8.16.2009

bakit kasi ang daming hindi puwede.

mula sa overpass na kinatatayuan ko, kitang kita ang makapal na trapik. kahit kaunti, walang gumagalaw. dumarami na rin ang mga nakasilip dito sa overpass tulad ko. may nagkakagulo kasi sa may bandang harapan ng kalye. may banggaan ata. kung may buhay lang ang kalye at nakapagsasalita, malamang ay nagmumura na ito ngayon sa sobrang gulo.

hindi ko hilig ang overpass. kung may ibang daan, kahit pa maglakad, doon ako daraan makaiwas lang sa hassle ng pag-akyat at pagbaba. iba rin kasi ang thrill ng pagtawid—iyong tipong makikipagsabayan ka sa mga sasakyan—iyong challenge na tatawid ka nang ‘di bumabagal ang mga sasakyan.

kaunti na lang, mahahagip na ko. dumaan ang dyip sa aking harapan at halos tatlong pulgada lang ang pagitan namin. ramdam ko ang hangin sa aking mukha. parang watawat na humahampas sa aking dibdib ang t-shirt na manipis. ito lang ata ang sampal na gustung-gusto ko, ito lang naman kasi ang sampal na walang halong pagsisisi. mula sa sakayan ng dyip, lumingon at tiningala ko ang mataas na overpass. putang-ina. ngayon ko lang na-realize na nagiging madalas ang paggamit ko nito. overpass. aakyat tapos bababa. nahihiligan ko na ba ang mga hagdan? hindi ako ‘to.

tinawid ko ang tatlong linya ng kalsada nang hindi humihinto. nakatitig sa mga sasakyang papalapit sa’kin habang hinahanda ang isip—saan babagal? kailan aabante? kailan susundan ang kalsada?

nagpaikut-ikot naman ako sa masikip na pagitan ng mga sasakyan. pati ata mga tao ay ayaw nilang pasingitin. Halos walang pagitan ang mga sasakyan. kung bump car siguro ito, lahat ay nagmumura na at hindi nila nasulit ang pinambayad sa tiket. halos walang pagitan ang mga sasakyan....

halos walang pagitan? narating ko na ang pinagtitinginan ng mga tao. kaya pala walang bumubusina kahit pa hindi gumagalaw. bumangga ang van sa puwetan ng dyip. warak ang bumper ng van at bumagsak ang tapakan ng dyip. may lalaki atang.. hindi. may lalaking nakabulagta sa windshield ng van. napuno ng dugo ang salamin. “nawalan ng preno yung van....” narinig ko sa katabi ko. “babae pa nga ang drayber ng dyip e, bakit....” ganoon? napasilip akong muli. ano naman kung babae?

hindi malaman ng drayber ang gagawin. hindi niya malaman ang uunahin habang nanginginig sa takot. siguro sa kaba. hindi ito normal. hindi ito nangyayari sa araw-araw. malamang ay kung puwede lang tumakbo at iwan ‘tong lahat, ginawa na niya. naiiyak na rin ang babaeng drayber ng dyip. hindi man niya kasalanan, kitang kita sa kanyang mga mata ang bigat na dala ng putang-inang drayber ng van.

bakit kasi kung kailan pa may bababa tiyaka siya nawalan ng preno. bakit kasi sa dinami-rami ng puwedeng banggain, dyip pa, may tao pa. bakit kasi hindi nakikita ng mas maaga ang mga ganitong pangyayari, naagapan sana. naiwasan sana. bakit. bakit! ang daming tanong na kahit kaming mga nanonood ay hindi alam ang sagot.

may kanya-kanyang kuru-kuro ang bawat nanonood. “dapat kasi may distansiya kasi lagi sa harap....” sabi ng isang lalaki habang kausap ang isa pang lalaki na anak niya ata. “dalhin na natin ‘yan sa ospital!” “i-atras mo na yung van, gago!” sigaw naman ng isang drayber din ng dyip. “huwag! ‘wag niyo siyang galawin! antayin natin ang albulansiya!” “hayaan niyo lang muna....” ang daming nagsisigawan. ang daming nagsasabi ng maaari at dapat gawin.

