat na maramdaman at gawin. tiyaka ka matututo. ang pangako ay hindi basta-bastang salita. ito ay inimbento ng mga matatalinong tao. kung ang salita, kapag nasabi ay hindi na mababawi, paano pa ang pangako?