umupo sandali ang drayber ng van sa kalsada, sumandal sa kanyang gulong at umiyak habang pinagtututuro ng mga tao na nakatingin mula sa mataas na overpass. malamang, pinagmumumura na rin siya ng mga drayber na nasa loob ng kanilang mga sasakyan. hindi niya alam. hindi. alam niya. alam niya, pero hindi na ito mahalaga. tumayo rin siya at bumalik sa kinatatayuan kani-kanina—sa tabi ng lalaking napagitnaan ng dalawang sasakyan—sa tabi ng drayber ng dyip na tulad niya ay gulung-gulo na rin. Walang may alam ng dapat gawin.

kung nakapagsasalita kaya ang kalyeng ito, ano kaya ang sasabihin niya? kung nakapagsasalita lang ‘tong kalyeng ‘to, mumurahin din kaya niya ang putang-inang drayber ng van? paano ang nabangga?

puwedeng umatras, puwedeng umiwas, puwedeng tumakbo na lang at magtago sa pinakamalayong sulok ng mundo, puwedeng daanin sa areglo, pero hindi umaalis ang lahat—kahit pa ang drayber na malamang ay iniisip na ngayon kung anu-ano ang mga maaaring mangyari.

putang-ina. putang-ina. paano ba ‘to? namomoblema ko sa wala akong kinalaman. hindi ko man lang sila kilala pero para akong matalik na kaibigan na pinakikinggan ang bawat daing. sa akin umiiyak, sa akin sumasandal, sa akin naglalabas ng sama ng loob, sa akin nagtitiwala ng sikreto, pero wala akong magawa kundi maging matatag dahil pinapasan ko rin ang kargo nila na punung-puno ng walang-kasiguraduhang bagay. putang-ina naman.

iniwan ko ang malaking eksena sa kalsada at tumuloy sa me-time ko. iniwan ko ang eksena para sa aking sarili? tama ba? hindi. hindi, hindi. teka.

nanatili akong nakatayo sa harap ng eksena. sa dinami-rami ng mga nakapaikot sa dalawang sasakyan, ako lang yata ang tahimik. ako lang yata ang naghihintay. naghihintay saan? naghihintay sa wala. naghihintay ako... ng maaari kong gawin? baka kailanganin ako ng mga taong ito—ng drayber ng dyip, ng nasagasaan, o ng putang-inang drayber ng van.

naiinis ako sa van, sa drayber ng van pero hindi maaari. hindi puwede dahil hindi rin niya kasalanan ang mawalan ng preno. ang mali lang niya, bakit hindi na lang sa pader o sa island isinampa ang malaking van.

kitang-kita sa mga mata ng naipit ang sakit. nanginginig ang mga kamay nito, ang buong katawan nito habang pinipilit ng dalawang drayber na kausapin sila. humihingi ng tawad sa kanya, ngunit wala na siyang maintindihan. ang sakit na nararamdaman sa kanyang mga paa at likod ay gumapang na sa buong katawan. namamanhid ang lahat. hindi, naubusan na ito ng pakiramdam. Nangyayari ito sa harap ko, sa harap ng mga taong gustong tumulong pero walang magawa, sa harap ng dalawang drayber na halos masiraan na ng bait sa kakaisip kung paano ang gagawin.

putang-ina. putang-ina. nakatayo pa rin ako rito habang hinahayaang madamay ang sarili sa kagananap. nanginginig ako habang pinanonood ang matagal walang kibuan. nakikiramdam.

natatahimik ang mundo sa tuwing nakikiramdam ako, parang nabibingi ang aking tainga at nawawala ang mga boses na matitinging at nangungutya at namumuna. sa tuwing nakikiramdam, naririnig ko ang mga mensaheng walang boses na binabato madalas ng mga mata at pintig ng dibdib, ng puso.

bakit kasi ang daming hindi puwede.

hindi ako nagtatanong, marami ang sagot, alam ko.

mamaya sa pag-uwi ko, sana hindi ako mabangga. kung mabangga man ako, sana walang taong madadadamay.